Kahit Sinasamantala ay Hindi Marunong Tumanggi ang Dalaga sa Tuwing Hihingian Siya ng Tulong; Ikapapahamak Niya pa Pala Ito
“Iyan ang napapala mo!” naiinis na panenermon sa kaniya ng kaniyang Ate Kyla. “Ilang beses ko bang sasabihin sa ’yo na matuto kang humindi sa mga nanghihingi sa ’yo ng pabor? Aba, Mika, kahit alam mong inaabuso ka na ay hindi ka pa rin marunong tumanggi! Tingnan mo’t tinakbuhan ka na naman ng isa pang utangera!” galit na dagdag pa nito na nakasapo sa sariling sentido.
“E, ate, hindi ko naman alam na tatakbuhan ako ni Sasha. Best friend ko ’yon, e! Malay ko bang pati ako, bibiktimahin niya?” nayuyuko namang katuwiran niya habang kakamot-kamot siya sa ulo.
Pumalatak naman ang kaniyang ate. “Iyon na nga, e! Diyos ko, Mika! Alam mong kilala na ang babaeng ’yon sa pagiging kawatan, pero pinautang mo pa rin! Alam kong pera mo ’yon, pero ayaw kong nasasayang ang pinaghirapan mo para lang sa luho ng ibang tao! Biruin mong nangutang sa ’yo ng siyam na libo para lang magpaayos ng buhok sa mamahaling salon, pagkatapos ay umuwi na sa kung saang lupalop siya nakatira!” naiinis namang buwelta sa kaniya ng kaniyang ate. Hindi na nakasagot pa si Mika dahil doon.
Palagi na lang ganoon ang senaryo nila ng kaniyang ate. Palagi siyang pinagsasabihan nito tungkol sa pagsasabi ng “hindi” kahit minsan lang sa mga humihingi sa kaniya ng tulong. Hindi kasi siya nadadala. Para kay Mika ay walang masamang tinapay. Mabilis siyang magtiwala kaya naman mabilis din siyang maabuso at maloko. Kahit anong gawing panenermon ng ate niya ay hindi siya nadadala!
Isang araw, hindi inaasahang pinuntahan ng dati niyang kababata sa probinsya si Mika. Ang binatang si Marco, na dati niyang hinahangaan. Bago lang daw kasi ito sa Maynila, at dahil siya lang ang kakilala nito ay hiniling nitong makitira sa kaniyang bahay. Kahit magbayad na lang daw ito ng renta, hanggang sa makahanap ito ng trabaho.
Ano pa nga ba ang aasahan ni Mika sa kaniyang sarili? Wala man lang siyang pagdadalawang isip na um-oo sa hiling ng dating kababata! Agad niyang pinatira ito sa kaniyang bahay, at siyempre, nakatikim na naman siya ng sermon sa kaniyang ate. Ngunit sa huli ay wala pa rin naman itong nagawa dahil hindi pa rin naman siya nakinig dito.
Lumipas ang mga araw at unti-unti ay nakikilala na ni Mika si Marco. Tamad ito at burara. Animo sarili nitong bahay kung ituring ang kaniyang tahanan at ginagawa pa siya nitong tagaluto, tagalaba, tagahugas ng pinggan at tagalinis, gayong hindi naman ito nagbibigay ng upa, tulad ng kanilang napag-usapan! Hindi rin naman ito naghahanap ng trabaho, at sa tuwing kakausapin ito ni Mika tungkol doon ay binabago nito ang kanilang usapan. Bigla na lang siyang hinaharot nito, at mabilis namang bumibigay ang dalaga!
Nagpatuloy sa ganoon ang senaryo nila ng binata. Hanggang sa dumating sa puntong parang si Mika na ang nakikitira sa sarili niyang tahanan. Bukod doon, ikinagulantang niya nang bigla itong mag-aya ng mga kabarkada sa kaniyang tahanan at doon sila nag-inuman!
Ngunit hindi pa iyon ang pinakamalala, dahil dumalas pa ang ganoong mga pangyayari sa tahanan niya. Hanggang sa isang araw ay nahuli niya ang mga ito na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot sa kaniyang bahay! Ginagawa nilang taguan ang sarili niyang pagmamay-ari na para bang sa kanila ang bahay na ’yon!
Napuno si Mika. Nang makaalis ang mga kabarkada ni Marco ay naisipan niya itong komprontahin. “Marco, gusto ko sanang maghanap ka na ng malilipatan mo, dahil hindi ko na gusto ang nagiging ugali mo sa bahay ko. Hindi ko gusto ang ginagawa mo, kaya kung p’wede—”
Ngunit bago pa man maituloy ni Mika ang sasabihin niya ay bigla nang hinablot ni Marco ang kaniyang leeg. Pinigilan nito ang kaniyang paghinga habang nanggigigil itong nakatingin sa kaniya. “Paaalisin mo ako rito? Walang problema, basta babawian muna kita ng buhay!” sabi pa nito bago umakmang may bubunutin mula sa tagiliran nito.
Takot na takot si Mika nang mga sandaling iyon. Naisip niya na sana ay nakinig na lang siya sa kaniyang ate. Ngunit mukhang huli na para pagsisihan niya ang kaniyang pagiging uto-uto, dahil mukhang gagawin talaga ni Marco ang banta nito…
Ngunit nakahinga nang maluwag si Mika nang biglang bumukas ang kaniyang pintuan at iniluwa nito ang kaniyang Ate Kyla, kasama ang mga pulis na agad namang humuli kay Marco! Mabuti na lang at naisipan iniyang i-text dito kanina ang balak niyang pagpapaalis sa binata, dahil sa pagiging lulong nito sa ipinagbabawal na gamot kaya mabilis itong nakagawa ng aksyon. Halos tumalon mula sa dibdib ni Mika ang sariling puso.
Isang malaking leksyon para sa kaniya ang nangyaring ’yon. Natutunan niyang hindi naman masamang tumulong, ngunit kung sobra na ang hinihingi sa ’yo ay matuto kang tumanggi, upang sa huli ay hindi ka magsisi.