Tinawag na Walang Galang ng Matanda ang Batang Nangatuwiran sa Kaniya; Hindi na Yata Tama

“Hoy, Carla!” Tinawag ng matandang si Manang Felly ang apo niya sa pamangking si Carla.

“Po, lola?” magalang namang tanong ng bata nang itoʼy makalapit sa kaniya.

“Ikaw, lumalandi ka nang bata ka. Bakit kasama mo ang mga kaeskuwela mong lalaki?” biglaʼy galit na tanong naman ng matanda kay Carla na agad namang ikinabigla ng disi siyete anyos na dalagita.

“Naku, la, hindi po! May project lang po kasi kaming tinatapos,” paliwanag naman ni Carla.

“Kow, project, project. Dahilan mo lang ʼyan, e. Ikaw, e gusto mo lamang magpabuntis nang maaga. Gagaya ka pa sa iyong ina!” muling hirit pa ng kaniyang lola.

Tila naman nagpantig ang tainga ng dalagita sa narinig. Oo nga’t may katotohanan ang sinabi nitong maagang nabuntis ang kaniyang mama pero pinalaki naman sila nitong maayos at puno ng pangaral!

“Okay lang ho. Si mama naman po, mabuting ina at hindi lasenggera,” hindi napigilang sagot ng dalaga sa matanda.

“Aba’t bastos kang bata ka, ah! Ganiyan ba ang itinuturo sa ’yo ng magulang mo? Wala kang modo!” nanggagalaiti namang sagot ng matanda kahit ang totoo ay siya naman ang naunang mang-insulto.

Advertisement

Tatalikuran na sana ito ni Carla at hindi na papansinin pa, ngunit bigla nitong hinablot ang kaniyang buhok at pinagsasampal pa! Ganoon na lang ang gulat ng mga nakakita sa nangyari!

Ipinatawag sa baranggay ang magkabilang partido. Humahangos namang pumunta roon ang ina ni Carla na siyang pamangkin din ni Aling Felly.

“Anak, ano bang nanggyayari?” bakas ang pag-aalala sa tinig ng ina, pati na rin sa ekspresyon ng mukha nito.

“Mama, si lola po ang unang nang-insulto sa akin. Paano’y lasing na naman siya. Bigla na lang akong pinag-initan nang makita niya ako!” sumbong naman ni Carla na ngayon ay gulo-gulo pa rin ang buhok at bakas pa rin ang nangyaring gulo.

“Sana hindi mo na lang siya sinagot, anak,” malungkot naman ang tinig na saad ng kaniyang ina ngunit napailing si Carla.

“Mama, hindi po porque mas matanda siya sa akin ay nasa kaniya na ang lahat ng karapatan para insultuhin tayo’t ipahiya sa harap ng maraming tao. Kasama ko po ang mga kaklase ko nang tawagin niya akong malandi kahit na nagpaliwanag naman na ako na gagawa ako ng project sa school,” paliwanag naman ni Carla na naninindigan sa kaniyang katuwiran.

Nagsimula na silang kausapin ng kanilang kapitan.

“Narito tayong lahat ngayon upang pag-usapan ang problema n’yong maglola. Umaasa akong mareresolba natin ito nang matiwasay,” panimula ng kapitan.

Advertisement

“Ngayon ho, Aling Felly, bakit ho ninyo sinaktan ang inyong apo?” baling ng kapitan sa matandang ngayon ay nakaarko ang isang kilay at masama ang tingin sa mag-ina.

“Aba’y binastos ako, eh! Sa tanda ko na ba namang ito, sasagutin pa ako nang batang ’yan! Napakawalang modo!” sagot naman ng matanda.

“Ikaw naman, hija, bakit naman sinagot mo ang lola mo?” Ngayon ay si Carla naman ang tinanong ng kapitan.

“Kap, hindi ko po siya sinagot. Nangatuwiran lang po ako sa maling mga paratang niya sa akin. Dumaan lang po kami ng mga kaklase ko sa tapat niya nang bigla niya akong sabihan ng kung anu-ano. Marami po ang nakakita. Pati po ang nanay ko’y iniinsulto niya kahit wala naman po kaming ginagawang masama sa kaniya,” mahaba ngunit magalang namang pangangatuwiran ni Carla sa opisyal ng baranggay.

Napailing ang Kapitan at muling binalingan ang matanda.

“Alam n’yo ho bang maaari kayong makulong dahil sa pananakit n’yo sa menor de edad?” tanong nito na tila nakapagpasindak sa matanda.

“K-kung ganoon, eh, kakasuhan ko rin silang mag-ina!” sagot naman ng ayaw patalong matanda.

“Paano ninyong kakasuhan, e, wala naman ho silang ginagawang masama sa inyo?” biglang singit ni Kap.

Advertisement

“Matanda na ako, kap, wala silang karapatan na sagut-sagutin lang ako nang ganon! Hindi ho ba dapat ay intindihin nila ako? Matanda na ho ako, hindi ko na ho alam ang ginagawa ko minsan!” Hindi na magkandatuto sa kabibigay ng maling pahayag si Manang Felly.

“Opo, matanda na ho kayo, pero hindi naman dahil doon kaya kayo nakakagawa ng mali, eh. Dahil ho iyon sa pag-inom n’yo ng alak. Isa pa ho, hindi naman po natin maaaring basta na lang hingiin ang respeto ng ibang tao. Ipakita ho muna ninyo na karespe-respeto kayo bago kayo manghingi niyan sa apo ninyo.”

Bakas na ang pagkadismaya sa mukha ng kapitan. Sina Carla naman at ang kaniyang ina’y nakikinig lang, habang si Manang Felly ay ayaw pa ring magpaawat sa pagbubunganga. Dahil doon ay nagpasiya na lamang ang mag-ina na ituloy ang kaso nila laban dito, hanggang sa ito’y magtanda.