Inday TrendingInday Trending
Ikinalungkot ng Dalagang Artista na Unti-unti Nang Nalalaos ang Tambalan Nila ng Binata; Malaos Din Kaya Siya sa Puso Nito?

Ikinalungkot ng Dalagang Artista na Unti-unti Nang Nalalaos ang Tambalan Nila ng Binata; Malaos Din Kaya Siya sa Puso Nito?

Sa mga oras na iyon ay walang pagsidlan ang kaligayahan ni Vernice habang kapiling si Ryan.

“Oh, Vernice…pinakamamahal kita,” malambing na sabi ng lalaki.

“Mahal na mahal din kita, Ryan,” tugon ni Vernice.

Nagyakap silang dalawa at masuyong hinalikan ang isa’t isa. Punumpuno ng pananabik at pag-ibig.

Nang…

“CUT!”

At natapos na naman ang ilang sandali ng ilusyon at bumalik na sa realidad.

“Wow, very convincing ang portrayal ninyo! Talagang kapwa kayo mahusay na artista,” tuwang-tuwang sabi ng kanilang direktor.

Parehong artista sa telebisyon at pelikula sina Vernice Alcantara at Ryan Del Mundo. Sila ang pinakasikat na loveteam sa kanilang henerasyon. Hinahangaan sila sa angkin nilang husay sa pagganap sa iba’t ibang karakter na ibinibigay sa kanila. Sa katunayan ay marami na rin silang napanalunang mga tropeyo sa loob at labas ng bansa sa galing nila sa pag-arte at palaging tumatabo sa takilya ang mga pelikula nila.

“Salamat po, direk!” masayang wika ni Vernice.

“Talagang pinagbuti namin ang pagganap, ‘di ba, Vernice?” sabi naman ni Ryan.

“Totoo ‘yon, direk. Para mas kapani-paniwala ang mga eksena,” saad pa ng babae.

Dahil doon ay kilig na kilig na naman ang mga tagahanga nilang nanonood ng shooting.

“Eeee! Si Vernice at Ryan! Bagay na bagay sila sa isa’t isa. Mahal namin kayo!” sigaw ng mga tao.

“Naku, salamat po sa pagsuporta! Mahal na mahal din namin kayo!” tugon ni Vernice.

Katulad nga ng inasahan ay nag-hit na naman ang ginawa nilang pelikula. Nahigitan ng kita nito ang huling pelikulang pinagbidahan nila.

“No doubt, talagang sikat na sikat kayo ni Ryan. Tingnan mo kung paano pilahan ng mga tao ang inyong pelikula, at ‘yung bago ninyong teleserye, ang taas ng rating!” masayang wika ng kaniyang tiyahing si Norma.

Pero imbes na magsaya ay tila malungkot si Vernice.

“O, Vernice, tulala ka riyan? Ano bang nangyayari sa iyo?” tanong ng babae.

“W-wala, auntie. May minememorya lang kasi akong mga linya para sa shooting ko mamaya,” pagsisinungaling niya.

“O, I’m sorry, hija. Akala ko kasi’y may dinaramdam ka. Sige, ipagpatuloy mo na ang pagkakabisa ng iyong script,” sabi ng tiyahin niya.

Sabi lang iyon ni Vernice, pero ang totoo, naaalala niya ang pinag-usapan nila ni Ryan kanina.

“Uy, may dala siyang mga bulaklak! Para kanino iyan?” tanong niya.

“Para kay Alice, sa girlfriend ko. Tiyak kasing nagtatampo na iyon sa akin. Bihira ko na siyang nadadalaw, eh,” sagot ng lalaki.

“Ryan, mahal na mahal mo si Alice, ano?” aniya pa.

“Oo, mahal na mahal. Kaya kapag nagtatampo iyon, worried ako, eh. Alam mo, siya ang inspirasyon ko at saka…”

Hindi na nagawa pang ipagpatuloy ni Vernice ang iniisip dahil…

“Tama na! Tama na!” sabi niya saka biglang humagulgol ng iyak.

