Ipinagtataka ng Babaeng Ito ang Palaging Pagkakasakit ng Kaniyang Apo; Isa Pala Iyong Karmang Nababalot ng Misteryo

Nakangisi na naman si Aling Belia habang nagbibilang ng perang kinita niya ngayon. Nakaloko na naman siya ng kustomer mula sa pagtitinda ng pekeng gamot sa iba’t ibang sakit na ang totoo ay gawa lang naman sa kung anu-anong dahon at halaman na hindi naman siya sigurado kung talagang epektibo. Idagdag pa ang kinita niya sa pang-ii-scam sa social media, gamit ang iba’t ibang pekeng accounts.

Matagal nang gawain ito ni Aling Belia, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nahuhuli. Paano kasi ay sanay na sanay na siya at talagang kalkulado na ang bawat kilos niya. ‘Modernong kawatan’ na nga ang bansag sa kaniya ng mga biktima niyang walang ibang nagawa kundi magsising pinagkatiwalaan nila siya.

Nasa kasarapan na ng pagbibilang ng lilibuhin si Aling Belia nang bigla niyang marinig ang pagsigaw ng kaniyang anak na nasa kabilang kwarto. Tinatawag siya nito. “Nanay! Tulong!”

Kumaripas naman ng takbo si Aling Belia patungo sa kaniyang anak. Doon ay naabutan niya itong karga ang anak nito—ang apo niyang si Baby Kate—na inaatake na naman ng hika!

“Nanay, inaatake na naman si Kate. Hindi na siya makahinga! Dalhin na natin siya sa ospital!” umiiyak na sabi ng kaniyang anak. Dali-dali naman silang kumilos. Isinugod nga nila ang bata sa ospital sa ika’tlong pagkakataon na ngayong buwan.

Naiiling si Aling Belia. May kakaiba siyang napapansin sa tuwing maoospital ang apo niya. Palagi kasi iyong nangyayari sa tuwing makakakubra siya ng pera mula sa panloloko niya ng kapwa. Doon ay biglang kumalabog nang malakas ang dibdib niya…

“Baka napapraning lang ako dahil sa pag-aalala sa apo ko.” Pilit niyang iwinaglit sa isipan ang namumuong konklusyon sa kaniyang isip. Hindi niya pinakinggan ang bulong ng kaniyang konsensiya at patuloy niyang ginawa ang kaniyang masamang gawain sa kapwa.

Kumubra na naman si Aling Belia ng pera, at sa pagkakataong ito ay mas malaki na iyon kumpara sa kaniyang mga nakulimbat noon. Paano kasi ay ginamit niyang pagkakataon ang kumakalat ngayong epidemiya ilang mga karatig lugar nila, kaya naman halos dumugin ng mga naniniwalang kostumer ang kaniyang mga paninda!

Masayang-masaya si Aling Belia nang siya ay umuwi nang araw na ’yon. Ngunit bigla ring nawala ang kaniyang kasiyahan, nang malaman niyang nasa ospital na naman ang kaniyang apo, dahil inatake na naman ito ng sakit nito! Dali-dali siyang nagtungo sa ospital at doon ay sinalubong siya ng kaniyang anak…

“Anak, nasaan ang apo ko? Kumusta na siya?” alalang-alalang tanong niya sa kaniyang anak. Nagulat naman siya nang bigla siya nitong yakapin habang umiiyak.

“Nanay, ang sabi po ng doktor, malubha na raw si Baby Kate! Milagro na lang daw ang makapagsasalba ngayon sa kaniyang buhay!” humahagulhol na pagsisiwalat ng kaniyang anak sa nakagigimbal na balita.

Nanlambot naman ang tuhod ni Aling Belia sa narinig. Muli ay hayan na naman ang malakas na pagkalabog ng kaniyang dibdib. Tila bumubulong na naman ang kaniyang konsensiya, na nangyayari iyon ngayon sa kaniyang apo bilang karma sa lahat ng ginagawa niya!

Hindi siya ang binabalikan ng karma, dahil mas masakit nga naman kung sisingilin siya nito sa pamamagitan ng pagkuha sa mga mahal niya sa buhay. Malapit na malapit kasi sa kaniya ang kaniyang apo at talagang mahal na mahal niya ito.

Maya-maya pa ay napaupo na lang si Aling Belia at napahagulhol sa sahig ng ospital kasama ang kaniyang anak. Labis siyang nagsisisi dahil sa nararanasang paghihirap ng kaniyang apo. Alam niyang siya ang dahilan nito…

Ilang saglit pa ang lumipas at isang ideya ang agad na pumasok sa isip ni Aling Belia. Ito na lang ang paraan upang makabawi siya sa kaniyang anak at apo. Nagpasiya si Aling Belia na sumuko sa mga awtoridad at aminin ang lahat ng kaniyang nagawang kasalanan. Doon ay patung-patong na kaso ang kaniyang kinaharap at agad siyang nabilanggo sa likod ng malalamig na mga bakal na rehas.

Ngunit matapos niyang gawin iyon ay himalang bumuti ang kalagayan ni Baby Kate. Sa isang iglap ay gumaling ito sa kaniyang sakit, ’tulad ng paulit-ulit na hiniling ni Aling Belia. Iyon ang ibinalita sa kaniya ng kaniyang anak nang dalawin siya nito, sa kabila ng sama ng loob nito sa kaniyang ginawang pag-amin. Hindi rin kasi nito alam na ganoon pala ang trabahong ginagawa niya. Ganoon pa man, ipinagpapasalamat na rin ni Aling Belia na natutunan niya ang leksyon ng misteryo ng karma bago pa tuluyang mawala sa kaniya ang kaniyang apo.