Inday TrendingInday Trending
Nagkapalit ng Sitwasyon ang Dating Malupit na Amo at Kawawang Kasambahay; Matinding Leksyon pala ang sa Kaniya’y Naghihintay

Nagkapalit ng Sitwasyon ang Dating Malupit na Amo at Kawawang Kasambahay; Matinding Leksyon pala ang sa Kaniya’y Naghihintay

Umiiyak na nilisan ni Edna ang bahay ng dati niyang among si Meanne. Dala ang ilang piraso niyang mga damit na basta na lamang niyang ibinalot sa tuwalya ay handa na siyang umalis sa lugar na ’yon. Noon pa niya gustong makatakas sa kalbaryong hatid ng malupit niyang amo, ngunit ngayon lamang siya nagkaroon ng lakas ng loob na gawin iyon.

Napuno na siya.

Halos walang araw siyang hindi pinahihirapan ng amo niyang si Meanne. Salat ang pagkain niyang ni wala rin sa ayos. Palagi siyang nalilipasan ng gutom, kaya ngayon ay naghihirap siya sa komplikasyon sa sikmura. Maging ang sahod niya ay iniipit nito kahit pa sinabi na niyang kailangan iyon ng mga kapatid niya ngayon, dahil halos wala na silang maibili ng bigas. Kaya naman nang mapuno siya at tangkang isusumbong na ito sa awtoridad ay saka lamang nito ibinigay ang kaniyang pera. Doon na siya nagpasiyang magpasundo sa kaniyang pinsan upang makaalis sa puder ng amo niyang si Meanne.

“Tahan na, Edna…magiging maayos din ang lahat,” puno ng pakikisimpatiyang sabi sa kaniya ng pinsang si Alicia, habang hinahagod nito ang kaniyang likuran.

“Gusto ko lang namang magtrabaho, Alicia. Gusto ko lang ibigay ang pangangailangan ng mga magulang at mga kapatid ko, pero hindi ko na kaya ang ginagawa sa akin ng babaeng ’yon!” umiiyak namang reklamo niya.

Bumuntong-hininga si Alicia. “Huwag kang mag-alala, Edna. Malapit na akong mag-abroad, kaya naman matutulungan kitang makapag-umpisa ng negosyo. Sa ngayon, pagtiyagaan mo muna ang pagiging kusinera. P’wede kang magtinda ng mga ulam-ulam doon sa amin, dahil maraming nagbo-board doon na mga trabahante ng mga pabrika sa malapit,” suhestiyon pa nito sa kaniya na agad naman niyang tinanguan.

“Tama ka. Kakayanin ko ito, Alicia. Maraming salamat sa tulong mo,” nakangiti na ngayong sabi niya sa kaniyang pinsan bago pinunasan ang pisngi niyang nabasa ng sariling luha.

Itinuloy niya ang kanilang napag-usapan. Upang kahit papaano ay kumita, minabuti ni Edna na magtinda muna ng mga ulam at meriyenda sa tapat ng bahay ni Alicia, gamit ang natitirang sahod niya bilang panimula. Ang iba kasi doon ay naipadala na niya sa kaniyang mga kapatid upang may maipanggastos na ang mga ito.

Inipon ni Edna ang bawat kita niya sa nasabing maliit na negosyo hanggang sa makaalis na nga ng bansa si Alicia. Nagpatuloy siya sa ganoong gawain hanggang sa makasahod na sa wakas ang kaniyang pinsan at napahiram siya nito ng mas malaking puhunan para sa negosyo. Agad na pumatok naman ang kaniyang ipinatayong kainan at mabilis niyang nabayaran si Alicia. Pagkatapos noon, ilang taon lang ang lumipas ay maganda na ang buhay ni Edna, dahil sa tatlong branch ng kaniyang sariling restawran.

Nakatira na ngayon sa isang maganda at malaking bahay si Edna kasama ang kaniyang buong pamilya. Ini-enjoy nila nang magkakasama ang magandang buhay na pinaghirapan niya. Hanggang sa isang araw ay may kumatok sa kanilang tahanan. Isa sa mga aplikanteng naghahangad na matanggap bilang kanilang kasambahay.

Ganoon na lang ang gulat ni Edna nang makilala niya kung sino ang nasabing aplikante…ngunit mas nagulat ang huli nang makilala siya! Ito kasi ay walang iba kundi ang dati niyang amo…si Meanne!

Naghihirap na ito. Buhat nang mawala ang asawa nitong si Don Gregor ay nawala na rin ang lahat sa nasabing babae. Hindi kasi sa kaniya ipinamana ng nasirang asawa ang lahat ng kayamanan nito, kundi sa mga kaanak pa rin nito! Naiwang luhaan ang dati niyang malupit na amo! Ngayon ay wala na itong mapupuntahan pa, dahil wala rin namang ibang tatanggap dito. Bukod kasi sa wala rin itong tinapos na aral ay hindi rin siya marunong magtrabaho.

“Naiintindihan ko kung hindi mo ako tatanggapin. Alam kong malaki ang kasalanan ko sa ’yo noon. Hindi ko akalaing ganito pala ang magiging karma ko…sana ay mapatawad mo pa ako,” sabi nito sa kaniya at akma na sanang aalis, nang pigilan niya ito.

“Tatanggapin kita kung ipapangako mong mabilis ka lang na matututo sa gawain. Madali lang namang magturo dahil sanay naman ako d’yan,” aniya at nginitian si Meanne. “Isa pa, gusto kong sabihing pinatatawad na kita.”

Taliwas sa inaasahan ni Meanne, kabaliktaran ang naging pagtrato sa kaniya ni Edna. Hindi ito gumanti sa kaniya, bagkus ay ipinakita nito kung papaanong dapat tratuhin ang mga kasambahay. Doon pa lang ay labis na ang pagsisisi ni Meanne sa kaniyang mga nagawa. Ipinangako na lang niya sa sarili, na sa pamamagitan ng kaniyang pagsisilbi ay babawi siya sa kasalanan niya rito.

Advertisement