Inday TrendingInday Trending
Tuwang-tuwa ang Lalaki nang Magkatotoo ang Hiling Niya na Maghirap ang Mayamang Kaklase; Tameme Siya Nang Biglang Muling Makaahon Ito sa Hirap

Tuwang-tuwa ang Lalaki nang Magkatotoo ang Hiling Niya na Maghirap ang Mayamang Kaklase; Tameme Siya Nang Biglang Muling Makaahon Ito sa Hirap

Xavier High, isa sa pinakatanyag na paaralan sa isang probinsya. Dahil na rin marahil sa pagiging kilala nito kaya karamihan sa mga mag-aaral dito ay mga mula sa mayayamang angkan at isa na nga rito ay ang anak ng mayamang businessman na si Rafael.

Sa edad na 16 ay marami nang alam sa buhay ang binata. Kahit kasi siya ay anak mayaman, tinuruan siya ng kaniyang ama na mamuhay ng simple. Ang mga bagay na kaniyang hinihiling ay kaniyang pinaghihirapan, at hindi siya katulad ng ibang estudyante na materyalistiko.

“Good morning, my name is Carlo Dela Cruz. 16 years old. I’m a transfer student from Bacolod. Looking forward to meet you all!” Pambungad ng lalaking bagong mukha sa magkakaklase.

“Hi. I’m Maria Katrina Lopez but you can call me Trina. Nice to meet you. Ang galing mo naman, nakapag-transfer ka dito kahit hindi ka dito nag junior high. Sobrang yaman mo siguro?” bati ng isang kaklase kay Carlo.Umupo ang binata sa tabi ni Trina. “Hi, ah, ano… Hindi ako mayaman. Nakakuha lang ako ng full scholarship kaya ako nakapag-aral dito,” sagot naman ni Carlo.

“Ah, okay,” maikling sagot ni Trina sabay talikod sa kay Carlo.

Dahil na rin sa dami ng mayayamang estudyante sa paaralan, normal na dito ang ugaling spoiled brat o mapagmataas. Pero hindi naman lahat ng kabataan doon ay ganon.

Kahit na mahirap at minamata si Carlo ng ibang mga kaklase, patuloy pa rin siyang nagsisikap sa pag aaral. Hindi niya iniinda ang pangungutya sa kaniya, pero unti-unti nitong nabago ang pagtingin niya sa mga kasama niya.

“Carlo, tara kain tayo,” pag-aya ni Rafael isang araw sa kalagitnaan ng school year.

“Ayoko. At saka wala rin akong pera,” pagtanggi ni Carlo.

“Ano ka ba? ‘Di ko naman tinatanong kung may pera ka e. Libre ko ‘to. Tara na!” pagpipilit pa ni Rafael.

Wala namang masamang ibig sabihin si Rafael sa sinabi niya, pero marahil sa pangit na pagtingin ni Carlo sa mga kaklase ay minasama niya ito. “So anong ibig mong sabihin? Na wala akong pera? Na mahirap ako? ‘Wag kang mayabang!” bulyaw ni Carlo

“Teka, wala naman akong sinabi ah? Alam mo matagal ko na napapansin ‘yang inis mo sa akin e. Wala naman akong ginagawa sa’yo. Ano bang problema mo sa akin?” naiinis na tanong ni Rafael.

“Ikaw! Mayabang ka kasi! Alam mo porket mayaman ka lang mayabang ka na. Sa tingin mo kung hindi ka mayaman makakapag-aral ka ba rito? Hindi naman ‘di ba? Kaya ‘wag kang magmayabang sa perang hindi naman sa’yo.” sagot ni Carlo. “Sana maging pantay-pantay tayo, para maipamukha ko sa inyo na kung may oportunidad lang akong kagaya niyo, mas matataasan ko pa kayo!” dugtong pa niya.

Kahit naiinis at nalulungkot si Rafael dahil sa maling pag-iisip ni Carlo ay nais niyang makipag-ayos pa rin pero pinili na lang ni Rafael na hayaan ang binata. Naging sanhi rin ito ng hindi nila pag papansinan hanggang maka-graduate.

Dahil sa hirap ng buhay, hindi na rin nakayanan ni Carlo na tumungtong sa kolehiyo. Naghanap na lamang ito ng trabaho at nagplano na magtayo ng sarili niyang negosyo kapag nakaipon.

