Sinabihan ng Dalaga na ‘Social Climber’ ang Kasama Niya sa Opisina; Gulat Siya Nang Makilala ang Binabangga Niya
Maganda si Gellie kaya madali siyang natanggap sa kumpanyang inaplayan niya. Sa kabila ng kagandahang taglay ay umaalingasaw naman ang baho ng kaniyang ugali.
Isang araw, masayang lumapit si Gellie sa mesa ng ka-opisina niyang si Jenine, bagong pasok lang ang dalaga pero nais niya nang kaibiganin agad ito. Paano kasi, napansin niyang branded ang suot na damit, sapatos at selpon ng babae.
“Hi, ako ‘yung bagong office staff. Remember me?” nakangiti niyang sabi sabay tingin sa bag nito na Louis Vuitton pa ang tatak. Ang taray! Big time talaga.
“Hello, yes I remember you. Ikaw ‘yung bagong secretary ng finance head natin, Gellie, right?” nakangiti rin nitong sagot sa kaniya.
“Buti naman at naalala mo ako. Puwede bang makipagkaibigan sa iyo? Alam mo kasi, wala pa akong masyadong friends dito, bago pa lang ako dito eh. Alam mo naman hindi pa nila ako knows. Gusto kitang maging kaibigan dahil parang ang bait-bait mo kasi, eh, parang ang dali mong makasundo’t pakibagayan,” bola niya.
Ang totoo ay wala naman talaga siyang kaibigan doon dahil suplada siya at plastik. Naiilang sa kaniya ang ibang kasama niya, namimili lang siya ng kakaibiganin niya. Ang gustung-gusto niyang kaibiganin at lapitan ay mapepera at may sinasabi, ‘yung mga mahilig magshopping, kumain sa class na restawran at gumimik sa bar. Hindi siya sumasama sa mga dukha, walang pera at mga empleyadong tipong ayaw gumastos at nagtitipid. Siya ‘yung tipong mahilig magpalibre sa mga kinakaibigan niya kuno.
Hindi naman siya nabigo sa pang-uuto kay Jenine, kinaibigan siya nito. Mula nang maging close sila ay palagi na siyang nakadikit sa dalaga. Minsan nga ay namili ito sa Divisoria ng ilang gamit na ipinagtaka niya.
“Uy girl! Bakit tayo narito? Mga cheap at walang kwenta ang mga binebenta rito. Kung gusto mo ay sa mall na lang tayo pumunta, mas magaganda ang mga damit doon at branded pa gaya ng mga isinusuot mo,” sabi niya.
“Ano ka ba? Bukod sa mura ay marami rin namang magagandang paninda rito sa Divisoria. Ito ngang suot kong blouse ay dito ko lang binili. ‘Yung mga sapatos ko ay dito ko rin. Itong bag ko, akala mo branded ito? Mura lang din ang bili ko rito, nakatawad pa nga ako,” sagot ni Jenine.
“What? Hindi branded ang mga suot mo? Hindi ka gumagamit ng branded?” gulat na sabi ni Gellie.
“Gumagamit, pero mas gusto kong gamitin ang mga ganito, eh, mura na magandang klase pa,” sagot ng dalaga.
Yuck! Halatang mayaman ang kaibigan niya kuno pero mukhang kuripot. Mas gusto pa ang mga cheap na gamit kaysa branded.
Pero kahit ganoon ang dalaga ay hindi pa rin niya ito nilubayan. Palagi pa rin siyang nakabuntot dito dahil sa isip niya’y may mahihita pa rin siya rito.
Minsan, niyaya ni Gellie si Jenine na gumimik.
“Friend, sama ka naman sa akin mamaya, bar hopping tayo. Biyernes naman eh, saka suweldo ngayon,” yaya niya.
“Naku, hindi ako puwede, e. May gagawin pa ako,” pagtanggi ng dalaga.
“Minsan lang naman ako magyaya, girl, pagbigyan mo na ako,” pagpupumilit niya.
Nag-isip muna si Jenine bago pumayag sa gusto niya.
“Sige, sasama na ako, pero hindi tayo magtatagal ha?”
Natuloy ang girls night out nila. Niyaya rin ni Gellie ang tatlo pa nilang ka-opisina na mga plastik din. Pinasakay niya ang mga kasama sa kotse niyang secondhand. Ipinagyabang pa niya na mahal ang bili roon ng mayaman niyang manliligaw.
Kahit ilang oras lang ang gimik nila ay naging masaya naman. Plastikan sila ng iba niyang mga kasama samantalang si Jenine ay nakikinig lang sa pagyayabangan nila habang nagkukuwentuhan.
Nang uwian na ay nagyaya pa si Gellie na pumunta sa bahay nina Jenine. Talagang pinilit niya ang dalaga na pumayag at hindi na naman siya napahiya rito. Pinagbigyan pa rin siya ni Jenine.
Ilang minuto lang ay narating na nila ang bahay ng dalaga. Napakunot ang noo ni Gellie nang makita ang lugar.
“T-teka? D-dito ang bahay niyo?” iritang tanong niya.
