Kaduda-duda ang Kinikilos ng Misis Niya; Napaiyak Siya nang Malaman ang Pinagkakaabalahan Nito
“Napapadalas yata ang labas mo nitong mga nakaraang araw. San ka ba nagpupunta, mahal?” hindi mapigilang usisa ni Gilbert sa asawa niyang si Delia. Bihis na bihis na naman kasi ito.
Nilingon siya nito.
“Diyan lang. Kasama ko naman si Anna madalas kaya ‘wag kang masyadong mag-alala sa akin. Mag-pokus ka na lang sa trabaho mo,” nakangiting wika ng babae.
“Saan ba ‘yun? Ayaw mo bang samahan kita?” paglalambing niya rito kahit na gustong-gusto niya na itong komprontahin.
Nakita niya ang gulat sa mukha ng asawa, ngunit ang mas nakakabahala ay ang pagkataranta nito nang magprisinta siya na sumama rito.
“Naku, hindi na. Alam ko namang abala ka. Saka sigurado akong hindi mo magugustuhan doon,” sagot nito habang hindi makatingin nang diretso sa mga mata niya.
Mas lalo lang tumindi ang hinala ni Gilbert. Pakiramdam niya ay may tinatago ang asawa sa kaniya. Ayaw niya mang pag-isipan ito ng masama, hindi niya mapigilan ang sarili. Ilang araw niya na kasi itong inoobserbahan at napakalaki ng pagbabago nito.
Kung noon ay halos hindi ito lumalabas ng bahay, ngayon naman ay madalas na itong umalis. Madalas niya itong makita na nakangiti habang may kausap sa cellphone.
At ang pinakamalaking ebidensya ay ang mga resibo mula sa iba’t ibang restawran na kinakainan nito. Hindi kasi ito kumakain nang mag-isa, palagi itong may kasama. Sigurado rin siyang hindi si Anna ang kasama nito dahil nakausap niya ito noong isang araw at ayon dito ay masyado itong abala sa trabaho, hindi nito nakakasama ang asawa niya.
Nangangahulugan lamang na nagsisinungaling sa kaniya si Delia.
“‘Ma, sa tingin mo ba niloloko ako ni Delia?” tanong niya sa ina. Nais niyang hingan ito ng payo bago niya kausapin ang asawa.
“Sa tingin ko hindi naman ‘yun magagawa ni Delia, anak. Kilala ko ang asawa mo, alam kong mahal na mahal ka niya,” sagot nito.
Natahimik siya. Alam niya naman iyon, pero sadyang kahina-hinala lang talaga ang mga pangyayari.
“Alam ko po pero kung sakali mang totoo nga ang hinala ko, sa tingin ko, alam ko na ang dahilan,” matamlay niyang pahayag sa ina.
Ilang buwan na kasi ang nakalipas simula noong magpatingin silang dalawa sa doktor. Matagal-tagal na rin kasi silang sumusubok na makabuo ng anak ngunit nanatili silang bigo.
Doon nalaman ni Gilbert na siya pala ang may problema. Mayroon siyang kondisyon kung saan maliit ang tyansa niyang magkaanak.
Nang malaman nilang mag-asawa ang tungkol doon, hindi man sabihin ni Delia ay alam niyang dismayado ito.
Hindi niya ito masisisi. Lumaki kasi itong walang kapatid at hiwalay ang mga magulang. Wala itong pamilyang kinikilala, kaya pangarap nitong magkaroon ng maraming anak pero dahil sa kaniya, hindi na iyon mangyayari.
Tila gustong maiyak ni Gilbert. Kung totoo man kasi ang hinala niya, alam niyang magagalit siya ngunit sa isang sulok ng kaniyang isip ay maiintidihan niya ang asawa kung hanapin nito sa ibang lalaki ang kakulangan niya.
“Wala siyang sinabi noon pero hindi naman natin alam kung ano ang tumatakbo sa isip niya,” mahina niyang pahayag kasabay ng isang mabigat na buntong hininga.
