Inday TrendingInday Trending
Iginiit ng Ginang ang Pag-Aasawa ng Anak ng Matandang Mayaman; Ipagpapasalamat pa Niya ang Hindi Pagsunod ng Dalaga

Iginiit ng Ginang ang Pag-Aasawa ng Anak ng Matandang Mayaman; Ipagpapasalamat pa Niya ang Hindi Pagsunod ng Dalaga

“Brenda, ano itong sinasabi sa akin ni Jepoy na nakikipagkita ka na naman daw diyan kay Lando? Hindi ba sinabi ko sa’yo na iwas-iwasan mo ang lalaking iyan dahil wala kang mapapala sa kaniya?!” galit na bungad ni Aling Delia sa kaniyang dalagang anak.

“Ano po ba ang mali sa pakikipagkaibigan ko kay Lando, ‘nay? Mabuti naman po siyang tao at iginagalang niya ako,” tugon naman ng dalaga.

“Tapos ano? Mauuwi iyang pagkakaibigan niyo sa isang relasyon? Tapos ay tutulad ka rin sa ilan nating kapitbahay na basta na lamang nagpabuntis sa kung sino na lang na lalaki? Parang awa mo na, Brenda, ikaw na lang ang pag-asa ng pamilyang ito. Gamitin mo naman ang utak mo. Mahirap na nga tayo, mag-aasawa ka pa ng mas mahirap pa sa atin?” muling bulyaw ng ina.

“Layuan mo ‘yang si Lando kung hindi malilintikan ka talaga sa akin! Ituon mo ang sarili mo kay Roger. Siya ang magbibigay sa atin ng mas maunlad na buhay!” dagdag pa ng ina.

“Diyos ko, inay! Napakatanda na niyang si Roger! Mas matanda pa nga siya sa inyo. Paano niyo naaatim na ipagtulakan ako sa isang lalaking gaya niya?” pagtutol naman ni Brenda.

“Gamitin mo ang utak mo, Brenda. Kapag pinakasalan mo si Roger ay matatapos na ang lahat ng problema natin. Pilitin mong pakitunguhan siya ng maganda para lalo siyang mahulog sa iyo. Sa panahon ngayon ay huwag ka nang umarte! Pera na ang lumalapit sa’yo!” sambit pa muli ni Aling Delia.

Nais mang sumagot pa ni Brenda ay hindi na niya nagawa pa dahil sa labis na galit ng ina.

“Tapos na ang usapang ito, Brenda. Lalayuan mo ‘yang si Lando at ibibigay mo ang sarili mo kay Roger,” dagdag pa ng ina.

Halos mag-iisang taon na rin simula nang ligawan ng matandang negosyanteng si Roger ang dalagang si Brenda. Imbis naman tutulan ito ng kaniyang inang si Aling Delia ay lalo pa niyang pinagtutulakan ang anak na makipagrelasyon sa matanda. Mayaman kasi ito at tiyak siyang kapag nabihag nila si Roger ay tuluy-tuloy ang magiging sustento nila. Matatapos na rin ang hirap na kanilang dinaranas.

Ngunit labis ang pagtanggi ni Brenda sa matanda. Bukod kasi sa binabast*s siya nito’y alam niyang nagustuhan lamang siya ni Roger dahil sa kaniyang kagandahan. Isa pa, may minamahal na itong si Brenda. Walang iba kung hindi ang binatang si Lando.

Lihim sila nitong nagkikita. Hindi man umaamin ng kaniyang tunay na nararamdaman ang binata para kay Brenda ay mayroon na silang pagkakaunawaan.

“Bakit hindi mo na lang kasi sabihin sa nanay mo na hindi mo gustong magpakasal diyan kay Roger?” sambit ni Lando kay Brenda nang sila ay magtagpo.

“Ilang beses ko nang sinasabi iyan sa nanay ko pero matindi ang pagnanais niyang makaalis kami sa kahirapan. Sumasama ang loob ko dahil pakiramdam ko’y ipinamimigay na niya ako,” tugon naman ng dalaga.

“Sabihin na natin na kapag pinakasalan mo siya’y yayaman ka na. Gaano naman kayo kasigurado na iintindihin din niya ang mga magulang mo? Lalo na ikaw? Paano kung hindi pala maging maganda ang trato niya sa iyo pagtagal?” pag-aalala ni Lando.

“Hindi ko na rin alam, Lando. Ang alam ko lang ay hindi ako pwedeng tumanggi sa kagustuhan ng nanay ko. Sa akin kasi nakaatang ang pagbabago ng buhay namin,” naiiyak na sambit ni Brenda.

“Hindi naman ata tama ‘yun, Brenda. Huwag ka nang umiyak at nasasaktan ako kapag nakikita kang ganiyan. Hayaan mo at gagawa tayo ng paraan,” wika ni Lando sabay yakap sa dalaga.

Ngunit habang hinahagkan ni Lando si Brenda ay nakita sila ni Aling Delia. Agad niyang kinaladkad ang dalaga pauwi ng kanilang bahay. Sinundan naman ito ni Lando upang ipagtanggol ang kaibigan.

