Masayang Binati ng Babae ang Kaniyang Mister Dahil Anibersaryo Nila; Matinding Kalungkutan Pala ang Kasunod Niyon
Nang tumunog ang alarm ng orasan ay napabalikwas pa sa higaan si Rhoroda. Nang sumilip siya sa bintana ay tirik na ang araw. Maya maya’y may bigla siyang naalala…
“Oo nga pala, espesyal ang araw na ito,” bulong niya sa sarili.
Ipinagdiriwang sa araw na iyon ang anibersaryo nila ng kaniyang asawang si Rudel. Dali-dali siyang bumangon at nagtungo sa kusina. Inilabas niya sa refrigerator ang tatlong pirasong itlog at longganisa. Isinangag niya ang natirang kanin kinagabihan, ipaghahanda niya ng almusal ang mister. Paborito kasi nitong kinakain sa almusal ang pritong itlog, sinangang at longganisa. Simpleng lalaki lang ang asawa niya, walang bisyo, kahit kailan ay hindi naging sakit sa kaniyang ulo at higit sa lahat, madaling magpatawad kaya nga siguro minahal niya ito.
Sa kabila ng lahat ng kahinaan niya, tinanggap pa rin siya ni Rudel. Bakit kamo? Aba, hindi naman sa pagyayabang, napakaganda niyang babae, seksi siya, may malusog na hinaharap at punumpuno ng alindog kaya maraming kalalakihan ang nagkakagusto sa kaniya, maraming tukso. Na hindi niya nagawang tanggihan dahil aminado siya na malandi siya at may itinatagong kakatihan sa katawan. Kapag wala ang asawa niya’y gumagawa siya ng kalokohan.
Sa sobra niyang kalandian kahit kumpare ng mister niya ay hindi niya pinalagpas, nahuli lang siya ni Rudel nang minsang galing ito sa trabaho ay naabutan sila nito na may ginagawang milagro sa loob ng bahay nila. Ang akala nga niya ay iiwan na siya ni Rudel pero hindi, nagpakatatag ito at kinalimutan ang pagtataksil niya, nanatili pa rin ito sa piling niya hanggang siya na mismo ang matauhan at magbago.
Pagkatapos na maihanda ang almusal ay naglakad siya patungo sa sala, napangiti siya nang makita roon ang mister niya na nakaupo sa tumba-tumba sa tabi ng bintana.
“Magandang umaga, mahal ko,” malambing niyang bati rito.
Sinulyapan siya ng lalaki. Kahit halatang may edad na ang mister niya ay hindi pa rin kumukupas ang kaguwapuhan nito at kakisigan kahit na lima na ang anak nila. Hindi pa rin siya makapaniwala na naisip niyang pagtaksilan ito noon.
“Magandang umaga,” bati rin nito sa kaniya.
“Happy anniversary, mahal. Nakalimutan mo yata akong batiin, eh,” aniya saka niyakap ito.
Umiling ang lalaki at napangiti.
“Hindi ko kailanman makakalimutan ‘yan. Happy anniverary mahal ko! Teka, nakalimutan kong maghanda ng almusal, ako dapat ang magluluto eh,” sabi ni Rudel.
“Wala ka nang dapat alalahanin, nakapagluto na ako ng almusal natin. Ipinagluto kita ng paborito mong longsilog,” tugon niya.
“Wow, ang bait naman ng mahal ko. Alam na alam mo talaga ang gusto ko, a!” masayang sabi nito.
“Siyempre naman! Ikaw ang asawa ko kaya alam na alam ko ang lahat ng gusto at ayaw mo. Sinarapan ko talaga ang pagluto niyon dahil espesyal ang araw na ito, dapat espesyal din ang almusal,” aniya.
“Sige, mahal, dahil sa sinabi mo ay natatakam na ako sa inihanda mo. Tamang-tama, nagugutom na ako,” sagot ng mister na akmang tatayo sa kinauupuan.
“O, huwag ka nang umalis diyan! Dadalhin ko na lang dito ang pagkain. Alam ko namang paborito mong lugar dito sa bahay itong bintana at ang pag-upo mo riyan sa tumba-tumba mo kaya dito na lang tayo kakain, ayos ba sa iyo?” tanong niya.
“Oo naman, mas gusto ko nga rito, tanaw natin ang paligid habang kumakain tayo,” sagot ni Rudel.
Nang handa na ang lahat ay sinimulan na niyang humigop ng mainit na kape pero bigla siyang nagtaka dahil nakatitig lang sa kaniya ang mister.
“Uy, kumain ka nang kumain diyan. Alam ko namang mala-Diyosa ang ganda ko pero atupagin mo muna ang pagkain mo bago ako,” biro niya.
Hinawakan ng lalaki ang kaniyang kamay.
“Rhodora, hinding-hindi ako magsasawa na makasama ka sa araw-araw, buwan-buwan, taon-taon o kahit sa habang buhay pa,” sabi nito.
Sa tinuran ng asawa ay hindi napigilan ni Rhodora na mapa-iyak.
“Salamat dahil palagi kang nariyan sa tabi ko sa kabila ng aking mga kamalian at kahinaan,” tugon niya.
