Tinalikuran ng Dalaga ang Kaibigang Hindi Kagandahan; Bandang Huli’y Malalaman Niyang Isa Itong Matinding Pagkakamali
Matiyagang hinihintay ni Mildred sa tapat ng silid-aralan ang matalik niyang kaibigang si Jane. Simula kasi nang magbukas ang eskwela ay madalang na siya nitong kinakausap. Kaya naman naghanda siya ng paborito nitong ensaymada upang kanilang pagsaluhan sa recess.
Halos humaba ang leeg ng dalaga sa pagtanaw sa kaniyang matalik na kaibigan. Nang matanaw niya ito’y agad niyang tinawag ngunit tila hindi siya nito nakikita.
“Jane, kilala mo ba ‘yang si Mildred? Parang ikaw kasi ang tinatawag niya, e!” saad ng isang kaklase.
Nahiya naman si Jane kaya agad na itinanggi ang kaibigan.
“H-hindi ba’t siya lagi ‘yung pinagtatawanan ninyo dahil sa kakaiba niyang hitsura? Paano naman kami magkakakilala niyan? Hindi ko naman gustong maging tampulan din ako ng tukso!” mariing sagot naman ni Jane.
“Parang ikaw talaga ang tinatawag niya, e. Kung hindi mo nga siya talaga kilala ay puntahan mo siya at pagsabihan mo na huwag kang tatawagin. Nakakahiya, Jane, ayaw din naming makasama ang isang tulad mong may kaibigang kagaya niya kung kilala mo nga siya!” wika pa Kate, isa sa pinaka popular sa eskwelahang iyon.
Hindi man alam ni Jane kung paano ito gagawin ay nilakasan na lang niya ang kaniyang loob. Mas kaya pa niyang talikuran at hiyain si Mildred kaysa mawala siya sa kaniyang bagong grupo.
Habang papalapit ang dalaga ay labis naman ang saya ni Mildred. Sa wakas kasi ay makakausap na niya ang matalik na kaibigan.
“Akala ko, bes, hindi mo na ako papansinin dahil may bago ka nang mga kaibigan, e! Kumusta ka na ba? Ang tagal na rin nating hindi nagkakuwentuhan. May dala akong ensaymada, tara at pagsaluhan natin!” paanyaya ni Mildred.
“P’wede bang huwag mo akong matawag-tawag na “bes” dahil hindi naman kita kilala! Alam ko ang likaw ng bituka ng mga kagaya mo. Sasabihin mong kakilala ako para may mamanipula mo! Ibahin mo ako, Mildred! Kahit kailan ay hindi ako makikipagkaibigan sa isang oportunista at pangit na kagaya mo! Kaya tigilan mo na ‘yang ambisyon mong maging magkaibigan tayo!” pagtataray ni Jane sabay talikod at balik sa kaniyang mga kagrupo.
Naiwan naman si Mildred na nagugulumihanan at nasaktan sa mga sinabi ni Jane.
“Ang galing mo, Jane! Napahiya talaga ang pangit na si Mildred! Hindi ka na niya gagambalain pa kahit kailan. Napatunayan mo sa amin na hindi mo talaga siya kilala,” saad naman ng isang kaklase.
“H-hindi ko talaga kilala ang babaeng iyon. Nag-iilusyon lang siyang magkaibigan kami!” muling sambit naman ni Jane.
Pero kahit paano ay nakukunsensya si Jane sa kaniyang ginawa. Bata pa lamang kasi ay magkaibigan na silang dalawa. Ilang taon na ring labandera ang nanay ni Mildred sa pamilya nila Jane at mula noon ay lagi na silang magkalaro.
Ngunit pagpasok ng hayskul ay nagbago ang lahat. Tuluyan nang umiwas si Jane kauy Mildred dahil tampulan nga ito ng tukso dahil sa kaniyang hitsura. Gusto rin ng dalaga na maging popular sa kanilang eskwela kaya sumama siya sa kinabibilangan niya ngayong grupo. At gagawin niya ang lahat upang manatili sa tuktok kahit pa talikuran ang kaniyang pinakamatalik na kaibigan.
Kinabuksan ay sumama si Mildred sa kaniyang ina upang tumanggap ng labada. Nakita niya si Jane na kausap sa telepono ang kaniyang mga bagong kaibigan. Nang makita naman siya nito’y agad itong nagtago sa kaniyang silid.
Nang makakuha ng tiyempo si Mildred ay kinausap niya si Jane.
“Dahil ba sa kanila kaya itinanggi mong magkaibigan tayo? Mauunawaan naman kita, Jane, kung gusto mo ng bagong mga kaibigan. Ngunit sana’y hindi mo na lang sinabi ang mga sinabi mo,” saad ni Mildred.
