Matapobre ang Dalaga at Walang Pakisama sa Iba; Sa Huli ay Nahanap Niya ang Katapat Niya
“Ma’am, pwede na po kayong pumasok, wala na pong ibang namimili sa loob, kayo na lang po,” anang alalay niya na si Kat.
Nakasimangot na bumaba ng sasakyan si Veronica bago taas-noong naglakad papasok sa isang sikat na bilihan ng mga damit.
Agad na hinanap ng mata niya ang manager ng naturang tindahan.
“T0nta ka! Hindi ba’t sinabi ko na sa’yo na ngayon ako mamimili? Pinaghintay mo pa talaga ako sa sasakyan!” gigil na kastigo niya sa manager na tila ano mang oras ay iiyak na.
“Sorry po, Madam Veronica. Nahirapan po kasi akong paalisin ‘yung ibang kustomer namin na VIP rin. Kapag po hindi ko sila napaliwanagan nang maayos, baka maubusan kami ng kustomer,” nakayukong paliwanag nito.
Tumaas ang kilay niya.
“Sa tingin mo may pakialam ako? Tandaan mo ang sinabi ko, kung hindi ay malilintikan ka talaga sa’kin ‘pag nangyari ulit ‘yan!” banta niya sa babae bago yamot na nag-ikot-ikot sa tindahan.
Sa totoo lang ay iyon ang paborito niyang bilihan ng damit, bag, at sapatos. Pero kung hindi nito kayang pagbigyan ang hiling niya ay baka kailangan niya nang lumipat.
Hanggang sa makatapos siya sa pamimili ay dala-dala niya ang inis.
Nang makauwi siya sa magarbo niyang tirahan ay sinalubong siya ng pag-uusisa ng kaniyang boyfriend na si Lucio.
“Hon, nakasimangot ka na naman. Ano na namang problema mo? Kulang pa ba ‘yang sandamkmak na pinamili mo?” natatawang tanong nito habang nakatingin sa mga shopping bag na nakalapag sa marmol na sahig.
Umiling siya bago tumabi rito.
“Nakakainis kasi, pinaghintay pa nila ako!” inis na sumbong niya sa lalaki.
Napailing na lang ang lalaki.
“Ikaw talaga, napakamainitin ng ulo mo!” anito.
Mula sa bulsa ng suot nitong jacket ay may dinukot itong isang pulang kahita at iniabot sa kaniya.
Agad na nagliwanag ang mata ni Veronica. Tila nahihinuha niya na ang laman noon.
Nang buksan niya ang kahita ay nakumpirma niya ang hinala. Isang mamahaling kwintas!
“Hon! Ang ganda naman nito!” tuwang-tuwang bulalas niya habang minamasdan mula sa salamin ang kwintas na noon ay suot niya na.
“Oo naman. Alam mo ba na sa Pilipinas, dalawa lang ang ganyan,” nagmamalaking pagkukwento pa nito.
Napalingon siya sa nobyo nang may maalala dahil sa sinabi nito.
“Dalawa ba ang binili mo? Para sa asawa mo ‘yung isa?” mahinang tanong niya.
Yumuko ito bago tumango.
Napangiti nang mapait si Veronica. Akmang huhubarin niya ang kwintas nang pigilan siya ng nobyo.
“Hon naman… Alam mo naman na ikaw ang mahal ko, hindi ba?” anito, bago naglalambing na yumakap sa kaniya.
Napailing na lang si Veronica. Alam na alam talaga nito ang kahinaan niya. Kaya nga kahit na minsan ay gusto niya nang itigil ang pagiging kabit, hindi niya magawa. Mahal niya kasi ang nobyo.
Isa pa, ibinibigay nito ang lahat ng naisin niya—magandang bahay, sasakyan, damit, sapatos, bag, alahas, at kung ano-ano pa. Umaasa siya na ang sunod nitong ibibigay sa kaniya ay ang apelyido nito.
Nagising siya kinabukasan na wala na ang kaniyang nobyo. Ang sabi ng kasambahay ay maaga raw itong pumasok sa opisina.
Dahil wala siyang mapaglibangan sa bahay ay naisipan niyang lumabas. Dinala siya ng kaniyang mga paa sa paborito niyang restawran.
Pagpasok niya pa lang ay napansin niya na ang pagkataranta ng mga waiter sa lugar, maging ang manager.
“Ma’am, hindi po yata kayo nakapagsabi na kakain kayo?” alanganing sabi ng manager habang inililibot nito ang tingin sa mga kustomer na kumakain.
“Paalisin mo ang iba. Kakain ako, ako lang dapat ang kustomer,” utos niya bago siya naglakad papalapit sa parte ng restawran kung saan siya parating nakaupo.
Ngunit may tao na roon. Isang magandang babae ang nakaupo. Sa suot nito ay nahihinuha niya na may sinasabi ito sa buhay.
Ngunit hindi siya natatakot dito. Isa yatang mayamang negosyante ang nobyo niya!
“Alis,” direktang wika niya sa babae.
Tumaas ang kilay nito.
“Ano? Bakit ako aalis?” tila gulat na gulat na bulalas ng babae. Kita niya ang galit sa mga mata nito.
“Pwesto ko ‘yan,” maikling paliwanag niya.
“Wala kang pwesto. Ako ang nauna, at ako ang nakaupo rito, kaya wala kang karapatan na paalisin ako,” palabang sagot ng babae.
Nagsisimula na silang umagaw ng atensyon. Mula sa gilid ng mga mata niya ay kita niya na ang iilang nakikinig sa usapan nila.
“Umalis ka na kung ayaw mong mapahiya. VIP ako rito,” mayabang na saad niya.
Natawa ang babae bago siya tinitigan mula ulo hanggang paa. Nakita niya ang paninitig nito sa suot niyang kwintas kaya naman napangisi siya.
“Inggit ka sa kwintas ko? Sorry na lang, dalawa lang kaming nagmamay-ari nito. Binili ng boyfriend ko,” nang-iinis na pasaring niya sa babae.
Sa gulat niya ay tumawa ito nang malakas bago ito tumayo at hinarap siya.
“Sa wakas, nalaman ko na rin kung sino ang kabit ng asawa ko!” malakas na bulalas nito, tila nais iparinig ang sinasabi sa iba.
Siya naman ang nanlaki ang mata. Napagtanto niya na ang babae sa harap niya ay walang iba kundi ang legal na asawa ng nobyo niya!
Hindi siya nakaimik.
“Nasaan na ang tapang mo ngayon?” tila hamon nito.
“Ang kapal ng mukha mo na paalisin ako sa kinauupuan ko. Hindi ka pa ba masaya na kinakalantari mo ang asawa ko? ‘Yang suot mo, at lahat ng meron ka, sa akin dapat lahat ‘yan dahil ako ang asawa!” patuloy na litanya ng babae. Sa mata nito ay nakalarawan ang labis na galit.
Tila nais lumubog ni Veronica sa kinatatayuan niya. Lalo na’t nagsimula na rin ang bulungan.
“Kung minsan talaga, kung sino pang kabit siya pa ang malakas ang loob!”
“Ayan, mayabang kasi!”
“Buti nga sa kaniya! Tingnan ko lang kung makapagyabang pa siya!”
Sa huli ay yukong-yuko siyang lumabas ng restawran. Tila nangangapal ang mukha niya sa labis na hiya.
Marahil ay totoo nga ang madalas niyang naririnig mula sa kaniyang ina noong nabubuhay pa ito.
“Hindi ka tunay na sasaya kapag may naaagrabyado kang iba.”
Ngayon, desidido na siya. Pupuntahan niya si Lucio. Makikipagkalas na siya.