Inday TrendingInday Trending
Mahilig Magsuot ng Sweater ang Binata; Hindi Inaasahan ng Lahat ang Rason sa Likod Nito

Mahilig Magsuot ng Sweater ang Binata; Hindi Inaasahan ng Lahat ang Rason sa Likod Nito

“Hoy Renz! Hindi ka ba naiinitan d’yan sa suot mong ‘yan? Ang init kaya! Tirik na tirik yung araw oh. Summer na kaya,” reklamo ng kaibigan ni Arnold sa kaibigang si Florenz.

Pakiramdam niya kasi ay siya ang naiinitan para sa binata. Summer nga naman kaya sobrang init ng panahon, pero naka-sweater na naman ang kaibigan.

“Ha? Hindi naman. Sanay na ako. Tsaka hindi ba ang cool ko tingnan? Hindi ba parang Korean idol lang?” tumatawang sagot ng binata sa kaibigan.

“Bilib talaga ako sa’yo, kaya mong tiisin ang grabeng init na ‘to para lang magmukhang K-pop idol ka? Hanep! Ikaw na lodi!” hindi makapaniwalang komento ni Arnold sa kaibigan.

“Oh, ano pala sabi nang erpats mo? Pinayagan ka bang sumama dun sa raket natin ngayong linggo?” tanong pa ulit sa kanya ng kaibigang si Arnold. Umiling naman siya bilang sagot.

“Hindi pa ako nakapagpaalam eh. Susubukan ko ulit mamaya at baka hindi na mainit ang ulo. Humahanap lang ako nang magandang timing,” paliwanag niya sa kaibigan.

Pagkatapos ng klase nila ay umuwi agad sa kanila si Florenz. Kinakailangan niyang magsaing at magluto dahil paniguradong gutom na ang tatay niya pagkauwi niya. Dalawa lang kasi silang magkasama sa bahay. Matagal na silang iniwan ng nanay niya. Maliit pa siya nang huling niyang makita ang ina.

Pagkarating niya sa bahay ay agad siyang pumasok sa kaniyang kwarto para magbihis at nang makapaghanda na siyang magluto ng kanilang pagkain ng tatay niya. Pagkatanggal ni Florenz ng sweater niya ay pinagmasdan niya ang kaniyang katawan sa harap ng salamin sa kaniyang kwarto.

Napangiwi siya sa kaniyang nakita. Agad din niya namang tinakpan ng panibagong saplot ang kaniyang katawan ng marinig ang kalampog at agad tinungo ang pinanggalingan ng tunog na nasa kusina nila.

“Wala bang makakain sa bahay na ’to?” sigaw ng tatay. Mukhang kagigising lang nito. Amoy na amoy ng binata ang alak na nangagaling sa katawan ng ama.

“Maghahanda na po ako ‘tay,” agad na kumilos si Florenz para maghanda ng pagkain.

“At bakit ngayon ka pa lang maghahanda ng pagkain kung kailan gutom na gutom na ako?!” sigaw ulit ng tatay at ipinato sa binata ang hawak nitong kaldero.

Napasigaw sa sakit ang binata ng tumama ang kaldero sa likod nito. Hindi pa ito nakontento at sinapak pa siya sa braso at pinalo ng sandok.

“Bilisan mo kung ayaw mong mabugbog ulit. Hindi ka na nagtandang bata ka! Malas ka na nga, wala ka pang silbi,” saad ng tatay niya bago ito bumalik sa kama at humiga.

Wala namang nagawa ang binata kung ‘di ngumiwi sa sakit. Sanay na siyang saktan ng ama. Katunayaan ay ito ang rason kung bakit madalas siyang nagkasuot ng sweater kahit na ba sobrang init ng panahon, para itago ang mga nangingitim niyang mga pasa galing sa pambubugbog at pananakit ng ama.

Binilisan niya na lamang ang pagkilos at pinaghanda ng makakakain ang ama.

Simula kasi nang iwan sila ng nanay niya ay naging lasenggo na ang kaniyang ama. Labis kasing nasaktan dahil sobrang mahal nito ang asawa.

Ang hindi niya maintindihann ay kung bakit siya ang sinisisi ng ama kung bakit sila iniwan ng nanay niya.

Kinabukasan ay hindi nakapasok sa eskwela si Florenz dahil sa sakit ng katawan at dahil inaapoy ito ng lagnat.

“Anong ginagawa mo rito?” tanong ng binata sa kaibigang si Arnold.

“Hindi ka kasi pumasok eh. Nag-aalaala ako kasi wala ka namang sinabi kahapon kaya baka kung ano na ang nangyari sa’yo. Lalo na at hindi mo naman ugali ang lumiban sa klase,” paliwanag ng kaibigan sa kanya.

“Pasensiya na. Oo nga pala, sa tingin ko ay hindi ako makakasama sa raket natin sa linggo,” nagulat naman ang binata sa kaniyang sinabi.

“Ano? Bakit naman? Hindi ka ba pinayagan ng tatay mo? Nandyan ba-“ hindi na natapos ni Arnold ang sasabihin dahil bigla na lamang natumba sa sahig ang kaibigan at nawalan ng malay.

Inaapoy ng lagnat si Florenz at nang sinubukang dalhin sa loob ng bahay nila ay nakita ni Arnold ang mga pasa sa katawan nito. Nagulat ang binata at hindi alam ang gagawin.

Hinala niya ay baka binubugbog ang kaibigan ng ama nito, kaya imbes na ipasok sa loob ng bahay ay dinala niya ang kaibigan sa pinakamalapit na ospital. Pagkagising nito ay kinausap niya ito nang mabuti. Inamin sa kaniya ng kaibigan ang totoong kalagayan nito at ang karahasang nararanasan sa kamay nang sariling ama.

Tinulungan siya ng mga magulang ni Arnold na isuplong sa awtoridad ang kaniyang ama. Ikinulong naman agad ito, pansamantalang kinupkop din muna ang binata ng pamilya ng matalik na kaibigan.

Itinuring siya ng mga ito na parte ng pamilya na lubos namang ipinagpapasalamat ng binata.

Taon ang lumipas at nakapagtapos na rin si Florenz. Naging isang matagumpay na engineer ang binata. Masaya na siyang namumuhay kasama ang pamilya ng kaibigan na itinuturing niya na ring sariling pamilya.

Paminsan-minsan ay dinadalaw niya rin ang ama sa presinto at kinukumusta ito. Hindi pa rin siya masyadong kinakausap ng ama pero naniniwala siya na balang araw ay magbabago rin ito at babalik rin ito sa dati bilang isang mapagmahal na ama sa kaniya. Gaya noong kasama pa nila ang kanyang ina.

Advertisement