Laman ng Tsismisan ang Mag-Asawa dahil Hindi Sila Magkaanak; Paglipas ng Panahon ay Kakainin ng Lahat ang Kanilang mga Sinabi
Mag-iisang dekada na ring kasal ang mag-asawang Ramil at Delia ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring silang anak. Pagod na pagod na nga sila sa kakapaliwanag sa mga tao kung bakit sa tagal ng kanilang pagsasama ay hindi pa rin sila nabibiyayaan ng mga supling.
“Bakit nakabusangot na naman ‘yang mukha mo, Delia? May nangyari ba?” tanong ni Ramil sa asawa.
“Paano, narinig ko na naman ang mga kapitbahay na pinag-uusapan tayo. Ang lakas pa ng loob nilang tanungin ako kung may baog daw ba sa atin kaya hindi tayo nagkakaanak. Bakit kasi hindi na lang nila pakialaman ang buhay nila? Bakit kailangan pa nilang ungkatin ang buhay natin?” naiinis na wika ng ginang.
“Para namang hindi ka pa sanay sa bagay na ‘yan, Delia. Mula noon pa’y iyan na ang tanong nila sa atin, ‘di ba? Huwag mo na lang silang pansinin at magsasawa rin ang mga ‘yan! Habang binibigyan mo sila ng atensyon ay lalong hindi mawawala ang isyu nila tungkol sa hindi natin pagkakaroon ng anak,” sagot pa ni Ramil.
“Hinding-hindi ako masasanay, Ramil. Sa tuwing pinag-uusapan nilang wala pa tayong anak ay parang pinapamukha nila sa akin ang kakulangan ko. Hindi nila nauunawaan na masakit rin sa akin na wala man lang tayong mapaglaanan ng pagmamahal natin. Gustong-gusto kong magkaroon ng anak, Ramil. Kaya ang sakit sa kalooban ko sa tuwing naaalala kong hindi kita kayang bigyan ng anak,” naiyak na si Delia sa pagsasalita.
“Huwag mo na silang intindihan, Delia. Tayo naman ang magkasama sa buhay na ito. Hindi lang sila masaya sa mga buhay nila kaya pilit nilang ginagawan ng isyu ang buhay natin. Ayos naman tayo kahit walang anak,” saad pa ng ginoo.
“Pero aminin mo sa akin, Ramil, na parang may kulang din sa puso mo dahil wala tayong anak. Iyan mismo ang nararamdaman ko. Nais kong maging isang ina bukod sa maging asawa mo,” pighati pa ng ginang.
Batid ni Ramil ang sakit na nararamdaman ng kaniyang asawa. Kaya naman kahit na wala sa loob niya ang matagal nang kinukulit ni Delia na mag-ampon sila’y noong gabing iyon ay muli niya itong pinag-isipan.
Isang linggo ang nakalipas mula nang araw na ito, maagang ginising ni Ramil ang kaniyang asawa.
“May appointment ba tayo ngayon, Ramil? Bakit naman kay aga-aga’y gusto mong umalis?” tanong ni Delia.
“Huwag ka nang marami pang tanong at magbihis ka na lang. Tiyak akong magugustuhan mo ang pupuntahan natin,” tugon pa ng mister.
Paglabas pa lang ng bahay upang sumakay sa kanilang sasakyan ay narinig na nila ang ilang kapitbahay na pinagtsitsismisan sila.
“Aanhin mo ang yaman mo kung wala ka namang anak na magmamana nito. Sayang lang ang paghihirap nila. Kahit anong yaman nila’y hindi naman sila bibigyan ng kaligayahan ng pera. Laging may kulang!” saad ng isang ale.
“Tingnan mo ang mga ito. Ginawa nang almusal ang tsismis! Makakatikim talaga ang mga ito sa akin!” galit na sambit ni Delia.
“Huwag mo na silang pansinin, mahal. Sumakay ka na ng sasakyan na parang walang narinig. Huwag mong sirain ang araw mo!” saad muli ni Ramil.
Patuloy ang pagtatanong ni Delia sa kung saan talaga ang kanilang patutunguhan ng mister. Hanggang sa tumigil sila sa isang bahay-ampunan.
“Ramil, totoo ba? Talaga bang pumapayag ka na?” naluluhang wika ni Delia.