“Mildred, hindi mo ba makita na nagsasawa na ako sa iyo bilang kaibigan ko? Gusto ko naman ng bago saka ‘yung mga katulad ko. Kapag kasama kita’y lagi na lang din akong tinutukso. Pagod na akong magtanggol sa iyo! Maging masaya ka na lang para sa akin. Huwag mo nang ipagsiksikan ang sarili mo bilang kaibigan ko dahil hindi na ‘yun mangyayari pa. Humanap ka na lang ng bago mo ring kakaibiganin!” sambit naman ni Jane.
Sa puntong iyon ay natitiyak ni Mildred na tapos na talaga ang pagkakaibigan nila ni Jane kaya naman hindi na rin siya gumawa ng paraan upang magkaayos sila. Sa tuwing nagkikita sila’y hindi na niya ito pinapansin pa. Masaya naman si Jane dahil sa wakas ay hindi na niya inaalala na matatanggal siya sa grupo ng mga popular sa eskwela.
Isang araw ay dinatnan ni Jane ang ibang mga kaibigan na nag-uusap-usap tungkol sa mga produktong pampaganda.
“Ito raw ang ginagamit ng mga sikat na modelo kaya parang banat na banat at makinis ang mga kutis nila. Ang mahal nga nito kaya nagpa-order na lang ako sa ate ko sa ibang bansa!” saad ni Kate.
“Ibang klase ka talaga, Kate, ubod ka na nga ng ganda ay ubod ka pa ng yaman. Talagang kailangang sa ibang bansa ka pa bibili ng ganitong produktong pampaganda?” saad ng isang kaklase.
“Maswerte rin kayo at ako ang naging kaibigan n’yo, dahil babahagian ko kayo nito! Ang dami kasing binili ng ate ko kaya sabay-sabay tayong gumamit! Ikaw, Jane, gusto mo rin bang subukan ang produktong ito?” wika muli ng dalaga.
“Aba, syempre naman! Hindi ko ata tatanggihan ‘yan! Pero sigurado ba kayo na mainam ito sa balat? Sa totoo lang ay hindi kasi ako masyadong gumagamit ng mga pampaganda,” tanong ni Jane.
“Naku, ang yabang naman ng dating mo, Jane. Ang sinasabi mo ba sa amin ay hindi mo na kailangang gumamit ng pampaganda dahil maganda ka na at sinasabi mo bang kaya kami gumagamit nito ay dahil sa hindi kami kagandahan?” wika ng isang kaklase.
“H-hindi naman sa gano’n! Tinatanong ko lang kung ligtas ba talaga itong gamitin lalo na sa mukha,” saad pa ng dalaga.
“Hindi ka ba marunong magbasa, Jane, para nga sa mukha ang produktong ito. Mahal ang bili ng ate ko nito sa ibang bansa. Kung ayaw mo at talagang tingin mo sa sarili mo na maganda ka na ay hindi na kita bibigyan!” wika pa ni Kate.
Dahil natatakot si Jane na mag-isip ng masama sa kaniya ang mga kagrupo ay tinanggap niya ito.
“Nagkakamali ka, gustong-gusto kong gumamit nito. Gusto ko ring gumanda ang balat ko tulad mo,” sagot naman ni Jane.
“Huwag mo itong sayangin, Jane, dahil mahal ito. Gamitin mo, a!” paalala muli ng kaklase.
Nang hapon ding iyon pagkauwi mula sa eskwela ay agad na ginamit ni Jane ang naturang produkto. Unang pahid pa lang niya ay nahapdian na siya. Agad niya itong itinawag kay Kate ngunit imbes na payuhan siyang itigil na ang paggamit ay pinagsabihan pa siya nito.
“S’yempre medyo mahapdi talaga ‘yan sa simula dahil hindi pa sanay ang balat mo. May kaunting pamumula at pagbabakbak din na mangyayari dahil tinatanggal niya ang maruming balat. Tuloy mo lang ang gamit, Jane. Tiis-ganda ang tawag d’yan!” saad ni Kate.
Kaya naman nagpatuloy si Jane sa paggamit ng naturang produkto. Habang tumatagal ay napapasin niyang humahapdi na masyado ang kaniyang mukha at nagsusugat na ito.
“Ginagamit n’yo ba ‘yung pampagandang binigay n’yo sa akin? Bakit hindi namumula ang mukha n’yo tulad ng sa akin?” tanong ni Jane.
“Baka naman mali ang paggamit mo?” tanong ni Kate.