“Yes, diyan ang bahay namin. Alam niyo ba, diyan lumaki ang tatay ko. Kahit maliit ‘lang ‘yan ay masaya naman kami diyan,” proud na sabi ni Jenine.
“Ano? Diyan ka lang pala nakatira?” sambit ni Gellie.
Napatingin sa kaniya ang dalaga.
“Bakit? Ano naman ang problema?” tanong nito.
“Sorry, pero huling beses na ito na makakasakay ka sa kotse ko ha? Mula ngayon ay hindi na kita kaibigan! Nakakadiri ka! Social climber ka pala? Kaya pala mahilig kang bumili sa Divisoria at kunwari ang mamahal ng gamit mo, ‘yon pala diyan ka lang nakatira sa barung-barong na ‘yan? Isa ka lang palang mahirap na nagpapanggap na mayaman at sosyal. Isa kang peke! Ayoko sa mga kaibigang mahirap, dukha at nagpi-feeling mayaman. Sige na, makakalabas ka na sa kotse ko, tsupi!” gigil niyang sabi na pinagtulakan pang palabas si Jenine.
Maging ang tatlo nilang ka-opisina ay inirapan at nginusuan din ang dalaga.
Pagbalik nila sa opisina ay mas maangas ang dating ni Gellie. Sinuot niya ang pinakamahal niyang damit para ipagyabang sa kanina pa naroon na si Jenine. Nang mapadaan siya sa mesa ng dalaga ay dinabugan pa niya ito samantalang ang tatlong plastikada nilang ka-opisina ay patuloy na inirapan ang tinaasan ng kilay si Jenine.
Natigilan sila nang biglang dumating ang manager ng kumpanya.
“Everyone, please listen,” sabi nito. “Ngayon ay makikilala na ninyo ang anak ng may-ari ng ating kumpanya. ‘Di ba, matagal niyo na siyang gustong makilala? Pwes, magpapakilala na siya sa inyo. Ang totoo, matagal niyo na siyang nakakasama rito sa opisina, hindi lang siya nagpapakilala dahil na rin sa kagustuhan niya,” saad pa ng manager.
Laking gulat ng mga empleyado na naroon lalo na ng grupo ni Gellie.
“Eh, sino naman po iyon, sir?” tanong niya.
Lalong nagulantang ang lahat nang kasunod noon ay lumapit sa unahan si Jenine at nagsalita.
“Good morning, everyone. Nais kong ipakilala ang aking sarili sa inyong lahat. Ang tunay kong pangalan ay Kristine, Kristine De Lara, ang nag-iisang anak ng may-ari ng kumpanyang ito na si Alfredo De Lara, ginamit ko lang ang pangalang Jenine sa aking pagpapanggap. Humihingi ako ng tawad sa inyong lahat kung nagsinungaling ako. Nagtrabaho ako ng ilang buwan bilang empleyado para makita ko kung maayos ba ang nangyayaring proseso dito sa kumpanya, kung ano ang ugali ng mga tao rito at kung nagagawa ba nang tama ang trabaho. Naalala ko nang unang itayo ng aking ama ang kumpanyang ito na nagmula sa kaniyang dugo at pawis. Nagsimula rin kami sa hirap, nagsumikap ang aking ama, ang aking ina at kaming magkakapatid para umasenso at ngayon ngang magreretiro na si papa ay ako na ang mamahala sa kumpanyang minahal at hinubog niya ng maraming taon. Isa lang ang masasabi ko sa inyo, kaya niyo rin magtagumpay sa sarili niyong sikap at tiyaga gaya ng narating namin ng aking pamilya basta maging masipag lang kayo, mabuting tao at palaging nakaapak ang mga paa sa lupa. Kaya nga ako, ipinagmamalaki ko pa rin kung saan ako nagmula, proud na proud ko pa ring sinasabi na tumira kami sa barung-barong at hanggang ngayon ay dinadalaw-dalaw ko pa rin ang dati naming bahay kung saan kami lumaking magkakapatid. Kahit nakatira na kami sa malaki at maayos na bahay ay iba pa rin ang aking pinagmulan,” bunyag ng dalaga na dumako pa ang paningin kay Gellie at sa tatlo nitong kasama na halos lumubog na sa kinatatayuan.
Gulat na gulat ang apat nang malamang ang babaeng hiniya at binastos nila ay ang anak pala ng may-ari ng opisinang pinagtatrabahuhan nila. Nagkataon na hindi mapagmataas si Kristine kahit pa asensado na ay hindi pa rin nakakalimutan ang pinanggalingan. Ang pagkakamali ni Gellie hindi niya hinayaang makapagpaliwanag ang dalaga nung gabing lumabas sila, hinusgahan niya ito agad, ayan tuloy at nasupalpal siya ng katotohanan na mas angat talaga ito kaysa sa kaniya.
Sa sobrang kahihiyan ay tahimik na umalis si Gellie sa opisinang iyon. Hindi naman siya tinanggal sa trabaho ni Kristine pero siya na mismo ang kusang nag-resign at humanap na lang ng ibang mapapasukan.
Ipinakita sa kwento na huwag basta basta mangmamaliit ng kapwa kung ayaw na sa sarili bumalik ang karma.