Nagkatotoo naman ang hiling ni Carlo na maghirap si Rafael. Naaksidente kasi ang mga magulang nito at kinailangan operahan na nagkakahalaga ng malaki. Ngunit kahit na halos naubos na ang kayamanan nila sa pagpapagamot ay pumanaw pa rin ang mga ito. Napilitan ring tumigil sa pag-aaral si Rafael at nagpasiyang magsimula na magtayo ng negosyo gamit ang kaunting perang naiwan ng magulang sa kaniya.

Isang araw, muling nagkita ang dalawa nang pumunta sila sa start-up business convention upang magkaroon ng ideya sa sisimulang negosyo.

“O, Rafael. Long time no see ah? Bagong business na naman ba? Ang yaman niyo na nga, magpaparami ka pa ng pera!” bungad ni Carlo.

“Nako, nagkakamali ka Carlo. Medyo kapos ako ngayon. Sa kasamaang palad kasi ay nalugi ang negosyo namin nung nawala yung magulang ko,” malungkot na sagot ni Rafael. “Hindi bale, tuloy lang ang buhay hindi ba? Sana maging matagumpay ang negosyo natin,” dagdag pa niya.

Natapos na ang convention at parehas nilang naisipan magtayo ng small pastry business. Naging open din sila sa isa’t isa sa kung anong nangyayari sa negosyo nila, marahil dahil sa parehas naman sila ng negosyo, at para na rin makapagbigayan ng ideya.

Hindi ganon kalaki ang kinikita ng dalawa noong una. Pero sapat na ito para mabili ang ilang luho ni Carlo at maranasan ang mga bagay na hindi niya nagagawa noon. Samantala, si Rafael naman ay kumuha ng empleyado para maging katuwang sa negosyo.

Nang malaman ni Carlo ang ginawa ni Rafael. Pinagtawanan pa niya ito. “Nag-iisip ka ba? Kung kukuha ka ng tao para negosyo, mababawasan pa lalo ang kinikita mo. Kaya mo naman gawin ang mga ginagawa niya kung magiging mas masipag ka lang. Tatamad-tamad ka lang!” ang sabi ni Carlo kay Rafael.

Bahagyang nainis si Rafael sa sinabi ni Carlo ngunit hindi na lang niya ito pinansin. Sa halip, pinayuhan niya si Carlo. “Alam mo, hindi sapat kung magiging masipag ka lang. Kailangan maging matalino ka rin, at simulan mong gawin ngayon ang mga bagay na tutupad ng lahat na pangarap mo sa darating na panahon.”

Hindi ito naintindihan ni Carlo, sa halip, patuloy niyang ine-enjoy ang kaunting luho na nakukuha niya mula sa kaunting kita sa negosyo. Totoo ngang masipag siya at kahit kaunti ay nakakapag-ipon.

Si Rafael naman ay nagsipag pa rin sa kaniyang negosyo at dahil sa pagtitiis na tipirin ang kaunting kita upang mas dumami ang mga taong makakatulong niya sa negosyo, mas napabilis at naparami ang produksyon ng pastry na ibinebenta niya. Pumatok din ito at hindi nagtagal ay lumaki, na kahit hindi niya ito puntahan ay kumikita pa rin ito. Nakabalik muli si Rafael sa dati niyang pamumuhay at ‘di naglaon nagkaroon ng sariling pamilya.

Napuno ng inggit si Carlo sa nangyari kay Rafael ngunit nang maalala niya ang sinabi niya noon, naawa siya sa kaniyang sarili. Tinatanong niya ang kaniyang sarili kung saan siya nagkulang? Saan siya nagkamali? Ginusto niyang yumaman, nagsikap at nag-aral ng mabuti. Pero hindi niya mapagtanto kung saan siya nagkamali.

Maraming mga tao ang naghahangad yumaman. Iba-iba ang dahilan kung bakit, at iba-iba rin ang pamamaraan. Ngunit ano nga ba ang kailangan para yumaman? Maging masipag? Maging matalino? Maging matipid? Ano nga ba ang kailangan natin gawin upang umangat ang ating estado sa buhay?

Ang sikreto lamang talaga ay ang pagiging mababang loob, masipag, pagkakaroon ng positibong pag-iisip at pagiging masinop sa pera. Kapag mayroon ka ng mga iyan, hindi malayong umangat ka sa buhay.

Advertisement