“Malandi ka talagang babae ka! Hindi ba sinabi ko sa’yo na layuan mo na ‘yang si Lando? Bakit nakikipagyakapan ka pa? Ano na lang ang sasabihin ni Roger kapag siya ang nakakita sa iyo?” sigaw ni Aling Delia sabay sampal sa anak.

“Tama na po, Aling Delia. Wala pong kasalanan si Brenda. Ako po ang pumilit sa kaniya upang makipagkita sa akin! Ako na lang po ang saktan niyo!” awat naman ni Lando.

“Isa ka pa! Layuan mo ang anak ko! Hindi siya mag-aasawa ng maglulupang kagaya mo!” sigaw ni Aling Delia sa binata.

Awang-awa si Lando sa sinasapit ni Brenda sa kamay ng kaniyang ina.

Kinagabihan ay tuluyan nang ipinagtapat ni Lando ang kaniyang tunay na nararamdaman sa dalaga.

“A-ano ang ginagawa mo dito, Lando? Kapag nakita ka ni nanay ay baka kung ano pa ang gawin niya sa atin. Umuwi ka na,” pabulong na sambit ni Brenda.

“Mahal kita, Brenda. Mahal na mahal kita. Sumama ka na sa akin. Ilalayo kita dito. Hindi ko man maibigay ang buhay na kayang ibigay sayo ni Roger ay hindi naman kita sasaktan. Magiging maayos akong kabiyak, ipinapangako ko ‘yan sa iyo,” saad naman ni Lando.

Dahil nga mahal din naman ni Brenda ang binata ay hindi na ito nagdalawang isip pa na sumama. Nakipagtanan siya kay Lando ng gabing iyon. Mula noon ay hindi na sila nakita pa sa kanilang lugar.

Labis naman ang poot na nararamdaman ni Aling Delia dahil sa ginawang ito ng kaniyang anak. Naiinis siya sapagkat hindi natuloy ang kaniyang mga binabalak.

Lumuwas ng Maynila sina Brenda at Lando. Noon lamang naramdaman ni Brenda ang pagiging tunay na malaya. Ngunit hindi pa rin niya maiwasang sumama ang loob sa tuwing naiisip ang mga ginawa sa kaniya ng kaniyang ina.

Hindi man naging madali ang buhay ng dalawa ay patuloy silang nagsikap.

Pinag-aral ni Lando itong si Brenda. Nagtrabaho siya at dahil sa kabutihan ng binata ay nagustuhan ito ng kaniyang amo at pinag-aral din. Hindi naglaon ay parehas silang nakatapos ng pag-aaral at nagkaroon ng magandang trabaho.

Unti-unti na nilang naabot ang kanilang mga pangarap.

Isang araw ay nabalitaan na lamang ni Brenda na nagkasakit ang kaniyang ina. Agad siyang umuwi sa probinsya upang tingnan ang kalagayan ng ina. Ikinalungkot niyang makita itong nanghihina.

“Nay, narito na po ako. Ako na po ang mag-aalaga sa inyo,” saad ni Brenda kay Aling Delia.

Labis naman ang tuwang naramdaman ni Aling Delia sa muling pagbabalik ng anak. Inalagaan siya ni Brenda at maging ni Lando. Dinala siya ng mga ito sa ospital upang masuri nang maayos.

Hiyang-hiya si Aling Delia sa ipinapakita ng mag-asawa. Hindi niya akalain na sa kabila ng lahat ay kabutihan pa pala ang isusukli ng mga ito.

“Akala ko’y hanggang ngayon ay galit ka pa rin sa akin. Patawarin mo ako sa mga nagawa kong masama sa’yo, anak. Nang umalis ka rito ay hinahanap ka sa akin ni Roger, Sinaktan niya ako pati ang kapatid mo. Doon ko napagtanto na kung siya ang mapapangasawa mo’y hindi rin mapapabuti ang kalagayan nating lahat,” iyak ng matanda.

“Patawarin mo ako, anak. Kung pwede ko lang ibalik ang nakaraan ay gagawin ko. Mabawi ko lang ang mga pagdurusa mo sa akin. Hindi ako karapat-dapat sa pagmamahal na ibinibigay mo,” pagtangis pa ni Aling Delia.

“Nanay ko pa rin kayo at anak niyo ako. Hinding-hindi ko po kayo matitiis, nanay, lalo na po sa kalagayan niyo ngayon. Patawarin niyo rin ako kung ngayon lang ako nagpakitang muli. Nais ko kasing pagbalik ko ay mabibigyan ko na kayo ng magandang buhay at maipagmamalaki niyo na ako,” wika naman ng lumuluhang si Brenda.

“Ipinagmamalaki kita, anak. Patawarin mo ako. Patawarin nyo ako ni Lando. Tama ang napili mo, anak. Mabuti na lamang at ipinaglaban mo ang gusto mo,” dagdag pa ng ina.

Mula noon ay naging maayos na ang pagsasama ng mag-ina. Maayos na rin ang pakikitungo ni Aling Delia kay Lando.

Mabuti na lamang at sinunod ni Brenda ang kaniyang puso at sumama kay Lando. Pinatunayan nilang dalawa na tunay na may kahihinatnan ang mga taong lumalaban nang patas at nagsusumikap sa buhay.

Advertisement