Panay ang Pabili ng Dalagang Ito ng mga Nauusong Bagay; Nagising Siya sa Pag-aaksayang Ginagawa Niya dahil sa Isang Kababata
Hindi nakukuntento si Faye sa mga bagay na mayroon siya. Kapag hindi na uso ang mga gamit na pilit niyang pinabili sa kaniyang mga magulang, kung hindi niya ito itatapon nang basta-basta sa kanilang bakuran, iiimbak niya lang ang mga ito sa kaniyang kabinet na para bang mumurahin lang ang mga gamit na ito.
Kapag may bagong uso naman, mapa-selpon man, alahas o make-up, agad niya itong ipapabili sa kaniyang mga magulang at kapag tumanggi ang isa sa mga ito dahil nga sa laki ng perang ginagastos niya sa isang buwan, wala sawa siyang magdadabog o magtatampo hanggang sa ibigay sa kaniya ang gusto niya.
“Anak, hindi pupwedeng lahat ng gusto mo, makukuha mo agad. Mas masarap sa pakiramdam na paghirapan mong kuhanin ang isang bagay bago mo iyon makuha,” pangaral sa kaniya ng kaniyang ina.
“Bakit kailangan ko pang maghirap, mommy? Naghirap na nga kayong kumita ng pera, pati ba naman ako kailangan ko pang maghirap?” tanong niya pa rito habang tatawa-tawa.
“Oo, anak, kailangang-kailangan mo ‘yon para malaman mo ang halaga ng bawat bagay. Hindi ‘yong kapag nagsawa ka na sa isang bagay, itatapon o itatago mo na lang. Ang ibang kaedad mo nga, wala ng mga bagay na tinatapon mo lang. Kaya dapat, pahalagahan mo ang…” payo pa nito na agad niyang pinutol dahil ayaw na ayaw niyang napagsasabihan.
“Mommy, pwedeng huwag ka nang maingay? Mag-aaral na kasi sana ako, eh,” wika niya dahilan para siya’y agad nitong iwan sa sariling silid ngunit imbis na mag-aral katulad ng sinabi niya, nahiya siya sa malambot niyang kama at naghanap ng bag na pupwede niyang ipabili sa mga magulang sa isang online store.
Habang abala siya sa pagtingin ng mga bag, bigla siyang nakatanggap ng isang mensahe mula sa isa sa mga kababata niya noon.
“Hi, Faye! Naaalala mo pa ako? Ako si Gina, ‘yong kalaro mo palagi ng piko noon! Gusto sana kitang imbitahan sa debut ko! Simpleng salu-salo lang iyon at makakasama natin ang ilan pa nating kababata. Sana makadalo ka mamaya!” sabi nito, roon niya naalala ang mga masasayang araw nila noong kabataan nila dahilan para siya’y agad na magpaalam sa kaniyang ina at dahil nga kilala nito ang mga kababata niyang iyon, siya’y agad nitong pinayagan.
Ngunit dahil nga wala na siyang oras na bumili pa ng regalo, nilagay niya na lang sa isang paper bag ang mga make-up na ayaw na niyang gamitin at ilang damit na kahit hindi niya pa nagagamit, nakatambak lang sa kaniyang damitan.
Pagdating niya sa bahay ng kababata niyang ito, siya’y labis na nadismaya dahil bukod sa kakaunti lang ang handa nito, mukhang pipitsugin pa ang dekorasyon na mayroon doon.
“Akala ko ba debut mo na? Bakit parang simpleng meryenda lang ang mangyayari?” tanong niya rito.
“Ah, eh, pasensya ka na, Faye, nawala sa isip ko na mayaman na nga pala kayo at hindi ka na sanay sa mga ganito pero huwag kang mag-alala, masarap ang lutong spaghetti ni mama kahit hotdog lang ang sahog!” pangungumbinsi nito sa kaniya.
“Naku, hindi, okay lang ako, ito nga pala ang regalo ko sa’yo. Happy birthday!” sabi niya saka niya iniabot ang hinandang regalo.
“Diyos ko! Faye! Totoo ba ‘to? Hindi ba’t mamahalin ito? Hindi ko akalaing makakatanggap ako ng ganitong klaseng regalo ngayon!” mangiyakngiyak na sabi nito habang tumatalon-talon pa!
“Hoy, ayos ka lang ba? Bakit ka umiiyak para lang sa make-up at damit?” pag-aalala niya.
“Sobrang saya ko lang na magkaroon ng ganitong klaseng mga gamit. Alam mo ba, matagal ko nang gustong magkaroon nito, kaya lang wala kaming pera para makabili nito,” hikbi pa nito saka siya mariing niyakap.
Halos mabingi rin siya sa sigawan ng ilan niyang kababata nang makita ang mga gamit na niregalo niya na para sa kaniya ay mga basura na lamang.
Doon niya labis na napagtantong habang binabalewala niya ang mga ganitong klaseng gamit dahil nga madali niyang nakukuha, ang iba’y nagkakandarapang magkaroon nito dahil sila’y salat sa pera.
Kaya naman, upang mabigyan niya rin ng kasiyahan ang iba niyang mga kababata, lahat ito ay isinama niya sa kanilang bahay at lahat ng mga gamit na hindi na niya gusto at pinapakinabangan ay ibinigay niya sa mga ito.
At simula noon, kahit na may gustong-gusto siyang ipabili sa kaniyang mga magulang, panay ang pagpigil niya sa kaniyang sarili dahil ngayon, natutuhan na niyang pahalagahan at bigyang importansya ang bawat gamit na mayroon siya.