Mas Pinahahalagahan ng Ginoo ang Bagong Sasakyan kaysa sa Kaniyang Misis; Isang Tagpo ang Magbibigay sa Kaniya ng Aral
Alas diyes na ng umaga at nagtataka si Sally dahil natanaw niya ang kaniyang asawang si Cesar sa kanilang garahe. Nagtataka siya kung bakit pa ito naroon kaya agad niya itong pinuntahan.
“Nandito ka na naman kasama ang bagong kotse mo. Wala ka bang pasok ngayon? Huwebes palang, a! Tamang-tama at baka maaari mo akong samahan para magpasuri sa doktor ko ngayon. Ilang araw na rin kasing hindi maganda ang pakiramdam ko,” bungad ng ginang.
“Sa susunod na lang kita sasamahan. Lumiban muna ako sa trabaho ngayong araw. Magkikita kami ni Pareng Gener dahil may ipapaayos ako dito sa sasakyan. Hindi rin ako mapakali. Tingnan mo nga kung gasgas ito,” saad naman ng mister.
“Ano pa ba ang ipapaayos mo riyan, e, kabibili lang ng kotse na ‘yan, a? Napapansin ko wala ka nang inatupag kung hindi puro ‘yang sasakyan mo. Tingnan mo nga at hindi ka pa nakapasok sa trabaho,” naiinis nang wika ni Sally.
“Pabayaan mo na ako, Sally, ito lang naman ang hilig ko saka alam mo kung gaano ko pinag-ipunan para lang makabili ng sasakyan. Hindi rin naman ako nagkukulang dito sa bahay. Kaya kung may nais akong gawin sa kotse ay huwag mo na akong pigilan,” dagdag pa ni Cesar.
Napailing na lang si Sally dahil hindi man lang magawa ni Cesar na mag-alala para sa kaniya gayong wala namang gasgas talaga ang kotse ngunit balisa ito masyado.
Makalipas ang ilang minuto ay dumating na ang kumpareng hinihintay ng lalaki at umalis na sila agad. Hindi man lang nito nagawang magpaalam nang maayos sa asawa sa kamamadali.
“Babalik ka ba agad? Masasamahan mo ba ako sa doktor mamaya?” tanong ng ginang.
“Magte-text na lang ako sa’yo kung aabot. Pero huwag mo na akong asahan muna dahil trapik papunta pa lang sa kasa,” wika ng nagmamadaling mister.
Walang nang nagawa pa si Sally kung hindi ang bumuntong hininga. Sa sobrang sama ng loob nito’y napa-text na lang siya sa asawa.
“Hindi ko maiwasang isipin na mas mahalaga pa ang kotseng iyan kaysa sa sarili mong asawa. Ano ba namang ipagpaliban mo na lang muna ang pagpapagawa ng sasakyang hindi naman sira para lang samahan ako sa ospital?” mensahe ni Sally.
Nang mabasa ito ni Cesar ay agad na nag-init ang kaniyang ulo.
“Ibang klase talaga itong asawa ko. Talagang ngayon pa siya sasabay kung kailan may appointment na tayo sa kasa. Nagpapasama sa akin sa doktor. Nung hindi pa naman niya alam na lumiban ako sa trabaho ay kaya naman niyang pumunta sa ospital nang mag-isa. Ngayon ay nagdaramdam pa! Ibang klase talaga ang pagpapapansin!” saad ni Cesar sa kaibigang si Gener.
“Alam mo naman ang mga babae, pare, basta ikakaligaya nating mga lalaki ay pinagseselosan. Palagpasin mo na lang at lilipas din ‘yan!” sagot naman ng kumpare.
Ngunit taliwas ang ginawa ni Cesar. Imbes na palagpasin ay sinagot niya ang asawa dahil sa sobrang inis.
“Ito ang dahilan kaya mas gusto ko ang kotse ko kaysa sa iyo. Hindi ito katulad mo na maraming dada at arte sa katawan. P’wede ka namang kumuha ng taxi para makapunta sa doktor. Iyon naman ang plano mo kanina nung hindi mo pa alam na hindi ako pumasok sa opisina, ‘di ba?” mensahe pa ni Cesar sa misis.
Wala nang natanggap na mensahe si Cesar mula kay Sally.
“O, ‘di natahimik siya. Alam kasi niyang totoo ang sinasabi ko! Kailangan talaga sa mga misis minsan ay binabara mo sila para hindi nila isipin na sila ang laging tama,” pagmamalaki pa ng ginoo.
Inabot na ng hapon ang magkumpare sa talyer dahil sa dami ng mga pinapaayos sa kotse. Tuwang-tuwa naman si Cesar sa kinahantungan ng kaniyang sasakyan.
“Lalong gumanda ang tsikot ko, pare. Ang galing talaga ng rekomendasyon mo! Marami na namang hahanga sa akin nito sa opisina!” saad ni Cesar.
“Siya nga pala, bago tayo umuwi ay dadaan lang ako ng cake para kay Sally. Para kahit paano ay hindi ako talakan. Alam mo naman, kailangan nating manuhol,” natatawang dagdag pa nito.
Masayang minaneho ni Cesar ang kaniyang sasakyan patungo sa paboritong bake shop ng asawa. Nang paparada na siya ay may mabilis na sasakyan na muntik nang makasagi sa kanila. Mabuti na lang at nakahinto ito kaagad.
