Nanggigigil Siya sa Katrabahong Kulang sa Pansin; May Malalim Pala Itong Pinaghuhugutan
Sa araw-araw na lang na pumapasok sa trabaho ang dalagang si Brenda, hindi maaaring hindi siya maiinis sa boses, kahit anong ginagawa, o kahit presensya ng katrabaho niyang si Gloria. Wala kasi itong ibang ginawa kung hindi ang magpabida at magpapansin hindi lang sa kanilang mga katrabaho kung hindi pati na rin sa kanilang boss na pakiwari niya’y naiinis na rin dito.
Sa katunayan, alam na alam na niya kapag dumating na ito sa kanilang opisina dahil umaalingawngaw na kaagad ang boses nito kahit nasa hallway pa lamang ito. Kung anu-anong kanta ang sinisigaw nito na madalas, ikinaiinis ng mga naiistorbo nilang katrabaho.
Ngunit kahit na madalas itong mapagsabihan ng mga nakatataas sa kanila, patuloy pa rin nitong ginagawa ang bagay na iyon at para bang mas nilalakasan pa nito ang ingay na nagagawa.
May pagkakataon pang kapag tahimik ang lahat at abala sa kaniya-kaniyang trabaho, lilibot ito sa buo nilang opisina para lamang magkwento ng kung anu-anong karanasan na tingin niya, iniimbento lamang nito para lang may mapag-usapan.
Kaya naman, sa tuwing siya ang kinakausap nito, ginagawa niya ang lahat upang mabara ito at siya’y huwag na nitong istorbohin.
Isang araw, habang abala siya sa paggawa ng mga dokumentong nakatakda niyang ipasa ngayong araw, siya’y biglang nilapitan ng katrabaho niyang ito upang magpasama lamang sa kanilang cafeteria.
“Close ba tayo? Bakit sa akin ka nagpapasama? Hindi mo ba nakikitang may ginagawa ako ngayon?” masungit niyang sabi rito.
“Ang sungit mo talaga, friend! Kaya kita niyayaya dahil parang stress na stress ka na! Pumapangit ka na, o, tara na, magkape muna tayo!” tugon nito saka tiningnan pang maigi ang kaniyang mukha na labis niyang ikinainis.
“Alam mo, kung walang magandang lalabas d’yan sa ibibig mo at kung walang magawa, maupo ka na lang doon sa upuan mo at isubsob mo sa kompyuter ‘yang mukha mo!” sigaw niya rito.
“Sobra ka naman! Ikaw na nga lang ang inaalala, ikaw pa galit!” sagot pa nito na ikinataas na maigi ng dugo niya.
“Hindi mo ako inaalala, Gloria, gusto mo lang magpapansin! Wala ka bang kaibigan o kahit kapamilya kaya gan’yan ka na lang kung magpapansin?” sambit niya pa, laking gulat niya nang bigla itong manahimik at bumalik sa sariling upuan.
“Edi tumahimik ka rin!” sabi niya sa isip habang pinagmamasdan ang dalaga.
Kaya lang, wala pang isang oras, bigla na naman itong nagpabida at namimilit gawin ang trabaho ng kanilang mga katrabaho. Habang tuwang-tuwa ang iba nilang katrabaho sa alok nito dahil nga mababawasan ang kailangan nilang gawin, inis na inis naman siya sa isang sulok dahil nagbibida-bida na naman ito.
Upang malaman niya ang puno’t dulo kung bakit ganito ang ugali ng katrabaho niyang ito, napagdesisyonan niya itong sundan pagkatapos ng kanilang trabaho. Nagawa niya itong sundan hanggang sa makauwi ito ng bahay.
Maya maya pa, naisipan niyang sumilip sa bukas na bintana ng bahay nito. Doon niya nakita kung paano ito tratuhin ng mga magulang. Habang masayang kumakain ang buo nilang pamilya nang sabay-sabay, ito lang tanging hindi kumakain at tahimik lang na nakaupo sa isang sulok.
Pagkalipas pa ng ilang saglit, natapos nang kumain ang ilan at siya naman ang pinaupo sa lamesa.
“Hoy, ampon, kumain ka na! Tirhan mo ang mga aso ng pagkain, ha? Tapos ‘yong ambag mo sa kuryente at tubig, ilagay mo na lang sa ibabaw ng kabinet! Magbabayad na ako ng mga bills bukas!” sigaw pa ng nanay nito na labis niyang ikinagulat.
Nang tingnan niya ang mukha ng katrabaho niyang ito, ibang-iba ang itsura nito sa mukhang pinapakita nito sa kanilang opisina. Ramdam na ramdam niya ang kalungkutang mayroon ito dahilan upang siya’y labis na makaramdam ng pangongonsenya.
Kaya naman, simula nang araw na iyon, pinalawak niya ang kaniyang isipan. Sa tuwing nagpapansin ang katrabaho niyang iyon, sinasakyan niya na lamang ito imbis na barahin at ipahiya. Naisipan niya ring samahan ito araw-araw sa pagkain na nagbigay daan upang sila’y maging magkaibigan.
Lalo pa niyang ginustong kaibiganin at samahan ito araw-araw nang malaman niyang binenta pala ito ng totoong mga magulang noon na hanggang ngayon ay dinadamdam nito.
Sabi pa nito, “Sa opisina lang talaga ako masaya at may enerhiyang magpakitang gilas, sa bahay kasi, kahit anong gawin ko, mali para sa kanila. Akala ko nga wala na akong karapatang sumaya. Mabuti na lang dumating ka sa buhay ko, Brenda,” na talagang nagpalambot maigi sa puso niya.
Simula noon, hindi na siya ni minsan nanghusga ng sino man sa kaniyang mga katrabaho. Palagi na niyang iniisip na ang bawat galaw ng mga ito ay may nakatagong malalim na dahilan na kailangan niyang intindihin at unawain.