“Anak, kaysa mag-isip ka diyan ng kung ano-ano, bakit hindi ka na lang umuwi muna at kausapin mo mismo ang asawa mo? Komprontahin mo siya para malaman natin kung ano ang totoo,” payo nito.
Unti-unti siyang tumango bilang pagsang-ayon. Tama ito, dapat kumpirmahin niya muna kung ano ang totoo bago mag-isip ng masama. Paano nga naman kung mali lang siya ng iniisip?
Nang makauwi ang asawa niya noong, hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. Inipon niya ang lahat ng lakas ng loob para komprontahin ito.
“Saan ka galing at sino ang kasama mo?” usisa niya.
“Kasama ko si Anna. Namasyal kaming dalawa sa mall,” walang kurap nitong sagot. Tila handang-handa na ito sa pagsagot.
“Alam natin pareho na hindi totoo ‘yan. Tinawagan ko si Anna, at sinabi niya na hindi siya ang kasama mo,” mahina ngunit mariin niyang wika.
“Bakit kailangan mo pang magsinungaling? Tapatin mo ako, mayroon ka bang tinatago sa akin? Mayroon ka bang iba?” sunod-sunod niyang tanong sa kabiyak.
Kitang-kita niya ang pamumutla ng asawa sa narinig.
“Anong ibig mong sabihin? Bakit ka nag-iisip ng ganyan?” tanong nito. Bakas ang pagkalito sa maganda nitong mukha.
Inisa-isa niya ang mga patunay na mayroon itong iba—ang madalas nitong pag-alis, ang mga resibo sa restawran, ang pagsisinungaling nito na si Anna ang kasama nito, at kung ano-ano pa.
Sa gulat niya ay tumawa ito, na tila ba isang biro ang sinabi niya.
“Hon, wala akong iba. Ano ka ba naman! Hinding-hindi ko ‘yun magagawa sa’yo!” giit nito habang nangingilid ang mga luha.
“Talaga? Kung ganun, ano ba ang totoo? Saan ka ba talaga nagpupunta tuwing umaalis ka at bakit kailangan mo pang magsinungaling?” nalilito niyang tanong sa asawa, umaasa na sa pagkakataong iyon ay magsasabi ng ito ng totoo.
Kita niya ang pag-aalinlangan sa mga mata ng asawa.
“Ang totoo niyan… Nagpunta kasi ako sa bahay-ampunan. May isang bata doon na umagaw ng atensyon ko. Sa madalas kong pagbisita ay nagkalapit na rin kami. Hanggang sa sumagi sa isip ko na ampunin na lang siya…” paglalahad ng asawa.
Hindi nakaimik si Gilbert. Malayo kasi sa hinala niya ang totoo.
“Matagal kong pinag-isipan kung paano ko sasabihin sa’yo pero hindi ko magawa. Natatakot kasi ako na baka isipin mong hindi ako masaya na tayong dalawa lang. Ayokong sisihin mo na naman ang sarili mo dahil hindi tayo magkaroon ng anak kaya hindi ko masabi-sabi sa’yo. Kaya sa ngayon, nagkakasya na lang muna ako sa pagbisita. Kung minsan dinadala ko siya sa labas para makakain naman siya ng ibang pagkain. Siya ang kasama ko, hindi si Anna,” dagdag paliwanag nito.
Matapos ang litanya ng asawa ay tigagal si Gilbert. Nakahinga siya nang maluwag dahil sa narinig. Mabuti na lang at mali siya. Siya pa rin pala ang iniisip nito.
Niyakap niya ang asawa kasabay ng paghingi ng tawad sa pag-iisip ng masama.
“Kung anuman ang gusto mo, susuportahan ko, kagaya ng pagsuporta at pag-intindi mo sa akin,” pangako niya.
“Kung sasaya ka sa pag-aampon, gagawin natin,” sabi pa niya.
Nangislap ang luha nito dahil sa saya at niyakap siya nang mas mahigpit. Bawat isa ay masaya. Dahil sa susunod na kabanata ng buhay nila, mayroon nang bagong miyembro ang munti nilang pamilya.