Labis ang Pighati ng Ginoo sa Pagkawala ng Kaniyang Asawa; Nalimutan Niya Tuloy na May Anak na Umaasa sa Kaniya
“Pare, tama na ‘yan. Lasing na lasing ka na,” puna ng kumpare niya nang muli siyang magsalin ng alak sa maliit na baso.
“Hindi! Inom pa tayo!” tanggi ni Cesar saka nilagok ang alak.
Napabuntong-hininga na lang ito nang hindi siya napigilan. Ngunit nang makalingat siya ay maingat nitong inalis ang alak sa harapan niya at itinabi iyon.
“Tama na. Ang mabuti pa umuwi ka na sa inyo at magpahinga ka na,” payo nito.
“Pare naman! Alam mo naman ang pinagdaraanan ko, hindi ba?”
“Alam kong mahirap para sa’yo ang pagkawala ni Mareng Jocelyn, pero hindi solusyon ang alak. Kahit na ilang bote pa ang laklakin mo, wala nang mababago,” seryosong pahayag nito.
Imbes na makinig, mas lalo pa siyang nainis sa kaibigan. Bakit parang walang nakakaintindi sa sakit na nararamdaman niya sa biglaang pagkawala ng asawa? Masisisi ba siya kung alak lang ang nakikita niyang solusyon para makalimot kahit kaunti?
“Simple lang naman ang hiling ko sa’yong samahan ako dito pero mukhang hindi mo magawa. Wala ka bang malasakit sa akin kahit kaunti bilang kaibigan?” himutok niya.
“Alam mong may malasakit ako sa’yo. Parang kapatid na nga ang turing ko sa’yo, hindi ba? Pero hanggang kailan mo ba gagawin ito? Mahigit isang buwan na mula noong mawala ang asawa mo at magmula noon, wala ka nang ibang ginawa kundi ang mag-inom,” tila himutok nito.
“Nag-aalala lang ako sa’yo. Hanggang kailan mo ba ‘to gagawin? Baka nakakalimutan mo na may anak ka,” paalala nito.
Natahimik siya.
Noon niya lang naalala ang anak na si Pauline. Sinulyapan niya ang langit na nagdidilim na. Umaga pa noong umalis siya ng bahay para mag-aya ng inuman kaya’t hindi niya alam kung ano ang ginawa ng anak para sa araw na iyon.
Malapit siya sa anak noong nabubuhay pa ang asawa. Palibhasa’y nag-iisa, lahat ng kailangan at lahat ng gusto nito ay sinisigurado nilang naibibigay rito. Ngunit magmula noong mawala ang asawa niya, aminado siyang unti-unting lumayo ang loob niya rito.
Hindi kasi maikakaila na malaki ang pagkakahawig nito sa yumaong ina. Ang madalas na komento ng mga tao noon sa tuwing makikita sila ay “parang pinagbiyak na bunga” ang mag-ina. Kaya naman sa tuwing makikita niya ang anak, hindi maiwasang manumbalik ang sakit sa kaniyang dibdib.
Agad siyang tumayo sa pagkakasadlak. Umiikot ang kaniyang paningin at hindi siya makalakad nang tuwid dahil sa dami ng nainom niyang alak. Pagewang-gewang tuloy siyang umuwi sa kanilang bahay.
“Pauline! Anak!” tawag niya rito, ngunit hindi ito sumagot.
Nang silipin niya ang kwarto ng anak, nakita niyang mahimbing na ang tulog nito kaya’t nagpasya na siyang ‘wag na itong gisingin at dumiretso na sa sariling kwarto para magpahinga.
Kinabukasan, maaga siyang gumising para magluto ng almusal. Naalala niya kasi ang mga natanggap na sermon mula sa kaibigan at kahit na hindi niya aminin ay labis siyang naapektuhan sa mga sinabi nito. Kahit papaano ay gusto niyang bumawi sa anak na aminado siyang napabayaan niya na.
“Anak, gising na! Bumangon ka na riyan at nagluto ako ng almusal!” sigaw niya mula sa kusina.
Makailang ulit niya itong tinawag. Nang hindi ito sumagot ay nagdesisyon na siyang usisain ang anak.
Doon niya napansin ang namumutla nitong labi at ang butil-butil nitong pawis. Nang hawakan niya ang noo ay nakumpirma niyang napakataas din ng temperatura nito.
“Anak, anong nangyayari sa’yo? Ang taas ng lagnat mo!” natataranta niyang bulalas.
Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa at agad itong binuhat para madala sa pinakamalapit na ospital. Matinding pag-aalala ang nararamdaman niya habang sinusuri ito ng mga doktor.
Sa isip niya ay naroon ang takot. Paano kung mawalan rin ito sa kaniya? Hindi niya iyon kakayanin!
“Dok, kumusta po ang anak ko? Ano po bang nangyari sa kaniya?” sunod-sunod niyang tanong nang lumabas ang doktor.
“Ayos naman po ang anak niyo. Sa ngayon, naibigay na namin ang lahat ng kailangan niya kaya’t hayaan na muna natin siyang magpahinga. Mukhang may nakain po siyang hindi maganda kaya naapektuhan ang sikmura niya,” paliwanag nito.
Inisip niyang mabuti kung ano ang tinutukoy nito pero dahil nga lagi siyang wala sa bahay, wala siyang ideya.
“Sa tingin ko rin po, kagabi niya pa tinitiis ang sakit. Bakit po ngayon niyo lang siya dinala?” tanong nito.
“Hindi ko rin po alam, Dok. Hindi siya nagsabi,” nahihiyang sagot niya rito.
Nang makaalis ang doktor ay nilapitan niya ang anak. Nang magising ito maya-maya ay agad siyang nag-usisa.
“Kumusta ka na, anak? Anong nangyari sa’yo?”
“Ayos lang po ako, Papa. ‘Wag po kayong mag-alala,” anito, habang may tipid na ngiti sa labi.
“Bakit ba kasi hindi ka nagsabi na may masakit sa’yo, para nadala ka agad sa ospital, anak…” aniya habang hinahaplos ang buhok nito.
Matagal itong hindi umimik bago napabunghalit ng iyak.
“Ayaw ko na po kasing makadagdag pa sa problema niyo. Alam ko pong sobra kayong nahihirapan sa pagkawala ni Mama,” umiiyak na sagot nito.
Pakiramdam ni Cesar ay binuhusan siya ng malamig na tubig nang marinig ang sagot nito. Binalot siya ng matinding pagsisisi at awa para sa anak. Hindi dapat ito ang umiintindi sa kaniya. Napagtanto niya kung gaano siya kapabayang ama.
Kung tutuusin hindi lang naman siya ang nawalan ng asawa. Ang anak niya ay nawalan ng ina.
“Sorry, anak. Kasalanan ni Papa. Magmula ngayon babawi ako sa’yo,” pangako niya, saka ito niyakap.
Maging siya ay napaiyak nang marinig ang pag-iyak ng pinakamamahal na anak.
Pinangako niya sa sarili na pipilitin niya nang bumangon at bumalik sa dati para sa kanilang mga naiwan. At alam niya, sigurado siya, na iyon din ang gusto ng asawa niya kung saan man ito naroroon.