Inday TrendingInday Trending
Minasama ng Dalaga ang Paalala sa Kaniya ng Kaibigan sa Pagbibigay ng Pera sa Nobyo; Labis ang Pagsisisi Niya sa Hindi Pakikinig Dito

Minasama ng Dalaga ang Paalala sa Kaniya ng Kaibigan sa Pagbibigay ng Pera sa Nobyo; Labis ang Pagsisisi Niya sa Hindi Pakikinig Dito

“Bes, ang dami naman yata niyang pinamili mo. Teka, siguro ay para na naman ‘yan sa pamilya ni Joshua, ano?” sambit ni Claire sa kaniyang kaibigan at kasama sa boarding house na si Almira.

“Hay, nako! Alam mo iba na talaga ang tingin ko diyan sa nobyo mong ‘yan! Pakiramdam ko ay ginagatasan ka na lang niyan at nagpapa-uto ka naman!” dagdag pa ng dalaga.

“Ang sakit mo namang magsalita, bes. Hindi naman! Nakiusap lang siya sa akin na ako na raw muna ang bumili ng pasalubong para sa pamilya niya. Babayaran naman daw niya sa akin sa sweldo. Ayos lang kasi magpapadala rin naman ako sa amin,” tugon naman ni Almira.

“Hindi mo kasi ako masisisi, bes. Sa loob ng isang buwan ay ilang beses bang humiram sa iyo iyang si Joshua at ilang beses ka na ba niyang binayaran? Kaya ang gusto ko ay buksan mo ang mga mata mo sa katotohanan. Baka ginagamit ka na lang niyan!” giit pa ng kaibigan.

“Mabait si Joshua, bes. Alam kong mahal niya ako. Nagkataon lang talaga na medyo nagigipit siya ngayon. Bilang kasintahan niya’y dapat tulungan ko siya,” wika pa ni Almira.

“Bahala ka, basta hindi ako nagkulang sa’yo ng paalala,” saad naman ni Claire.

Dalawang taon palang na magkasintahan itong si Almira at Joshua ngunit hindi na mabilang sa kamay ng dalaga ang ilang beses na panghihiram nito ng pera. Labis naman itong ikinababahala ng kaniyang kaibigang si Claire. Bukod kasi sa hindi na ito nakakaipon pa ay madalas din itong nagigipit.

Malakas ang pakiramdam ni Claire na may hindi tama sa relasyon ng dalawa. Ngunit kahit anong payo nito ay hindi siya pinakinggan ng kaniyang kaibigan. Tila naging bulag na sa pag-ibig itong si Almira.

Isang araw ay muli niyang nakita ang kaibigan na tila aligaga sa pagbibilang ng kaniyang pera.

“Bakit, bes, may problema ba sa inyo? Baka may maitutulong ako,” wika ni Claire sa kaibigan.

“Bes, nakakahiya man pero pwede ba akong makahiram muna sa iyo kahit dalawang libo. Kahit isanla ko na lang itong ATM card ko sa’yo. Kailangang-kailangan ko lang talaga,” tugon naman ng dalaga.

“Para saan ba ito, bes? Mayroon naman akong dalawang libo dito, hiramin mo muna,” saad naman ni Claire.

“‘Yung kapatid daw kasi ni Joshua ay dinala sa ospital, bes. Kailangan daw nila ng pambayad. Walang pa raw pera si Joshua, e,” pahayag ni Almira.

“Joshua na naman! Bakit ikaw ang kailangang maghagilap ng pera para sa kanila? Mas inuuna mo pa ‘yang si Joshua at pamilya niya kaysa sa sarili mo at sa pamilya mo! Saka sigurado ka bang may sakit talaga ang kapatid niyan? Baka mamaya ay gumagawa lang ng kwento ‘yan para makakuha sa’yo ng pera!” sambit muli ni Claire.

“Hindi ngayon ang panahon para pagsabihan mo ako, Claire. Baka mamaya ay nasa bingit na ang buhay ng kapatid ng nobyo ko. Kung hindi mo ako kayang pahiramin ay sabihin mo lang. Pero huwag mo na akong sermunan na parang ikaw ang nanay ko,” saad pa ni Almira.

“Nag-aalala lang ako sa iyo, Almira, dahil kaibigan kita!” sagot ng dalaga.

“Kung kaibigan mo ako, Claire, ay tulungan mo ako sa problema ko. Wala na akong ibang malalapitan pa kung hindi ikaw. Hindi naman maililigtas ng panenermon mo sa akin ang buhay ng kapatid ni Joshua!” naiinis pang wika ni Almira.

Alam ni Claire na hindi na lang basta susuko itong si Almira. Maghahanap at maghahanap ito ng mapagkukunan niya ng perang ibibigay sa kasintahan. Sa pag-aalala na baka kung ano pa ang gawin ng kaibigan ay pinautang na rin ito ni Claire.

Ngunit makalipas lamang ang dalawang araw ay muling umuutang sa kaniya ang kaibigan.

“Kulang pa raw kasi ng tatlong libo. Babayaran naman daw ni Joshua kapag nakaluwag na siya. Baka meron ka pa riyang kahit magkano, bes. Ako na ang magbabayad sa’yo sa katapusan,” pakiusap ni Amira.

“Wala na talaga akong ipauutang sa iyo, bes. Pinadala ko nang lahat sa pamilya ko sa probinsya. Saka hayaan mo namang si Joshua ang gumawa ng paraan para d’yan, bes,” giit ni Claire.

