Inday TrendingInday Trending
Nagalit ang Dalagita sa Kaniyang Ama nang Hindi Siya Nito Payagang Sumama sa Gimik ng Barkada; Magugulantang Siya sa Balitang Maririnig Kinabukasan

Nagalit ang Dalagita sa Kaniyang Ama nang Hindi Siya Nito Payagang Sumama sa Gimik ng Barkada; Magugulantang Siya sa Balitang Maririnig Kinabukasan

“Papa, please naman, payagan n’yo na ako! Marami naman kami at hindi naman ako gagawa ng kalokohan doon. Please, ’pa!” halos maglumuhod na ang dalagitang si Wena habang nakikiusap sa kaniyang ama na payagan na siya nitong sumama sa gimik ng barkada. Balak kasi ng mga ito na mag-celebrate ng birthday party ng isa sa kanilang mga kabarkada, sa isang resort na may kalayuan sa kanilang tirahan.

Noong unang nagpaalam siya ay ayos naman ’yon sa kaniyang mga magulang. Ngunit nagulat siya nang ngayon ay bigla iyong bawiin ng kaniyang ama at ayaw na siya nitong payagan!

“Kapag sinabi kong hindi ka pupunta, hindi ka pupunta. Delikado ang panahon ngayon. Napakaraming masasamang loob sa lugar na gusto n’yong puntahan! Pumirmi ka rito sa bahay,” mariing sabi naman ng kaniyang ama bago siya ito tinalikuran.

Dahil doon ay masama ang tinging ipinukol niya sa kaniyang amang ngayon ay papalayo na. Tumayo si Wena mula sa pagkakaupo at padabog na naglakad patungo sa kaniyang kwarto na mabibigat ang mga hakbang. Pagkatapos ay malakas ang ginawa niyang pagsara sa pintuan niyon na halos magpadagundong sa kanilang bahay.

Napailing na lang ang kaniyang ama. Buong araw na nagmukmok si Wena. Hindi siya lumalabas ng silid kahit pa tawagin siya ng ina. Hindi siya kumakain. Talagang labis ang ginawa niyang pagrerebelde dahil lang hindi nasunod ng kaniyang ama ang gusto niya. Sa isip niya ay halos itakwil na nga niya ito, pati na rin ang kaniyang ina na hindi man lang siya ipinagtanggol.

Lingid sa kaniyang kaalaman ay pinagtalunan na iyon ng kaniyang mga magulang. Gusto na sana siyang payagan ng kaniyang ina, ngunit mariing pinanindigan ng kaniyang ama ang desisyon nitong panatilihin siya sa kanilang bahay.

Paano kasi ay binisita ng kaniyang ama ang lugar na balak nilang puntahan, isang araw bago ang kanilang pag-alis. Doon ay nakita nitong delikado palang puntahan ng mga batang babae ang lugar na ’yon dahil napakaraming tambay na kahina-hinala ang kilos. Bago pa kasi makarating sa resort na pagdadausan ng party ay daraanan muna nila ang isang compound kung saan napakaraming kalalakihang halos araw-araw na nag-iinom sa lugar na ’yon. Nasaksihan din ng ama ni Wena ang ginagawang pangangantiyaw ng nasabing mga lalaki sa nagdaraang kababaihan, maging ang malalagkit nilang tingin sa mga ito, gamit ang namumula nilang mga mata. Ayaw ng ama ni Wena na magpunta siya sa ganoong klaseng mga lugar, kaya naman mabilis nitong binawi ang nauna na nitong pasya. Kaya naman tiniis nitong huwag siyang payagan kahit pa nagpapakagutom na siya!

Kinabukasan, nagising si Wena sa matinding pagkalam ng kaniyang sikmura. Kahapon pa kasi siya walang kain at itinulog na lang ang nadaramang gutom. Nagagalit siya sa kaniyang mga magulang dahil talagang tiniis siya ng mga ito. Siguradong ngayon ay pauwi na ang mga kaibigan niya galing sa kasiyahan kagabi, samantalang siya, heto at nagugutom dahil ayon sa kaniya ay hindi siya mahal ng mga magulang niya.

Nang hindi na kaya pang tiisin ni Wena ang gutom ay napilitan na siyang lumabas ng kaniyang silid. Dumiretso siya sa kusina at kumuha ng cereals at gatas na magsisilbi niyang almusal at doon niya iyon kinain sa salas. Binuksan niya rin ang kanilang T.V. kahit alam niyang hindi gusto ng kaniyang ama na kumakain siya sa harap ng telebisyon.

Ngunit biglang natigilan si Wena nang ang bumungad na palabas sa kaniya ay ang balita tungkol sa magbabarkadang napagdiskitahan ng mga tambay na lulong sa masamang bisyo, doon mismo sa lugar na gusto niyang puntahan kahapon! Malakas ang kalabog ng dibdib ni Wena habang binabanggit ang pangalan ng mga biktima, dahil lahat ng iyon ay ang mga kabarkada niya! Bagama’t hindi sila binawian ng buhay sa nangyari ay malala naman ang traumang dinaranas nila ngayon dahil sa kung anumang ginawa sa kanila ng mga masasamang loob!

Animo biglang nasampal ng katotohanan si Wena. Kung hindi siya pinigilan ng kaniyang ama na sumama roon, malamang ay kasama siya sa mga naging biktima ng nasabing mga lulong sa masamang bisyo! Dahil doon ay dali-dali niyang tinakbo ang kinaroroonan ng kaniyang mga magulang at niyakap niya ang mga ito!

Sinabi niya sa kanila ang nakita niya sa balita at ganoon na lang ang nakita niyang pagpapasalamat ng mga ito na hindi nila siya pinayagan! Humingi siya ng tawad sa kanila at nagpasalamat. Ipinangako niya rin na simula sa araw na iyon ay makikinig na siya sa kanilang mga payo dahil alam niyang kabutihan lamang niya ang gusto ng mga ito.

Advertisement