Inday TrendingInday Trending
Itinakwil Niya ang Bunsong Anak nang Aksidente Itong Makabuntis; Ano ang Kahihinatnan ng Buhay Nito?

Itinakwil Niya ang Bunsong Anak nang Aksidente Itong Makabuntis; Ano ang Kahihinatnan ng Buhay Nito?

Sa kabila ng pagmamakaawa ng anak niyang si Zaldy ay isinara niya ang pintuan ng kanilang tahanan.

“Papa! ‘Wag mo naman gawin ito gawin sa amin ni Neri! Magsisikap ako!” narinig niya pang sigaw nito.

Nanatiling matigas ang puso ni Arturo. Labis kasi ang pagkadismaya niya sa anak. Sa edad na disisyete ay nakabuntis na ito.

Pasaway na ito noon pa man, ngunit hindi niya inakala na masasangkot ito sa ganoong kalaking problema.

Bumaling siya sa panganay niyang anak na si Ron.

“Ikaw ang na lang ang pag-asa ko. Ikaw ang magtutuloy sa negosyong sinimulan ko. Ikaw ang matalino, magaling, at mapapagkatiwalaan. ‘Wag na ‘wag kang gagaya sa kapatid mo, nabulag ng letseng pag-ibig na ‘yan!”

“Opo, Papa,” anito.

Napangiti si Arturo. Mabuti na lang at maaasahan ang panganay niya.

Halos araw-araw ay nakikita niya si Ron na inaaral ang pasikot-sikot ng kanilang negosyo. Kaya naman kampante siya na magiging mabuti itong tagapamahala.

Tuluyan niya na ring nilimot ang bunsong anak na itinakwil. Hahayaan niya na magtanda ito!

Matuling lumipas ang panahon. Limang taon ang lumipas at nakita ni Arturo ang kakayahan at dedikasyon ng panganay niyang anak.

Kaya naman walang pagdadalawang isip niyang pinasa sa anak na panganay ang pamamahala sa negosyo na sinimulan niya pa noong bata-bata siya.

“‘Wag po kayong mag-alala, Papa. Ako na po ang bahala,” pangako ni Ron.

Hindi naman nagkamali si Arturo sa pagtitiwala sa panganay na anak. Sa unang taon pa lang nito sa pamamahala ay dumoble na ang kinikita ng negosyo nila, kaya naman tuwang-tuwa si Arturo.

Subalit kalaunan ay natuklasan niya ang lihim kung bakit todo ang naging pag-angat nila. May ginagawa palang kabulastugan si Ron—ilan sa mga paraan ng pamamalakad nito ay ilegal. Nalaman niya lang ang lahat nang isang empleyado mismo ang magbunyag ng ginagawa ni Ron.

Sinubukan niyang kausapin ang anak, ngunit naging matigas ang sagot nito.

“Papa, ‘wag mo nang pakialaman ang diskarte ko. ‘Wag niyo na ho akong pakialaman, sinisiguro ko sa’yo na triple ang kikitain natin. Ako na ang bahala,” anito.

“Kapag nahuli ka ng pulis sa ginagawa mo, malalagay tayo sa alanganin,” giit niya.

“Maingat ako, Papa. ‘Wag kang mag-alala, ako ang bahala. Hindi ko sisirain ang pangalan natin,” pangako nito.

Subalit hindi naman nito natupad ang pangako. Matapos kasi ang ilang buwan ay may mga pulis na dumating at nag-imbestiga. Mukhang may nagsabi sa mga ito ng mga ilegal na pamamaraan ni Ron!

Isang malaking eskandalo ang nangyari, lalo pa’t nabalita pa iyon sa telebisyon. Ang pangalang iniingat-ingatan ni Arturo at kay tagal niyang binuo ay namantsahan sa isang iglap lang.

Nang matapos ang sigalot ay halos wala nang natira. Halos wala nang perang naiwan para makapagsimula siyang muli. Wala na rin siyang tiwala sa kakayahan ni Ron, na muntik nang makulong kung hindi niya lang ginawan ng paraan.

Hindi malaman ni Arturo ang gagawin. Nais niya na lang sanang tuluyang isara ang kaniyang negosyo, ngunit nagulat siya nang isang bisita ang dumating.

Ang bisita ay walang iba kundi si Zaldy, ang bunsong anak na itinakwil niya. Nag-aalok ito ng tulong na mapabangon ang negosyo niyang lumagapak.

“Ano namang kaya mong gawin?” hindi kumbinsidong usisa niya sa anak habang matiim itong minamasdan.

Malayong-malayo na ito sa dati nitong itsura. Kung noon ay mukha itong sanggano at barumbado kung pumorma, ngayon ay mukha na itong kagalang-galang sa suot nitong mamahaling polo.

“Kaya kong muling iangat ang negosyo mo, Papa, mas matagumpay pa sa dati,” walang gatol na sagot nito, bago inabot sa kaniya ang isang folder.

Naglalaman iyon ng impormasyon ukol sa isang bagong tayo lamang, ngunit isang matagumpay na negosyo.

“Ano naman ito?” taas kilay na tanong niya sa anak, hindi na pinansin ang pasaring nito.

“Ako ang nagtayo ng kumpanya na ‘yan,” tila pagyayabang nito.

Nanlaki ang mata ni Arturo. Kung totoo ang sinasabi ni Zaldy, tunay nga na hindi na ito basta-basta lang!

Sa huli ay nakumbinsi rin siya ni Zaldy na ipagkatiwala rito ang muling pag-angat ng negosyo niyang bumagsak.

Gaya ng pangako nito ay unti-unting nakabangon ang kaniyang negosyo. Unti-unting bumalik sa kaniya ang mga nalugi dahil sa maling pamamalakad ng panganay niyang anak.

Makalipas ang dalawang taon ay nagawa na ni Zaldy ang pangako nito—naibalik na nito sa dati ang lahat.

Hinintay ni Arturo na sumbatan siya ng anak dahil sa ginawa niyang pagtatakwil noon, ngunit hindi iyon dumating.

“Bakit hindi ka nagtanim ng sama ng loob sa akin? Bakit mo ako tinulungan, imbes na hayaan na lang na tuluyan nang bumagsak ang negosyo ko?” hindi maiwasang usisa niya sa bunsong anak.

Ngumiti ito.

“Dahil alam ko ang hirap mo para maitaguyod ang negosyo mo, Papa. Sadyang nagkamali ka lang ng pinagkatiwalaan,” sagot nito.

“Isa pa, kung hindi mo ako itinakwil noon, siguro ay wala pa rin akong silbi at umaasa lang sa pera mo ngayon,” natatawang dagdag nito.

Si Arturo naman ang napangiti. Napatunayan niya na may tsansa tayong paunlarin ang ating sarili, anuman ang sitwasyon.

May pagsisisi man siyang nararamdaman sa ginawa niya rito noon, masayang masaya naman siya sa narating ng bunso niyang anak ngayon.

Advertisement