Umatras sa Mismong Araw ng Kasal Nila ang Kaniyang Nobya; Manlulumo Siya sa Dahilang Malalaman Niya
“Glen…” sambit ng kaniyang nobyang si Mikaela sa binata habang sila ay nasa harap ng altar. Ngayon kasi ang araw ng kanilang kasal. Hindi naman nakaligtas sa mga mata ng binata ang matinding lungkot na bumabakas sa mukha ng babae, kasabay ng panginginig ng mga kamay nitong hawak-hawak pa man din ni Glen.
“M-may problema ba, mahal?” takang tanong naman ng binata. Doon pa lang ay hindi na napigilan pa ni Mikaela ang kaniyang emosyon. Inalis nito ang pagkakahawak niya sa kamay nito bago ito yumukod at nagsalita…
“Pasensiya ka na, Glen, pero hindi ako ang babaeng para sa ’yo. Hindi ko kayang ituloy ang kasal na ito,” sabi pa nito bago siya nito mabilis na tinalikuran at tinakbuhang palayo.
Naiwan ang nagugulumihanang si Glen sa altar habang nakangangang pinanunuod ang unti-unting pagkawala ng kaniyang nobya sa kaniyang paningin. Kitang-kita niya nang bigla itong sumakay sa isang sasakyan kung saan lulan din ang dating nobyo ni Mikaela… ang nag-iisa niyang karibal na si Paulo.
Napaluhod si Glen nang mapagtanto niya sa wakas kung ano ang nangyayari. Natulala siya at ni hindi siya makaiyak dahil naghahalo-halo na ang emosyon sa kaniyang dibdib. Naging malaking usap-usapan iyon iba’t ibang klase ng balita dahil si Glen ay isang kilalang personalidad pagdating sa pagnenegosyo. Maraming mga tao ngayon ang kumukondena sa kaniyang nobya, dahil sa pang-iiwan nito sa kaniya.
Ngunit hindi kayang matahimik ni Glen nang hindi nalalaman ang tunay na dahilan kung bakit iyon ginawa sa kaniya ni Mikaela. Alam niya kasing nagmamahalan sila kaya naman imposibleng bigla na lang itong magbago nang walang dahilan… at kung sakaling totoo man na hindi na siya nito mahal ay gusto niyang marinig ’yong mismo mula sa mga labi nito, kaya naman gumawa si Glen ng paraan upang sila ay magkita at magkausap.
“Glen, bakit mo ako ipinadakip sa mga tauhan mo? Ilegal itong ginagawa mo!” protesta ni Mikaela matapos itong ihatid ng tauhan niya sa kaniyang bahay nang sapilitan.
“Pasensiya ka na, mahal. Gusto ko lang na magkausap tayo… maawa ka sa akin. Kung hindi mo ako mahal, sabihin mo mismo sa mukha ko para naman makalimutan na kita,” nagmamakaawang sabi pa ni Glen sa babae, ngunit ilang minuto na ang lumipas ay hindi pa rin nito nagawang sabihin iyon sa mukha niya. Nakatitig lamang ito sa mukha niya habang malungkot na lumuluha.
“Hindi mo deserve ang isang babaeng katulad ko, Glen,” umiiyak na sabi nito. “Buntis ako at hindi ko alam kung sino sa inyo ni Paulo ang ama,” dagdag pa nito na halos ikapanlumo pa ng binata.
Doon pa lang ay may ideya na siya sa nangyayari kaya naman tinatagan niya pa ang sarili at tinanong ito. “Ano’ng sinabi sa ’yo ni Paulo, Mikaela? Ano’ng ginawa niya sa ’yo?!” galit na anas niya sabay suntok sa pader na ikinagulat ni Mikaela.
Doon ay tila nawala sa sarili ang kaniyang nobya dahil sa muling pagbabalik ng isang madilim na pangyayari sa kaniyang alaala!
“Pinagsamantalahan ako ni Paulo, Glen! Binaboy niya ako, isang buwan bago ang kasal natin! Tinakot niya ako na ikasisira raw ng pangalan mo kung ako pa rin, na isang maruming babae, ang makakatuluyan mo, kaya mas pinili ko na lang na isakripisyo ang kaligayahan ko. Mahal na mahal kita, Glen, pero kailangan kong gawin ’to dahil ayoko na ring maalala pa ang ginawa sa akin ng lalaking ’yon!” pag-amin pa ni Mikaela sa kaniya na maya-maya ay biglang humagulhol habang yakap ang kaniyang sarili. “Gusto ko nang mawala sa mundong ’to, Glen! Gusto ko nang matapos ang paghihirap ko!” sabi pa nito.
Ibayong awa ang naramdaman ng binata para sa kaniyang nobya. Halos hidi niya alam kung papaano ito aaluin nang mga sandaling iyon, ngunit isa lang ang sigurado sa kaniyang isip… kaniya man o hindi ang batang dinadala nito ay hindi magbabago ang pagmamahal niya sa dalaga.
Gumawa ng paraan si Glen upang pagbayarin ang gumawa nito sa kaniyang nobya. Inanunsyo nila sa lahat ang totoo at tunay na naging kaganapan kung kaya nagawa siyang iwan ni Mikaela sa araw ng kanilang kasal. Mabuti na lamang at lahat ng kanilang mga kaanak ay suportado sila kaya naman mabilis na umusad ang kasong isinampa niya laban kay Paulo.
Siyam na buwan makalipas ang pangyayaring iyon ay lalong nagkaroon ng katibayan ang kaso dahil napatunayang anak nga ni Paulo ang batang dinadala ni Mikaela. Iyon ang naging dahilan ng kanilang pagkapanalo. Nahatulan ng habambuhay na pagkakakulong si Paulo sa ginawa nito kay Mikaela, habang ang bata naman na ngayon ay isinilang na nito ay itinuring na tunay na anak ni Glen, dahil para sa kaniya ay wala itong kasalanan. Ngayon ay nagsasama na sila bilang mag-asawa, kasama ang kanilang unang anak na pinangalanan nilang Mira.