Agad namang lumabas ang matandang ginoo na nagmamaneho upang humingi ng dispensa kay Cesar.
“Pasensya na at nagmamadali lang talaga ako, hindi ko sinasadya!” paumanhin ng ginoo.
Nagmamadali namang tiningnan ni Cesar kung may gasgas ang kaniyang sasakyan. Galit na galit ito sa ginawa ng matanda.
“Muntik mo nang banggain ang sasakyan ko! Hindi ka ba tumitingin sa dinadaanan mo? Dapat sa tulad mo ay hindi na nagmamaneho ng sasakyan kung hindi mo naman talaga kaya!” sigaw pa ni Cesar.
“Ginoo, huminahon ka. Hindi ko naman natamaan ang sasakyan mo. Kailangan ko na talagang umalis at nagmamadali ako!” giit ng matanda.
“Wala akong pakialam sa sinasabi mo. Kailangan ko munang tingnan ang sasakyan ko para makasiguradong wala ngang gasgas! Hindi mo ba alam na bago lang ‘to!” bulyaw muli ni Cesar.
“Ginoo, wala na talaga akong oras para dito. Ito ang tarheta ko, tawagan mo ako kung may nasira sa sasakyan mo at saka natin pag-usapan. Ngayon ay kailangan ko lang talagang umalis at nagmamadali ako,” muling pakiusap ng matanda.
Ngunit nagpumilit pa rin si Cesar na hintayin siya nitong masuri niya ang sasakyan kung wala ngang tama. Ilang minuto din ang nakalipas at saka niya hinayaan ang matanda na umalis.
“Sa susunod ay mag-ingat ka! Dapat sa iyo ay tinatanggalan ng lisensya dahil hindi ka na p’wede pang magmaneho! Perwisyo!” bwelta muli ng mainit na ulong si Cesar.
Nagmamadaling umalis na ang matanda.
“Akala ng matandang iyon ay hahayaan ko na lang siyang makaalis agad. Paano na lang kung nagasgasan ang magandang kotse ko? Akala talaga niya ay makakatakas siya sa akin! Sira ulo siya! Kahit matanda siya ay hindi ko siya papalagpasin,” pagmamayabang nito sa kaibigan.
Habang nasa bake shop si Cesar ay tumunog ang kaniyang selpon. Nakita niyang tumatawag ang kaniyang hipag.
“Cesar, nasaan ka ba? Kanina ka pa raw tinatawagan ng mga tauhan ng ospital pero hindi ka makontak. Pumunta ka na ngayon dito sa ospital dahil may nangyaring hindi maganda sa asawa mo!” saad ng ginang.
Hindi na nagawa pang kunin ni Cesar ang biniling cake at agad na hinarurot ang sasakyan. Dumeretso siya sa ospital at doon ay dinatnan niya ang wala nang buhay na asawa.
“P-paanong nangyari ito? Kanina lang ay maayos naman ang kalagayan niya! Nag-usap pa nga kami, e!” naguguluhang wika ni Cesar.
“Matagal nang sinasabi sa akin ni Sally na masama ang pakiramdam niya. Madalas daw maninikip ang kaniyang dibdib at nahihilo. Ang huling mensahe niya sa akin ay pumunta na nga daw siya dito sa ospital para magpasuri. Ang sabi ng mga nars ay inatake daw sa puso ang asawa mo. Nagkataong pabalik pa lang ang doktor kaya wala na silang nagawa pa. Ilang minuto lang ang pagitan. Kung napaaga sana ang dating ang doktor ay naisalba sana ang buhay ni Sally,” kwento ng hipag.
Galit na galit si Cesar nang malaman ang nangyari. Dahil dito ay hindi niya naiwasan na magwala. Hinahanap niya ang doktor para makausap at sisihin sa mga nangyari.
Ilang sandali pa ay lumapit ang doktor. Laking gulat ni Cesar nang makita ang matandang lalaking nakaalitan niya sa daan kanina.
“Ikinalulungkot ko ang nangyari. Nasa kabilang ospital ako at may sinusuri ring ibang pasyente. Nang malaman kong kailangan ako rito’y nagmadali ako para makapunta. Halos paliparin ko ang sasakyan ko para makapunta rito sa ospital. Ngunit muntik na akong maaksidente. Hindi ako pinalampas ng lalaki kahit na hindi naman tinamaan ng sasakyan ko ang kaniyang sasakyan. Kung hindi sana nangyari ‘yun ay nailigtas ko sana ang buhay ng kaanak ninyo. Ikinalulungkot ko,” saad pa ng doktor.
Halos mapaluhod si Cesar sa nangyari. Labis siyang nagdadalamhati sa pagkawala ng kaniyang asawa. Masakit para sa kaniya ang lahat dahil tila kasalanan niya pa ang pagkawala ng kaniyang asawa. Ang masakit pa roon, nang makita niya ang huling palitan nila ng mensahe ng asawa ay naalala niyang masama ang loob nito sa kaniya.
Lumabas si Cesar sa ospital at pinuntahan ang kaniyang sasakyan. Pinagsisisipa niya ito dahil hindi niya matanggap ang nangyari. Ngunit kahit ano pang galit at sigaw ang kaniyang gawin ay hindi na muli pang maibabalik ang buhay ni Sally.
Ngayon ay hindi man lang magawa ni Cesar na sumakay ng kaniyang kotse dahil naaalala niya ang pait ng pagkawala ng kaniyang maybahay.