Inday TrendingInday Trending
Sa Swerte Umaasa ang Ginoong Ito; Habambuhay nga ba Niya Itong Maaasahan?

Sa Swerte Umaasa ang Ginoong Ito; Habambuhay nga ba Niya Itong Maaasahan?

Dahil sa hirap ng kaniyang buhay, sa swerte na lang umaasa ang padre de pamilyang si Isiah. Kahit ano kasing pagsisikap niya sa trabaho simula pa lang noong siya’y binatilyo mapahanggang sa ngayon, ganoon pa rin ang buhay na mayroon siya.

Hindi pa rin siya nakakabili ng sarili niyang bahay para sa kaniyang buong pamilya, isa pa rin siyang empleyadong sumasahod ng mababang halaga at hindi pa rin niya nadadala sa isang restawran ang kaniyang mga anak. Kaya ganoon na lamang siya kung magtiwala sa swerteng mayroon ang kaniyang mga kamay.

Binatilyo pa lang siya nang mapatunayan niyang swerte siya sa mga sugal. Nagsimula ito nang una siyang bigyan ng pagkakataon ng kaniyang ama na tumaya sa sakla at kahit wala pa siyang alam noon, nakapag-uwi silang mag-ama ng sampung libong piso dahil sa tinayaan niyang baraha!

Ito ang dahilan upang patuloy siyang tumaya sa kahit na anong sugal. Hindi man siya palaging nananalo, lamang pa rin ang mga pagkakataong siya’y umuuwing abot tainga ang ngiti at may masarap na ulam para sa kaniyang mga anak.

Kaya lang kasi, tuwing siya’y nananalo sa mga sugal na tinatayaan niya, imbis na siya’y mag-ipon sa biyayang natanggap, agad-agad niya itong ipapamudmod sa kaniyang pamilya at ibang kaanak saka labis na ipagmamayabang ang swerteng mayroon siya.

“Bakit hindi mo subukang tumaya sa lotto, papa? Malay mo po, pati roon, swertehin ka! Katulad na lang noong matandang nanalo sa lotto kamakailan lang, papa! Grabe, biglang nagbago hindi ang buhay ng kaniyang buong mag-anak!” masiglang sabi ng kaniyang anak.

“Matagal ko na nga ‘yang pinag-iisipan, anak, eh. Kaso lang, baka bigla naman akong mahimatayin kapag nanalo na ako sa lotto!” wika niya habang pinakikiramdaman ang malakas na tibok ng kaniyang puso.

“Subukan mo lang po, papa! Kaming bahalang magpakalma sa’yo!” payo pa nito dahilan para agad niyang itaya sa lotto ang natitira niyang pera.

At katulad ng inaasahan ng kaniyang mag-iina, kinabukasan ay idineklara nga sa telebisyon na may nanalo na ulit nang malaking halaga ng papremyo sa lotto. Nang makumpirma niyang siya nga iyon, halos hindi niya maiiyak ang mga luhang gustong mag-unahan sa kaniyang mga mata dahil sa sobrang saya.

“Papa! Mayaman na tayo!” sigaw ng kaniyang anak saka siya niyakap nang mariing.

Doon na nagsimulang magbago ang kanilang buhay. Nakabili na siya ng isang malaking bahay para sa kanilang pamilya, mayroon pa siyang isang mamahaling sasakyan at ilang mamahaling gamit sa bahay na talagang ikinasaya ng kaniyang mag-iina.

Katulad din ng kaniyang nakasanayan, lahat ng taong lumapit sa kaniya ay inabutan niya ng pera habang patuloy na ipinagyayabang ang swerteng mayroon siya.

Sa katunayan, hindi natigil ang pagdagsa ng tao sa kanilang bahay simula nang inamin at ipinagkalat niyang nanalo siya sa lotto na talagang ikinabahala ng kaniyang asawa.

“Mahal, hindi naman sa pagdadamot, ha? Pero tingin mo ba, kailangan talaga nating bigyan ang lahat ng nagpupunta rito kahit hindi naman natin kakilala? Ang iba nga ay ilang beses nang pabalik-balik dito, eh. Imbes na ibigay mo sa kanila, magtayo na lang kaya tayo ng negosyo gamit ang perang iyan?” pag-aalala ng kaniyang asawa.

“Hayaan mo sila, swerte naman ako, eh. Pupwede pa akong tumaya ulit sa lotto at siguradong mananalo ulit ako!” giit niya rito saka niya patuloy na ipinamudmod ang kaniyang napanalunang pera.

Dahil sa ginawa niyang ito, linggo lang ang tinagal ng napanalunan niyang pera sa kaniyang mga kamay at nang mapagtanto niyang iisang libo na lang ang natitirang pera sa bag na pinaglalagyan niya ng pera, ito’y muli niyang itinaya sa lotto.

Kaya lang, siya’y hindi na pinalad. Ilang araw siyang patuloy na tumaya ngunit kahit dalawang numero, walang lumalabas sa kaniyang tinatayaan.

Isang araw, habang siya’y nag-aayos ng sarili upang muling tumaya sa lotto, bigla namang bumagsak sa harapan niya ang kaniyang asawa dahilan para agad niya itong dalhin sa ospital.

Doon nila nalamang mayroon pala itong sakit na k*nser at kailangan nang mahaba-habang gamutan!

“Paano na si mama niyan, papa? Wala na po tayong pera!” iyak ng kaniyang anak dahilan para kahit lingid sa kagustuhan niya, binenta niya ang lahat ng kaniyang mga ari-arian upang maipagamot lamang ito.

Muli siyang tumaya sa lotto ngunit katulad ng inaasahan niya, hindi na siya muling sinuswerte. Dito na niya napagtantong hindi habambuhay, pupwede siyang kumapit at umasa sa swerteng naninirahan sa kamay niya at ito’y labis na ipagyabang, napag-isip-isip niyang kailangan niya ring kumilos dahil kung hindi, tiyak na mapapahamak ang kaniyang asawa.

Habang ginagamot ang kaniyang asawa, kalahati sa perang kinita niya sa pagbebenta ng kanilang bahay ay inilaan niya sa negosyong noon pa ma’y gusto nang itayo ng kaniyang asawa.

Nagtayo siya ng isang malaking ukay-ukay sa kanilang lugar na labis namang dinumog ng mga tao roon dahilan upang patuloy niyang maipagamot ang asawa at makabili siya ng isang maliit na bahay.

“Natapos man ang swerte ko, mahal, asahan mong ang kasipagan ko’y kailanman ay hindi matatapos. Lahat ay gagawin ko para sa inyong lahat,” sabi niya sa kaniyang asawa, isang araw nang dalawin niya ito sa ospital kasama ang kaniyang mga anak.

Advertisement