Hindi Niya Maiwasang Mangupit sa Asawa Kahit May Pera Naman Siya sa Bangko; Naging Katatawanan sa Kanilang Pamilya ang Gawain Niyang Ito
Kahit na may kaniya-kaniyang pera si Wilbert at ang asawa niya dahil parehas silang may trabaho at negosyo, hindi niya pa rin maiwasang hindi kumupit sa pitaka nito lalo na kapag may nakita siyang magandang parte ng motorsiklo o kapag may biglaang lakad sila ng kaniyang mga kaibigan noong kolehiyo.
Pilitin niya man ang sariling hindi kumuha ng pera sa asawa dahil nga alam niyang kapag nalaman nito’y agad na magkakagulo sa kanilang bahay, hindi niya pa rin talaga mapigilan ang sarili dahil halos araw-araw nasasaid niya ang kinukuha niyang pera sa bangko sa pamimili ng kung anu-anong gamit para sa kaniyang motorsiklo.
Bukod pa roon, hindi rin siya marunong magtipid. Kapag nagkakayayaan sila ng kaniyang mga katrabaho na kumain sa labas pagkatapos ng trabaho, handa siyang umubos ng sampung libong piso huwag lang siya makulangan o mabitin sa kakaining pagkain na talagang ikinagagalit ng kaniyang asawa.
“Pwede ka namang kumain ulit dito sa bahay, bakit gan’yan ka na lang kung gumastos sa restawran?” palagi nitong sermon sa kaniya na palagi niya ring ibinabaon sa limot.
Sa tuwing napapansin niyang malaki-laki na ang nagagastos niyang pera, kahit na may pera pa siya sa kaniyang bangko, hindi na siya kumukuha ng pera rito. Wala na siyang ibang gagawin kung hindi libangin at utuin ang asawa niya hanggang makuha niya ang pitaka nito. Makita man siya ng kaniyang mga anak, bibigyan niya pa ang mga ito ng pera upang huwag siyang isumbong at para maiwasan ang matinding gyera sa kanilang bahay.
Isang araw, pagdukot niya sa kaniyang pitaka, wala na pala itong laman dahilan para siya’y agad na bumalik sa kanilang silid at nang makita niyang tulog pa ang kaniyang asawa, agad niyang kinuha ang pitaka nito. Kinuha niya ang halos kalahati ng pera nito saka agad na sinilid sa sarili niyang pitaka.
“Iyan lang ba ang kukuhanin mo? Kuhanin mo nang lahat, nahiya ka pa, eh,” aantok-antok pang sabi nito na ikinanginig ng buo niyang kalamnan.
“Naku, mahal, hindi ko naman kinukuha, eh, binibilang ko lang! Balak ko sanang bigyan ka ng pera!” pangsisinungaling niya pa.
“Ako pa ang niloko mo, Wilbert! Seryoso nga, ito na, o, sa’yo na ‘yan lahat,” malumanay na sabi nito na talagang labis niyang ikinagulat.
“Seryoso ka ba, mahal? Maraming salamat talaga! Mahal na mahal mo talaga ako!” tuwang-tuwa niyang sabi saka agad nang umalis upang magtungo sa kaniyang trabaho.
At dahil nga halos magsuntukan na ang mga pera sa pitaka niya dahil sa dami nito, pagkatapos niyang magtrabaho, siya’y agad na nagpunta sa mall upang bumili ng kung anu-anong pangpaganda ng kaniyang motor. Bumili pa siya ng bagong helmet at gulong kahit hindi naman niya kailangan sa ngayon.
Kaya lang, nang nasa cashier na siya upang bayaran ang lahat ng binili niya, napag-alamanan niyang kulang ang dala niyang pera kaya agad niyang iniabot sa cashier ang kaniyang debit card.
“Naku, sir, wala na po itong laman,” sabi ng dalagang cashier.
“Anong ibig mong sabihin? Mayroon pa ‘yan! Kaka-withdraw ko lang noong isang araw kaya sigurado akong may laman pa ‘yan! Paki-check na lang ulit,” tugon niya at siya’y napahawak na lang sa ulo niya nang sabihin nang ikumpirma ng dalagang wala na nga itong laman.
Doon niya kaagad naalala ang ginawa ng kaniyang asawa dahilan para kahit siya’y hiyang-hiya sa mga mamimiling nakapila sa likod niya, agad niyang isinauli ang ilan sa mga pinamili niyang gamit at binili lang ang kayang bilhin ng perang dala niya.
“Kaya pala hindi nagagalit sa akin ang bruhang iyon! Pera ko pala ang nakalagay sa pitaka niya! Nakakainis!” singhal niya saka mabilis na umuwi sa kanilang bahay.
Agad niyang sinabi sa asawa ang natuklasan niya at imbis na humingi ng tawad, malakas pa itong tumawa sa harapan niya.
“Akala mo mauutakan mo ako, ha? Simula nang malaman kong nangungupit ka, pera mo na ang nilagay ko sa pitakang iyan, Wilbert! Kaya ngayong wala ka nang pera, magtipid-tipid ka na dahil hindi ka na makakakupit sa akin!” tawang-tawa sabi pa nito na talaga nga namang ikipanghina niya. Nakita niya pang tawang-tawa rin ang mga anak na kinunchaba niya pa dahilan para habulin at kilitin niya ang mga ito.
Sa kabila ng pangyayaring iyon, natuto na siyang magtipid lalo na’t wala na siyang mahuhugot na pera. Napagpasiyahan niya ring ipagkatiwala sa kaniyang asawa ang lahat ng pera niya upang hindi niya talaga ito magastos at siya’y makapag-ipon.
Tila naging maganda naman ang kinahinatnan ng desisyon niyang ito dahil paglipas lang ng isang taon, nabili niya ang sasakyang noon niya pa pinapangarap na talagang ikinatuwa nilang mag-anak.