Angas-angasan ang Binata sa Kanilang Lugar; Pahiya Siya nang Siya’y Hagarin ng Aso

Naparaan lamang si Jake sa harapan ng kabaranggay nilang si Pj nang tawagin siya nito.

“Hoy, lampa, saan ka pupunta?” maangas na tanong nito sa kaniya na para bang hinahamon siya nito ng away kahit na hindi naman niya ito inaano.

“U-uuwi na ak-ko,” sagot naman ni Jake.

Si Jake ay may kapansanan kaya naman utal-utal siya kung magsalita. Ngunit sa kabila ng pagiging mahina ng kaniyang katawan ay siya namang lakas ng kaniyang pag-iisip. Matalinong binata si Jake at isa sa top students ng kanilang school. Bukod doon ay kilalang magalang din itoʼt mabait.

Habang si Pj naman ay kaniyang kabaliktaran. Isa itong tambay na mas piniling huminto sa pag-aaral at mag-angas-angasan na lang sa kanilang lugar. Kilala itong basagulero, lalo na kapag kasama nito ang kaniyang mga tropa at hilig nilang pag-trip-an ang mga katulad ni Jake na alam nilang wala namang kalaban-laban sa kanila.

“Bakit uuwi ka na agad? Hindi ka man lang ba makikipagkuwentuhan muna sa amin?” nakangising tanong pa ni PJ sa kawawang si Jake. Nakipag high-five pa siya sa kaniyang mga katropang katulad niyaʼy mga patpatin din naman.

Gusgusin ang kanilang mga hitsura. Ang iba pa sa kanilaʼy walang damit pang-itaas at ihinahayang sa madla ang buto-buto nilang katawan.

“A-ayoko… hahanap-pin ako ng mama k-ko, eh,” utal pa ring sagot ni Jake na sa tuwing kakabahan ay mas lalong lumalala ang pagkautal.

Advertisement

“Ah, ganon? Ayaw mong makipagkuwentuhan sa amin? Bakit? Papalag ka na ba?” muliʼy nag-aangas na namang sabi ni Pj sa kausap. Hindi sumagot si Jake kaya naman bigla niya na lang itong binigwasan.

Ngunit nagulat sila nang mabilis na nagtatakbo ang binataʼt nagtago sa bakanteng lote dahil sa takot.

“Akala mo hindi ka namin maaabutan, ha?” humahalakhak pang sigaw ni Pj habang hinahabol si Jake na noon ay madapa-dapa namang tumatakbo pa rin.

“Ayoko n-na, P-Pj! Tigil-lan nʼyo na ak-ko!” hiyaw ng kawawang binatilyo sa mga humahabol sa kaniya ngunit nananatili sa likod niya si Pj. Gusto talaga siya nitong pag-trip-an kahit pa nagsitigil na ang mga kasamahan nito.

Hanggang sa hindi na kinaya pa ni Jake at natumba na siya sa lupa.

Malapit na siyang abutan ni Pj nang bigla na lang silang makarinig ng mga tahol ng aso!

Nakawala pala ang alagang bull dog ni Jake at nakita nito ang ginagawang pang-aapi ni Pj sa kaniyang amo!

Nanggagalaiting bumuwelo ang bull dog na alaga ni Jake upang dambahin si Pj nang makita ito nang maangas na siga!

Advertisement

Napahiyaw ito sa takot nang makita kung gaano kalaki ang asong gustong lumapa sa kaniya!

Tatakbo si Pj habang nagsisisigaw at humihingi ng tulong. Hinagad siya nang aso hanggang sa siya ay mapagod!

Ngayon ay tila nabaliktad na ang sitwasyon. Siya naman ang nakararanas ng ginagawa niya sa mga binibiktima niyang mahihina at napagtanto niyang hindi pala talaga iyon nakakatuwa!

Mabilis na mabilis ang tibok ng kaniyang puso nang bigla siyang dambahin ng bull dog na asoʼt pagkakagatin sa kaniyang brasoʼt hita!

“Ayoko na! Ayoko na! Tulong!” nagsisigaw si Pj. Ngunit ang mga taoʼy tila walang naririnig at pinababayaan lamang siya. Paanoʼy halos lahat ng mga itoʼy nagawan niya na ng masama. Maging ang mga kaibigan ni Pj ay hindi siya tinulungan. Nagtatakbo lamang din palayo ang mga ito upang hindi sila makagat din ng aso.

Mabuti na lamang at dumating si Jake at inawat ang alaga niyang bull dog. Ngunit talagang matindi na ang tama noon ni Pj kaya naman nagboluntaryo na lamang din siyang dalhin ito sa ospital kahit pa nga malaki ang kasalanan nito sa kaniya.

Nagtamo ng limang kagat sa binti at braso si Pj. Mayroon din pala siyang tama sa kaniyang isang pisngi ng kaniyang pwetan kaya naman nang makalabas siya ng ospital ay harap-harapan siyang tinatawanan ng kaniyang mga kabarangay.

Samantala, napatunayan namang walang kasalanan at pagpapabaya sa alaga sina Jake, dahil ang bakanteng lote kung saan pumasok nang walang pahintulot si Pj upang siyaʼy pag-trip-an ay pagmamay-ari din naman nila. Kung tutuusin ay doble pa nga sana ang kaso ni Pj sa kaniya. Bullying at trespassing.

Advertisement

Ngunit sadyang mabuti ang kalooban ni Jake. Ayon sa kaniya ay sapat na ang sinapit na sakit ni Pj, pati na rin ang kahihiyang inabot nito bilang parusa. Bukod doon ay nagbigay din sila ng tulong pinansyal sa dating siga para sa pagpapagamot nito.

Lalong tumaas ang paghanga ng nakararami kay Jake habang si Pj naman ay wala nang mukhang maiharap pa. Lubos niyang pinagsisihan ang kaniyang mga ginawang kasalanan at ipinangako sa sariling sisimulan na niyang baguhin ang kaniyang ugali upang magkaroon siya ng magandang kinabukasan katulad ni Jake.

Ang pagiging matapang ay hindi nasusukat sa kung gaano karami ang mga taong nasisindak sa iyo. Nasusukat iyon kung gaano kalakas ang loob nating tumulong sa kapwa, kahit malaki ang kasalanan nito sa iyo.