Nag-apply sa Kaniyang Kompaniya ang Taong Naging Dahilan ng Pagkawala ng Kaniyang Ina; Magugulat Ito sa Gagawin Niya
Bihis na bihis si Louie. Suot ang kaniyang pormal na kasuotan na tinernuhan niya ng bagong biling itim na sapatos ay handa na siya para sa kaniyang kauna-unahang job interview makalipas ang ilang taong pagkukulong niya sa loob ng kanilang tahanan.
Matagal na panahon kasi ang inabot bago siya nagkaroon ng lakas ng loob na haraping muli ang buhay, matapos ang isang trahediyang kinasangkutan niya at ng isang taong nasawi, dahil sa kaniyang kagagawan. Matagal niyang sinisi at pinarusahan ang sarili tungkol sa bagay na ’yon na hindi man niya sinasadya ay nakaperwisyo pa rin ng iba.
Limang taon na ang nakalilipas buhat nang regaluhan siya ng kaniyang ama ng isang sasakyan, matapos niyang makapagtapos ng kolehiyo sa kursong Engineering. Naaalala pa ni Louie kung gaano siya nang araw na ’yon nang ibigay sa kaniya ng ama ang susi ng naturang sasakyan. Naging mabilis ang pangyayari, na dali-dali siyang nagmaneho nang araw na ’yon kahit na alam niyang hindi pa siya gaanong marunong…
Kaya naman sa hindi inaasahang pagkakataon ay bigla siyang nasangkot sa isang aksidente. Nakasalpukan niya kasi ang isa pang sasakyan na mabilis at humaharurot nang takbo, at dahil nga hindi pa gaanong marunong magmaneho si Louie ay agad siyang nataranta at hindi na nagawang makaiwas pa sa naturang salpukan.
Nagising na lamang siya na naroon siya sa isang ospital at nababalutan siya ng napakaraming sugat, ngunit ang mas gumimbal sa isip niya ay ang balitang nasawi sa aksidenteng iyon ang dalawang taong sakay ng taxi na siya niyang nakabanggaan, kabilang na ang may edad nang babaeng pasahero nito.
Halos gumuho ang mundo ni Louie nang araw na ’yon. Hindi niya matanggap na dahil sa kaniyang kagagawan ay may mga buhay na nasayang at hindi siya makumbinsing hindi lang naman siya ang may kasalanan doon. Ikinulong niya ang kaniyang sarili at lumayo siya sa mga tao, dahil pakiramdam niya ay karapat-dapat lang iyon sa kaniya.
Mabuti na lang, makalipas ang ilang taon ay nakausad din siya mula sa nangyaring ’yon kaya naman nang makita niyang mayroong hiring sa isang sikat na kompaniya ay agad niya iyong sinubukan. Tumatanggap kasi sila ng walang experience doon at ngayon nga ay mayroon na siyang interview.
Ngunit lingid sa kaalaman ni Louie ay muling pagtatagpuin ng tadhana ang landas niya at ng isa sa mga taong kaniyang naperwisyo… dahil ang may-ari pala ng kompaniyang pinag-a-apply-an niya ngayon ay ang anak ng babaeng nawala dahil sa aksidenteng kinasangkutan niya noon!
“Kumusta ka na?” Ikinagulat ni Louie ang tanong na ’yon ng nasabing lalaki. Hindi niya alam ang isasagot kaya naman napatitig na lang siya rito. “Mabuti naman at nagawa mo nang lumabas, Louie. Balita ko kasi ay matagal mong ikinulong ang sarili mo sa anino ng nakaraan… natutuwa akong makitang maayos ka na ngayon,” nakangiti pang dagdag nito na ikinagulat naman ni Louie.
“S-sir… hindi po ba kayo galit sa akin?” sa pagkabigla ay naitanong niya. Bumuntong-hininga naman ang lalaki bago sinagot ang tanong niya.
“Nagalit ako sa ’yo noong una, siyempre, dahil wala akong masisi sa nangyari sa mama ko. Pero nang mabalitaan ko kung gaano mo sinisisi ang sarili mo sa nangyari kahit na kung tutuusin ay hindi lang naman ikaw ang may kasalanan doon, nahanap ko ang pagpapatawad sa puso ko,” dugtong pa nito na nagpatulo ng luha mula sa mga mata ni Louie.
“Kaya sana, Louie, patawarin mo na rin ang iyong sarili… at kung kailangan mong magtrabaho sa kompaniyang ito para sa pag-uumpisa mong muli ay malugod kitang tinatanggap bilang isa sa mga empleyado ko. Hiling ko ang lahat ng ikabubuti natin,” pagpapatuloy pa nito na talaga namang nakapagpabagbag sa loob ni Louie.
Tinanggap ni Louie ang trabaho sa kompaniyang iyon at makalipas lang ang ilang buwan ay isa na siya sa pinakamahusay na empleyado ng mga ito. Malaki ang naging tulong niya sa kompaniya habang malaki rin naman ang naging tulong nito upang makabangon siya mula sa nangyaring aksidente.
Laking pasasalamat niya dahil imbes na pakitaan siya nito ng galit ay binigyan pa siya nito ng panibagong pag-asa sa buhay na magsisilbing dahilan upang lalo siyang magpursigeng magkaroong muli ng direksyon. Ngayon ay naniniwala siyang hindi pa huli ang lahat. Ngayon ay unti-unti nang gumaganda ang kaniyang buhay makalipas ang unos ng kaniyang nakaraan.