Umiling si Rudel.
“Patawarin mo na ang iyong sarili, kalimutan mo na ang nakaraan, kasi ako, napatawad na kita, matagal na,” anito.
“Ano ka ba naman, mahal, kay aga aga ay pinaiiyak mo naman ako, eh,” sambit niya. Pinahid naman ng kaniyang mister ang luhang patuloy na dumadaloy sa mga mata niya.
Nasa ganoon siyang tagpo nang biglang dumating ang panganay niyang anak na si Norman, galing ito sa palengke. Sa lahat ng anak nila ni Rudel ay ito ang hindi na nakapag-asawa at mas piniling alagaan na lamang siya.
“Inay?” nanlaki ang mga matang sabi nito. “Bakit umiiyak na naman po kayo?” nag-aalala pa nitong tanong nang makitang yakap-yakap ng ina ang tumba-tumba habang humahagulgol.
Ipinatong muna ng lalaki ang mga pinamili sa mesa saka inalalayan sa pagtayo ang ina.
“Inay, araw-raw na lang po ba niyong gagawin iyan?” tanong ni Norman.
Maya maya ay napansin ni Rhodora na wala na sa tumba-tumba ang mister niya. Luminga-linga siya sa paligid hanggang sa nasulyapan na niya ang anak.
“S-si Rudel? Nasaan ang tatay mo, anak?” wala sa sariling tanong ni Rhodora sa anak.
“Ho?” nabigla namang sabi nito, may awa sa mga mata.
“Ang tatay mo kako, nasaan? Bigla na lang kasi nawala, eh, nakaupo lang siya rito sa tumba-tumba niya. Kausap ko siya kanina kasi anibersaryo namin ngayon. Ipinagluto ko pa nga siya ng paborito niyang longsilog…p-pero t-teka, nasaan na ‘yung pagkain na inihanda ko sa kaniya?” umiiyak pa ring sabi ng ina.
Hindi na napigilan ng lalaki na mapaiyak sa sitwasyon ng ina. Hinaplos nito ang mukha ng ina.
“Inay, matagal na pong wala si tatay, tatlumpung taon na po ang nakakalipas nang pumanaw siya,” malungkot na sabi nito.
At doon lamang bumalik sa alaala ni Rhodora ang katotohanan, na maraming taon na pala ang nagdaan. Gumising siya isang umaga na puno ng pagsisisi at nais niya na sanang humingi ng tawad kay Rudel. Nais niyang magsimula sila ulit pero isang masamang pangyayari ang sumalubong sa kaniya – naaksidente ang kaniyang mister sa pinagtatrabahuhang construction site, nahulugan ng hollow blocks sa ulo. Sinubukan pang dalhin ng mga kasama sa trabaho ang asawa niya sa ospital pero d*ad on arrival na ito. Pumanaw ang mister niya sa araw pa mismo ng anibersaryo nila bilang mag-asawa kaya kay saklap ng nangyaring iyon. Hindi na siya nakahingi ng tawad sa lahat ng kasalanan niya. Ni hindi niya nasabi kung gaano niya ito kamahal, at kung gaano niya kagustong bumawi rito. Ni hindi man lang nakaramdam ng saya ang mister sa piling niya dahil puro pasakit at sama ng loob na lang ang ibinigay niya rito.
Ang sakit na dala-dala niya sa pagkawala ni Rudel ay araw-araw niyang pinagsisisihan, hanggang ngayong matanda na siya, sitenta y otso anyos na at mag-uulyanin na ay ang mister pa rin ang naiisip niya. Sa utak niya ay ginagawa niya pa rin ang mga ginagawa niya sa kaniyang asawa gaya ng pagluluto ng paborito nitong pagkain habang nakaupo ito sa tumba-tumba na paborito rin nitong upuan at nakatanaw sa bintana. Ang totoo ay sa isip lang niya nangyayari ang lahat ng iyon.
“Rudel, patawad, Rudel. Mahal na mahal kita, patawarin mo ako,” paulit-ulit niyang sabi habang patuloy ang pag-iyak.
Mahigpit na niyakap ni Norman ang ina. Dinamayan niya ang pagdurusa nito.
“Inay, patawarin mo na ang iyong sarili, kalimutan mo na ang nakaraan. Matagal ka nang napatawad ni itay,” sambit ng anak.
Sa tinuran ng anak ay naalala ni Rhodora ang sinabi sa kaniya ng yumaong asawa. Ganoon din kasi ang sabi nito: Patawarin mo na ang iyong sarili, kalimutan mo na ang nakaraan, kasi ako, napatawad na kita, matagal na.
“O, Rudel, salamat, salamat,” bulong ni Rhodora sa sarili. Pagkatapos noon ay unti-unti na siyang nakaramdam ng kapayapaan sa kaniyang puso.
Ipinakita sa kwento na saka pa lang malalaman ang tunay na halaga ng isang tao kapag ito’y nawala na sa atin kaya huwag nating sasaktan ang mga taong nagmamahal sa atin, bigyan sila ng halaga hangga’t kapiling pa natin sila.