“Oo, mahal. Matagal ko rin itong pinag-isipan. Bakit nga ba pahihirapan pa natin ang mga sarili natin gayong p’wede naman tayong mag-ampon?” wika pa ng mister.
Sa pagkakataong iyon ay labis ang tuwa ni Delia. Dali-dali siyang lumabas ng sasakyan upang pumasok sa bahay-ampunan.
Sa dinami-rami ng mga sanggol na naroon ay napukaw ang atensyon niya sa isang batang anim na taong gulang.
“Sigurado ka bang siya ang nais mong ampunin, Delia? Hindi ba’t matanda na siya masyado para ampunin?” wika ni Ramil.
“Sa kaniya ako nakakaramdam ng kakaibang koneksyon, mahal. Nararamdaman kong siya ang bubuo sa ating pamilya.”
Dahil sa sinabing ito ni Delia ay nakapagdesisyon na rin si Ramil. Dalawang linggo matapos ang araw na iyon ay inuwi na rin ng mag-asawa ang kanilang bagong anak.
Lalong naging usap-usapan tuloy sa kanilang lugar ang mag-asawa.
“Wala na talagang kakayahang mag-anak kaya nag-ampon na lang,” saad ng isang kapitbahay.
“Mag-aampon lang ay hindi pa iyong sanggol para talagang sa kanila lumaki. Baka mamaya ay maging sakit pa sa ulo nila ang batang iyan! Tiyak na magrerebelde ‘yan paglaki dahil hindi naman nila talaga kadugo,” saad pa ng isang tsismosa.
Lumaki ang batang si Jomari na naririnig ang lahat ng mga sinasabing ito ng mga kapitbahay tungkol sa kanilang pamilya. Ngunit hindi ito naging hadlang kina Ramil at Delia upang palakihin nang tama ang kanilang anak.
May mga pagkakataon na nais nang sagutin ni Jomari ang mga kapitbahay dahil sa mga sinasabi ng mga ito tungkol sa kanilang pamilya lalo na sa kaniyang pagiging ampon, ngunit mariin siyang pinipigilan ng kaniyang mga magulang.
“Darating ang araw na babalik din sa kanila ang lahat ng sinasabi nilang masama tungkol sa atin, anak,” saad ni Delia.
Lumipas ang panahon at nagbinata na nga itong si Jomari. Nakatapos na siya ng pag-aaral at naging isang arkitekto. Habang ang ilang kapitbahay ay sinusubaybayan pa rin ang kanilang mga buhay.
Nang magkasakit si Delia ay magkaagapay sina Ramil at Jomari sa pag-aalaga sa ginang. Lahat ng mga kapitbahay ay sadyang humanga sa pagbabalik ng pagmamahal na ginagawa ng binata sa kaniyang mga magulang.
Lahat ng mga kapitbahay na nagsasabi ng masama tungkol sa pag-aampon ng mag-asawa ay kinain din ang kanilang mga sinabi lalo na nang tumanda na rin ang mga ito at nagsipag-asawa ang kanilang mga anak. Ni isa sa mga ito ay walang tumingin sa mga matatandang tsismosa. Pabigat pa ang tingin ng kanilang mga anak sa kanila.
Hindi naglaon at gumaling din si Delia at bumalik ito sa dating sigla. Muli ay naging isang masayang pamilya sila.
“‘Ma, sa dinami-dami ng mga bata sa bahay-ampunan, buti ako po ang kinupkop ninyo ni papa. Maraming salamat po dahil kahit maraming masasakit na sinasabi sa inyo ng mga tao sa pag-ampon sa akin ay patuloy n’yo pa rin akong inaruga at binigyan ng magandang buhay,” saad ni Jomari sa ina.
“Tandaan mo na hindi ka man sa amin nanggaling ng papa mo ay galing ka naman dito sa aming puso. Una pa lang kitang nakita ay iba na ang galak dito sa puso ko. Noon pa man ay alam ko nang ikaw ang matagal na naming hinahanap ng papa mo. Kaya siguro hindi na rin kami nagkaanak upang mahanap namin ang daan patungo sa iyo,” wika naman ni Delia.
Hindi nagbago si Jomari sa pagmamahal sa kaniyang mga magulang. Sa pagtanda ng mga ito’y pangako niyang siya naman ang mag-aalaga sa kanila.