Hindi naman nakalahata ang kaniyang tiyahin, akala ay umaarte pa rin siya.

“Ang husay talagang umarte ng pamangkin ko, pang-FAMAS!” anito.

Pero sino nga ba ang mag-aakala na ang pag-arte ni Vernice kasama si Ryan sa pinilakang tabing ay puro pagkukunwari lamang? Sa daigdig ng pelikula at telebisyon, ang lahat ay pagkukunwari, subalit hindi ang damdamin ni Vernice para kay Ryan.

“Diyos ko, natutunan ko na pong ibigin si Ryan, kaya po ang kahilingan ko sa Inyo, lalo Niyo pong pagtibayin ang aming tambalan,” dasal niya.

Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay tinatangkilik sila ng mga tao, may mga panahon na sadyang salawahan ang mga tagahanga.

“Bad news, Vernice! Hindi na naman kumita ang huli ninyong pelikula ni Ryan, hindi rin nag-rate ‘yung huli ninyong teleserye! Mas kinakagat ngayon ng mga tagahanga ang bagong tuklas na loveteam ng kabilang istasyon,” malungkot na sabi ng kaniyang handler.

“Ito na ba ang wakas?” bulong niya sa sarili.

Bigla siyang nanlumo sa balitang iyon. Ang pagwawakas ng kanilang tambalan ay kamat*yan na rin ng kaniyang pag-ibig.

“Hindi ko na siya makikita at makakasama. Hindi ko na rin madarama ang kaniyang mga yakap at halik, oh, Ryan,” sambit niya.

Nag-e-emote siya nang biglang dumating si Ryan.

“Call slip for Miss Vernice,” wika nito.

“R-Ryan! Ikaw nga ba, Ryan?” aniya.

Maligayang-maligaya ang dalaga nang muling makita ang lalaki.

“It’s good to see you! Pero why so pale and sad? D-dinadamdam mo rin ba ang pagbasak ng ating loveteam?” tanong niya.

“In a way, yes,” tugon ni Ryan.

Lihim siyang natuwa upang masaktan lang pala sa nalaman niyang tunay na dahilan.

“A-ano, wala na kayo ni Alice?”

“Oo. Nang bumaba ang popularity natin, iniwan niya ako. Labis ko iyong dinamdam, napabayaan ko tuloy ang aking sarili,” hayag ng lalaki.

Muling nadurog ang puso ni Vernice sa ipinagtapat ni Ryan, pero ang susunod na sasabihin nito’y hindi niya inasahan.

“But not now, nagising na ako sa katotohanan. Hindi ko siya dapat panghinayangan k-kung ang isang katulad mo pa…” saad ni Ryan.

“A-anong ibig mong sabihin?” sabad ng dalaga.

“Nang magkahiwalay kaming dalawa ni Alice, ikaw ang palagi kong naiisip, nagkaroon ng comparison. At noon ko lang na-realize, she’s not worth loving at saka isipin mo, kung sa pelikula at telebisyon, nag-click tayo…sa tunay na buhay pa kaya? Napagtanto ko na ikaw pala talaga ang mahal ko, Vernice,” bunyag ni Ryan na masuyng hinawakan ang kaniyang mga kamay.

“Ryan!”

“I love you, Vernice. Natutunan na kitang mahalin,” sambit pa ng lalaki.

“Mahal na mahal din kita, Ryan. Noon pa man ay mahal na kita,” sagot niya.

Hindi makapaniwala si Vernice na tinugon din ni Ryan ang kaniyang pag-ibig. Ngayon, magwakas man ang kanilang tambalan sa pelikula at telebisyon, wala na siyang mahihiling pa dahil ang tambalan nila sa likod ng tabing ay hindi na pagkukunwari kundi totohanan na at panghabang buhay pa.

Ilang buwan silang naging magkasintahan at makalipas ang isang taon ay nagpakasal na sila. Biniyayaan din sila ng kyut na kyut at malulusog na kambal na lalaki!

Advertisement