Inday TrendingInday Trending
Sa Awa ay Tinanggap ng Amo ang Aplikanteng Hindi Nakapag-aral; Ito pa Pala ang Siyang Maghahatid ng Swerte sa Kaniya

Sa Awa ay Tinanggap ng Amo ang Aplikanteng Hindi Nakapag-aral; Ito pa Pala ang Siyang Maghahatid ng Swerte sa Kaniya

Napatitig si Francis sa may edad na lalaking nakaupo ngayon sa harapan niya. Bakas sa kaniyang mga mata ang awa para dito, pati na rin sa dalawang batang naabutan niyang kasama nito sa labas kanina. Katatapos lamang niya itong interview-hin para sa trabaho. Kabubukas lamang kasi ng kaniyang negosyo—isang furniture shop—at naghahanap pa siya ngayon ng mga trabahante.

Ngunit nakalulungkot na hindi naman pasado sa ‘company standards’ nila si Mang Nestor—ang nasabing aplikante niya ngayon—dahil sa totoo lang ay salat na salat ito sa edukasyon. Wala itong pinag-aralan at ni hindi man lang nakatapos ng elementarya.

“Francis, mukhang malabo ang isang ’yan. Mahirap umasa sa mangmang. Ang kailangan natin ngayong nagsisimula pa lang tayo ay magagaling na trabahador, tutal ay magbabayad naman tayo nang tama,” bulong sa kaniya ng kaniyang kaibigan at business partner na si Eddie na mabilis namang ikinangiwi ni Francis. Hindi niya gusto ang sinabi nito.

“Hindi naman sa edukasyon nasusukat ang galing ng isang tao, pare. Hindi mo ba nakikita na may potensyal itong mga gawa niya?” Ipinakita niya pa kay Eddie ang ilang sketches at disenyo ni Mang Nestor, ngunit hindi man lamang nito pinagkaabalahang sulyapan ’yon.

Pumalatak si Eddie. “Kapag tinanggap mo ’yan, ipu-pull out ko ang in-invest ko sa negosyong ito, pare. Pasensiyahan na tayo, pero walang puwang sa industriyang ’to ang mga taong puso ang pinaiiral. Utak ang gamitin mo, hindi damdamin!” sabi pa nito sa kaniya.

Doon napuno si Francis. Kinuha niya ang kaniyang cellphone at agad na nagbukas ng kaniyang bangko, gamit ang online application sa kaniyang aparato. Pagkatapos ay agad siyang nagsalin ng sapat na halaga ng pera sa bank account ni Eddie, pagkatapos ay bumaling siya kay Mang Nestor.

“Kung ganoon ay tanggap na ho kayo, Mang Nestor. Bumalik na lamang kayo bukas para makapag-umpisa na tayo sa trabaho,” nakangiting sabi niya pa sa aplikante bago ito kinamayan, habang si Eddie naman ay iginiya niya palabas ng pintuan habang nakanganga ito’t hindi makapaniwala sa kaniyang ginawa.

“Tandaan mo, Francis, hindi magtatagumpay sa negosyo ang isang katulad mong pusong mamon! Hindi ka mananalo sa akin!” galit na pahabol pa sa kaniya ni Eddie bago nito pinaharurot ang sasakyan nito paalis. Ilang linggo lang pagkatapos n’on ay nabalitaan niyang nagtayo na rin ito ng sarili nitong furniture business.

Samantala, hindi naman pinagsisihan ni Francis ang naging desisyon niyang tanggapin nga si Mang Nestor. Bagama’t awa ang unang dahilan kung bakit niya ito binigyan ng trabaho ay pinatunayan naman nito sa kaniya na hindi siya nagkamali sa pagpili niya rito. Napakagaling nitong trabahante. Masipag, matalino, kahit pa sabihing kulang ito sa edukasyon. Hindi naman matatawaran ang talento nito sa paggawa ng mga kapaki-pakinabang na furnitures na talaga namang napakaganda rin at mukhang elegante!

Dahil doon ay mabilis na pumatok sa madla ang kanilang mga gawa na halos pinag-aagawan pa ng mayayaman nilang kustomer. Dahil doon ay nagpasiya si Francis na iangat ang posisyon ni Mang Nestor at hayaan itong manguna sa paggawa at pag-iisip ng mga bagong disenyo, kasama niya at ng buo nilang grupo.

Animo napakabilis ng naging mga pangyayari. Sa isang iglap ay naging napakalaking kompaniya agad ng negosyo ni Francis sa tulong ni Mang Nestor na kalaunan ay napagpasiyahan niyang gawing kasosyo, imbes na trabahante lamang. Dahil doon ay napag-aral nito sa mas maayos na eskuwelahan ang mga anak nitong noon ay halos makain at kasa-kasama pa nito sa interview.

Naungusan pa ng kompaniya ni Francis ang mga nauna sa kaniyang negosyante, pati na rin ang itinayong negosyo ni Eddie. Sa totoo lang, ang huling balita niya tungkol sa dating kaibigan ay ang biglaang pagbagsak ng kompaniya nitong nagsisimula pa lang din, dahil masiyado itong kulang sa mga trabahante. Masyado kasi itong metikuloso, ngunit hindi naman kayang tratuhin nang maayos ang kaniyang mga tao. Sa huli, ang kinahinatnan tuloy nito ay ang pagkalugi na nauwi rin sa pagsasara. Ngayon ay wala na tuloy itong mukhang maihaharap sa kaniya.

Malaki ang pasasalamat ni Francis, dahil nakinig siya sa kaniyang puso. Doon niya napatunayang hindi lang utak ang kailangan sa lahat ng ginagawa ng tao, dahil mas maganda kung magtutulungan at magiging isa ang hangarin ng kaniyang isip at damdamin.

Hindi masamang pairalin ang awa para sa kapwa. Minsan, hindi natin alam, baka ito pa ang magdala sa atin sa tagumpay.

Advertisement