Pinaliwanagan ni Kate si Jane sa tamang paggamit ng produkto. Ngunit kahit anong gawin ng dalaga ay patuloy pa rin ang pagsusugat ng kaniyang mukha.
Isang araw habang papasok ng eskwela si Jane ay nilapitan siya ni Mildred. Pilit namang siyang umiiwas dahil natatakot siyang makita ng grupo ni Kate na nakikipag-usap sa dating kaibigan.
“Jane, gusto lang kitang kausapin. Hindi ko na kayang manahimik gayong nakikita kong pinaglalaruan ka na lang ng mga bago mong kaibigan. Huwag mong hayaang gawin nila ito sa’yo,” saad ni Mildred.
“A-ano na naman ang sinasabi mo, Mildred? Kahit ano pang sabihin mo ay hindi na ako makikipagkaibigan sa iyo dahil pagtatawanan lang ako ng marami. Kaya huwag mo nang siraan ang mga bago kong kaibigan!” galit na wika ni Jane.
“Sumama ka sa akin, Jane, para malaman mo ang tunay na kulay ng mga tinatawag mong kaibigan!” saad muli ni Mildred.
Dinala ni Mildred si Jane sa likod ng silid-aralan. Sa isang maliit na butas ay nito si Kate kasama ang ibang kaibigan na nag-uusap-usap.
“Uto-uto talaga ‘yang si Jane! Nagsusugat na nga ang mukha pero naniniwala pa rin sa mga sinasabi ko. Gagawin talaga ang lahat para hindi maalis sa grupo natin. Akala ba niya gano’n lang kadali ang maging sikat sa eskwelahan? Nais pa atang talbugan ako kaya iyan ang nababagay sa kaniya! Gamitin niya ang produktong binigay ko hanggang masira ang mukha niya at mas maging pangit pa siya kaysa kay Mildred!” natatawang sambit ni Kate.
Hindi naman makapaniwala si Jane sa kaniyang narinig. Kaya naman sa labis niyang galit ay sinugod niya si Kate. Kinuha niya ang nasabing pampaganda sa kaniyang bag at saka niya ito pinahid sa mukha ng dalaga.
“Akala ko pa naman ay mga tunay ko kayong kaibigan! Hindi ko mapapalampas ang ginawa ninyo sa akin. Isusumbong ko kayo sa pamunuan nitong eskwelahan. Hihingi rin ako ng tulong sa abogado para pananagutin kayo sa pagkasira ng mukha ko! Hindi ko alam, Kate, kung bakit ka sikat sa eskwelahang ito gayong napakasama naman ng ugali mo! Nagsisi ako ngayon bakit pa ako sumama sa inyo!” bulyaw ni Jane.
Iyak nang iyak si Jane habang pauwi ng kanilang bahay. Sinundan naman siya ni Mildred upang damayan.
Napayakap na lang ang dalaga sa kaibigang kaniyang tinalikuran.
“Patawarin mo ako, Mildred, at mas pinili ko ang mga plastik na iyon kaysa sa pagkakaibigan natin. Nabulag talaga ako. Ang akala ko’y kapag sila ang sinamahan ko ay mas mapapabuti ang sitwasyon ko. Mali pala ako. Kung sino pa itong tinalikuran ko’y siya pa ang dadamay sa akin ngayon. Ikaw pa rin ang nanatiling totoo sa akin,” umiiyak na wika ni Jane.
“Mananatili ako talaga, Jane, dahil ikaw ang matalik kong kaibigan. Alam ko namang mahirap na maging isang kaibigan ang tulad kong hindi maganda ang hitsura. Lagi ka na lang ding napapagtawanan katulad ko kahit maganda ka naman talaga. Kaya nauunawaan kita. Huwag ka nang humingi ng patawad,” saad naman ni Mildred.
Mula noon ay nanumbalik na ang magandang samahan at pagkakaibigan ng dalawa.
Para naman kina Kate at mga kasamahan nito, napatalsik na sila sa paaralan dahil sa kanilang ginawa. Hindi na rin itinuloy pa ni Jane ang pagkaso sa kanila dahil alam niyang may mali rin naman siya. Ang nais na lang niya ay makapag-aral nang matiwasay kasama ang kaniyang kaibigan.
Unti-unti nang naghilom ang mga sugat sa mukha ni Jane. Tuwing hapon ay sabay silang kumakain ng matalik niyang kaibigang si Mildred. May ilan pa ring tumutukso sa kanila ngunit sa pagkakataong ito ay hindi na nila ito binibigyan pa ng atensyon. Ang mahalaga ay alam ni Jane na sa hirap at ginhawa ay may isa siyang tunay na kaibigan na mananatili sa kaniyang tabi anuman ang mangyari.