“Gumagawa naman din daw siya ng paraan, bes, kaso nga wala na raw talaga siyang malapitan. Tulungan mo na ako. Baka may alahas ka riyan na pwede munang isanla,” pakiusap ni Almira.

“Bes, naririnig mo ba ‘yang sinasabi mo? Kung meron man akong alahas ay hindi ko ipapahiram sa iyo para lang isangla mo at ibigay mo diyan sa nobyo mo! Tigilan mo na ‘yan! Huwag kang magpabulag sa pagmamahal na sinasabi mo. Malakas ang kutob ko na ginagamit ka lang niyang si Joshua!’ bulyaw ni Claire.

“Bakit ba pinagpipilitan mong ginagamit lang niya ako? Hindi mo ba matanggap na may nobyo ako at nagmamahalan kami? Nasasabi mo lang ‘yan kasi wala kang kasintahan! Ginagawa ko ang lahat ng ito dahil mahal ako ni Joshua at tiwala akong ganun din siya sa akin. Alam kong kung ako naman ang mangailangan ay gagawin din niya ang ginagawa ko!” sambit namang muli ni Almira.

“Kung ayaw mo akong tulungan ay bahala ka! Pero gagawa ako ng paraan!” dagdag pa ng dalaga.

Ngunit kahit kanino ay hindi na makalapit pa itong si Almira. Kaya naisipan niya habang malalim ang gabi ay tingnan ang mga gamit ni Almira at tingnan kung may alahas ito na pwede niyang isangla. Nang makita niya ang kwintas nito ay agad niya itong isinilid sa kaniyang bulsa.

Kinabuksan ay halos baligtarin naman ni Almira ang kaniyang tokador sa paghahanap ng kaniyang kwintas. Agad niyang naisip ang kaibigang si Claire. Ginising niya ito upang komprontahin tungkol sa kaniyang kwintas.

“Pinagbibintangan mo ba ako, Claire?” tanong ni Almira.

“Kahapon ay nariyan lang ang kwintas ko. Ikaw lang naman ang nangangailangan sa ating dalawa. Ibalik mo na ang kwintas ko, Almira, hanggang kaya pa kitang patawarin. Huwag mong sayangin ang matagal na nating pagkakaibigan dahil lamang sa isang lalaki,” pahayag ni Claire.

“Tigilan mo ako, Claire! Hindi ako magnanakaw! Huwag mong isisi sa akin ang kapabayaan mo!” naiinis na tugon muli ng dalaga.

Kahit anong tanggi ni Almira ay malakas ang kutob ni Claire. Kaya nang umalis ang dalaga ay agad niya itong sinundan. Nakita niyang papunta ito sa sanglaan.

Ngunit hindi pa man nakararating si Almira sa sanglaan ay hindi niya sinasadya na makita ang kasintahang si Joshua na naglalakad at may kasamang ibang babae. Magkahawak ang kamay ng mga ito habang binabati ang isang lalaking taga-roon.

Gulat na gulat si Almira sa kaniyang nakita. Agad niyang nilapitan ang lalaking nakausap ni Joshua at tinanong niya ito ng tunay na estado ni Joshua at ng babae.

“Oo, si Joshua nga iyon. Kasama niya ang asawa niyang si Millet. Galing daw sila sa check-up ng asawa niya. Akalain mong kakapanganak lang noong isang taon ay buntis na naman ang misis niya,” paglalahad pa ng lalaki.

Pilit na pinipigilan ni Almira ang kaniyang mga luha. Hindi niya akalain na matagal na pala siyang niloloko ng kaniyang kasintahan.

Tumalikod na lamang siya at naglakad pauwi habang pilit na inuunawa ang mga pangyayari. Mabigat para sa kaniyang dibdib ang lahat ng ito sapagkat inakala niya talagang mahal siya ng kasintahan.

Nagulat siya nang biglang naglakad na lamang sa kaniyang tabi ang kaibigang si Claire.

“Nandito ako para sa’yo. Hayaan mo na ang lalaking iyon, Almira. Hindi naman talaga siya karapat-dapat sa’yo,” sambit ni Claire.

Dito na tuluyang tumulo ang mga kinikimkim na luha ng dalaga. Napayakap na lamang siya sa kaniyang kaibigan.

“Patawarin mo ako, Claire. Hindi ako nakinig sa iyo. Bukod doon ay nagawan pa kita ng masama. Ito na ang kwintas mo. Maiintindihan ko kung ayaw mo na akong maging kaibigan,” pagtangis ng dalaga.

“Kalimutan mo na ang lahat ng iyon, Almira. Magsimula ka na lang muli. Sa pagkakataong ito, sana’y hindi ka na magpaloko pa sa damdamin mo. Sana maunawaan mo rin kung bakit kita pinagsasabihan. Para na kasi kitang kapatid,” saad naman ni Claire.

Labis ang pagsisisi ni Almira sa hindi pakikinig sa kaniyang kaibigan. Nanghihinayang din siya sa lahat ng pera na kaniyang ginastos para sa manlolokong kasintahan.

Humingi ng tawad si Almira kay Claire at pinatawad naman ito ng dalaga. Iniwan na ng dalawa sa nakaraan ang masamang pangyayaring iyon. Muli ay nagbalik ang kanilang masayang pagkakaibigan.

Simula noon ay hindi na nakipag-usap pa o nakipagkita si Almira kay Joshua. Pinutol na rin ng dalaga ang lahat ng koneksyon nito sa dating nobyo. Nagsilbing aral sa kaniya ang mga nangyari upang hindi lamang ang puso niya ang kaniyang protektahan kung hindi ang lahat ng kaniyang pag-aari.

Advertisement