
Ginamit Niya ang Katauhan ng Kaibigan sa Pangagantso; Iyak siya Nang Matimbog
“Bess, nasunugan kami…”
Nagulantang si Edna sa ibinungad sa kaniya ng matalik na kaibigang si Lizel matapos niya itong mapagbuksan ng pintuan, bandang alas nueve ng gabi.
“Oh my gosh, bess, ayos lang ba kayo?!” may pag-aalalang tanong naman niya sa kaibigan.
Ngumiti naman si Lizel. “Ayos lang naman, bess. Kaya lang, magpapatago sana ako sandali ng mga importanteng dokumento habang naghahanap kami ng mauupahan. Nariyan ang mga ID ko, birth certificates naming mag-anak, pati na rin ang titulo ng lupa ng mga magulang ko. Bibigyan na lang kita ng pakunsuwelo, bess, basta ingatan mo ito, ha?” saad naman ni Lizel sabay kuha ng limang daang piso sa kaniyang pitaka at iniabot iyon kay Edna. “Huwag mo na lang din isipin ʼyong kulang mo sa akin sa utang mo. Okay na ʼyon, basta ingatan mo lang itong documents. Salamat!”
“O sige, bess. Iingatan ko ʼto,” sagot naman ni Edna pagkatapos ay nagmamadali nang umalis si Lizel.
Napabuga ng hangin si Edna at para siyang nabunutan ng tinik matapos makaalis ni Lizel. Ang buong akala niya kasi ay sisingilin siya nito sa kaniyang utang. Imbes na makaramdam siya ng awa para sa kaibigan ay tila ba natuwa pa siyang ganoon ang nangyari ritoʼt nakalibre na siya sa kaniyang utang.
Sa totoo lang ay iniiwasan na ni Edna si Lizel. Ayaw na niya itong kausapin pa, hindi lang dahil sa utang niya rito, kundi dahil na rin sa inggit na nadarama niya sa tuwing nakikita niya kung gaano na ito kaasensado ngayon kahit na mas mahirap pa ito sa daga noong silaʼy mga bata pa.
Wala namang ginawang masama sa kaniya si Lizel. Sa katunayan ngaʼy palagi pa siya nitong tinutulungan, ngunit hindi niya alam kung bakit ba tila umiinit ang dugo niya sa kaibigan.
Ilang araw nang nasa pangangalaga ni Edna ang mga papeles ni Lizel nang makaisip siya ng kalokohan.
Nagkataon kasing nasira na ang kanilang ref at kailangan na rin ng laptop ng anak niya para sa online class kaya naman… naisipan niyang gamitin ang mga dokumento ni Lizel upang makapangutang ng pera.
Sanay nang nangungutang si Edna sa kung saan-saang pautangan. Lending, five-six, kooperatiba, paluwagan o ano pa maʼy nasubukan na niya ʼyan! Kaya naman mabilis na lang ang naging proseso ng pangungutang niya gamit ang mga dokumento at ang pagkatao ng matalik niyang kaibigang si Lizel na nagtiwala nang lubos sa kaniya at sa kanilang pinagsamahan.
“Wow, mama may bago na tayong ref!” natutuwang pakalpak ng kaniyang anak nang makita ang refrigirator na kaniyang binili gamit ang perang inutang.
Samantalaʼy takang napatitig naman sa kaniya ang walang kaalam-alam na asawa. “Saan ka kumuha ng pambili niyan?” tanong nito sa kaniya.
“Ah, nanalo kasi ako sa sugal. Naka-jackpot kaya, heto, may pera tayo!” pagsisinungaling pa niya rito.
Hindi naman na nagtanong pa ang kaniyang asawa dahil tiwala naman itong nagsasabi siya nang totoo. Tumagal pa nang ganoon ang kaniyang gawain at ginagawang kalokohan. Nakaatikha na siya ng mga gamit dahil nakaligtaan na rin yata ni Lizel ang kaniyang mga dokumento dahil na rin siguro sa iniisip nitong mga problema buhat nang sila ay masunugan.
Ngunit dumating sa punto na isang araw ay bigla na lang kinalampag ni Lizel ang bahay nina Edna dahil nalaman na nito ang kalokohang ginawa ng kaniyang kaibigan gamit ang mga dokumentong pagmamay-ari niya!
“Lumabas ka riyan, Edna! Bakit nagawa mo sa akin ʼto?!”
Galit na galit na nagsisisigaw si Lizel habang isinisiwalat ang ginawa niyang kabulastugan. Halos mangatal naman sa sobrang takot si Edna laloʼt nakita niyang may mga kasamang awtoridad ang dati niyang kaibigan!
Nagulat din ang kaniyang asawa sa mga nalaman nito at nagalit sa kaniya. Ito mismo ang naglabas sa kaniya upang makita siya ng mga pulis.
Hindi akalain ni Edna na hawak na ni Lizel ang lahat ng ebidensya laban sa kaniya. Hindi na siya nakatanggi pa nang tanungin siya ng pulis kung totoo ba ang paratang sa kaniya.
Naglumuhod na lamang si Edna sa harap ni Lizel at nag-iiyak upang patawarin siya nito, ngunit talagang buo na ang loob nitong siyaʼy idemanda.
“Grabe ka! Hindi ko akalaing magagawa mo ang ganoon kasamang bagay sa taong tumutulong sa atin noon pa!” galit na turan ng kaniyang asawa nang dalawin siya nito sa bilangguan matapos niyang maposasan ng mga pulis.
“P-patawarin nʼyo ako…” ngunit muliʼy hiling niya.
“Hindi na! Sarili mo lang ang iniisip mo. Hindi ka makuntento sa buhay natin kaya ganiyan ang ginawa mo! Hindi mo na inisip ang kahihiyan ng anak natin!”
Galit siyang iniwan ng kaniyang asawa at labis-labis naman ang pagsisisi ni Edna.
Kung maibabalik niya lang ang panahon ay hinding-hindi na niya sisirain ang tiwala ng mga taong mahalaga sa kaniya.