Hinanapan Niya ng Nobyo ang Kaibigan; Magtagumpay Kaya Siyang Mabigyan Ito ng Mapagmahal na Kasintahan?
Matagal nang pangarap ni Annie na maka double-date nila ng kaniyang nobyo ang matalik niyang kaibigang si Clodeth. Kaya lang, tila naghihintay siyang maging puti ang uwak sa pangarap niyang ito dahil hanggang ngayong magsa-sampung taon na sila ng kaniyang nobyo, hindi pa rin nagkakaroon ng nobyo ang kaibigan niyang ito!
“Ano ba kasing mali sa’yo, Clodeth, ha? Bakit hanggang ngayon wala ka pa ring nobyo?” tanong niya sa kaibigan, isang araw nang magyaya itong magkape.
“Naku, Annie, hindi ko rin alam! Kung gustong-gusto mo nang magkaroon ako ng nobyo, mas lalo naman ako, ‘no! Pagod ka pagod na akong kiligin sa relasyon niyo ng nobyo mo!” tugon nito.
“Diyos ko! Baka kasal na kami at lahat-lahat, wala ka pa ring nobyo, ha!” inis niyang sabi rito.
“Malay mo, pagiging matandang dalaga talaga ang nakatakda sa akin!” patawa-tawa nitong tugon na lalo niyang ikinainis.
“Asa naman sa’yo! Sandamakmak ang nagkakagustong lalaki sa’yo simula pa lang noong nasa hayskul tayo! Ni isa ba sa mga manliligaw mo, wala ka talagang sinagot?” pang-uusisa niya pa rito.
“Wala, wala naman kasing tumatagal, eh. Palaging kapag nahulog na ako, mayroon na silang ibang nililigawan,” nguso nito, ramdam niya ang kalungkutang mayroon ito.
“Baka naman kasi sinusungitan mo maigi ang mga manliligaw mo, Clodeth!” hinala niya.
“Hindi, ha! Ang bait-bait ko nga sa kanila, eh! Sa katunayan nga, ako pa ang nanlilibre sa kanila sa unang date namin!” singhal pa nito dahilan para siya’y makaisip ng paraan kung paano magkakaroon ng nobyo ang kaibigan niyang ito at matupad na niya ang pangarap niyang maka double date ito!
Dali-dali niya itong kinuhanan ng litrato at kaniya itong inilagay sa social media na may kasama pang mga katagang, “Sinong single riyan? Ligawan niyo na itong kaibigan ko! Atat na atat na akong magkaroon ng kasintahan ‘to!”
Katulad ng inaasahan niya, bago pa sila makaalis sa kapehang iyon, may isang lalaki na agad ang nagpadala ng mensahe sa kaniya at tila ito’y interesado sa kaniyang kaibigan.
Upang mapadali ang usapan, agad niya itong tinawagan at tinanong kung mayroon itong ginagawa. Nang malaman niyang wala itong ginagawa, agad niya itong pinapunta sa kapehang iyon at iniwan ang kaibigan niya roon.
“May darating na binata rito, Clodeth, at interesadong-interesado siya sa iyo! Magpakitang gilas ka na, ha! Baka iyan na ang lalaking magpapainit nang malalamig mong gabi!” paalam niya sa kaibigan at kahit na labis itong tumutol sa plano niya, hindi niya ito hinayaang umalis sa kapehang iyon.
Ilang oras pa ang lumipas, habang siya’y nagluluto ng hapunan nila ng kaniyang nobyo, siya’y nakatanggap ng tawag mula sa kaibigan niyang iyon at siya’y labis na natuwa nang malamang nagustuhan ng kaniyang kaibigan ang lalaking pinakilala niya!
Ramdam na ramdam niya ang kilig nito habang kinukwento nito ang mga matatamis na salita at galaw na sinabi at ginawa ng naturang binata.
“Binigyan niya pa ako ng bulaklak, Annie! Diyos ko! Ganito pala ang pakiramdam ng kiligin sa sariling lovelife!” sigaw pa nito na labis niyang ikinatawa.
“O, paano ba ‘yan? Kailan tayo magdodouble date?” tanong niya rito.
“Sa isang buwan, Annie! Siya pa ang mismong nagsabi niyan!” masayang sabi nito na labis niyang ikinatuwa.
Lumipas ang mga araw na panay ang kwento sa kaniya nito tungkol sa mga pagpapakilig na ginagawa ng pinakilala niyang binata. Kaya lang, isang linggo bago ang takdang araw ng kanilang double date, naalimpungatan siya sa tawag nito.
“Clodeth, naman! Alas tres pa lang ng madaling araw! Pupwede bang mamaya mo na ikwento sa akin ang pagkakilig mo?” inis niyang sigaw dito.
“Nasa police station ako, Annie,” seryosong sagot nito na ikinabigla niya.
“Ano? Anong ginagawa mo riyan?” pang-uusisa niya.
“Niyaya niya kasi akong matulog sa bahay niya. Hindi ko naman alam, Annie, na nagbebenta pala siya ng ipinagbabawal na gamot. Saktong pagdating ko roon, biglang pumasok ang mga pulis. Sinabi niya pang gumagamit din daw ako kaya sinama ako ng mga pulis dito. Tulungan mo ako, Annie, hindi ko kayang makulong,” kwento nito na nagpabalikwas sa kaniya.
Dali-dali niyang tinawagan ang kaniyang nobyo at sila’y nagtungo sa police station. Doon niya nakitang lugmok na lugmok ang kaibigan niya habang pangiti-ngiti pa ang binatang pinakilala niya, halatang nakabatak na.
Upang mapatunayan ang pagkainosente ng kaniyang kaibigan, hiniling niya sa mga pulis na ipasailalim ito sa laboratoryo upang malaman kung gumagamit nga ito ng naturang gamot.
At dahil nga maayos siyang nakiusap at halata namang nagsasabi sila ng totoo, sinailalim nga kaagad ang kaniyang kaibigan sa naturang pagsusulit.
Sa kabutihang palad, negatibo ang lumabas na resulta rito kaya kahit anong pagsisinungaling ng binatang kasamahan nito ang kaibigan niya, agad ding pinalaya ang kaibigan niya at ito’y tuluyang ikinulong.
Wala siyang ibang masabi sa kaibigan niya noong mga oras na iyon kung hindi, “Patawarin mo ako, Clodeth. Sana kinilala ko muna siya bago ko pinakilala sa’yo.”
“Ayos lang ‘yon, Annie. Sa katunayan, gusto ko pa ring magpasalamat sa’yo dahil kahit sa kaunting panahon at kahit ganito ang kinahinatnan ng akala ko’y pag-ibig na, naranasan ko pa ring sumaya at magmahal. Natutuhan ko rin na dapat talaga, hindi hinahanap ang pag-ibig. Kaya ikaw, huwag mo na akong ihanap ng lalaki, ha? Kusa iyong darating sa akin!” sabi nito saka siya mariing na niyakap na nakapagpatulo ng kaniyang luha.
Wala man itong kasamang nobyo sa nakatakdang araw ng kanilang double date, sinama pa rin nila ito sa kanilang date at katulad dati, hindi matutumbasang saya ang naranasan niya kapiling ang dalawa sa pinakaimportanteng tao sa buhay niya.