
Patuloy ang Panghahamak ng Dalaga sa Katrabahong Probinsyana; Pahiyang-Pahiya Siya sa Muli Nilang Pagkikita
“Sis, nakita mo ba ‘yung bagong salta dito sa opisina? Nakakatawa kung manamit. Jologs na jologs ang dating! Akala ko nga ay may payasong nakapasok dito,” natatawang saad ni Karen sa kaniyang katrabahong si Gretchen.
“Ah, yon bang si Aurora? O ‘di ba? Pangalan pa lang ay tunog walang dating na? Ang sabi sa akin ng ilan taga-probinsya raw ‘yun. Natatawa nga rin ako sa klase ng pananamit niya. Tapos narinig mo na bang magsalita? Grabe sa punto! Nakakatawa talaga!” tugon naman ng dalaga.
“Huwag ka, pareho kayo ng departamento at posisyon. Baka mamaya ay maging kaagaw mo pa ‘yun sa promotion. Baka mukhang mahinhin lang tapos ay nasa loob pala ang kulo,” sambit pa ni Karen.
“Hindi mo ba siya nakita kanina? Itsura palang mukhang tatanga-tanga na. Hindi ako mahihirapan sa isang iyon. Pupusta ako na hindi pa man siya nareregular ay aalis na siya dito sa opisina. Mukhang mahina ang loob niya at hindi tatagal sa ganitong uri ng trabaho,” pagmamalaki pa ni Gretchen.
Tubong probinsya ang bago nilang kasamahan sa trabaho na si Aurora. Unang araw pa lamang nito sa trabaho ay nakatikim na agad ito ng panghahamak at pangungutya dahil sa kaniyang pananamit at paraan ng pagsasalita.
Ngunit hindi ito ininda ng dalaga. Nagpatuloy na lamang siya sa pagtatrabaho at pakikisama sa mga ito.
Isang araw habang abala sa pakikipagkwentuhan si Gretchen sa kaibigang si Karen ay lumapit si Aurora upang magtanong.
“Gritchin, patsik naman kung tama ang ginawa ko sa mga papiles,” wika ni Aurora kay Gretchen.
“Gretchen ang pangalan ko at hindi Gritchin. Sabihin mo nang maayos. Saka huwag ka ngang istorbo at may pinag-uusapan kami. Malaki ka na. Alam mo na dapat kung ano ang ginagawa mo. Bumalik ka na dun sa upuan mo at ikaw na ang mag double check niyan! Tsek at hindi tsik!” tumatawang sambit ni Gretchen.
Napayuko na lamang si Aurora habang pabalik sa kaniyang mesa.
Nang hapong ding iyon ay labis ang inis ni Gretchen kay Aurora nang ipatawag siya ng kanilang manager.
“Ano na naman itong ginawa mo, Aurora? Napakasimpleng bagay, hindi mo pa magawa nang ayos. Ako tuloy ang nakakagalitan. Ang akala ay hindi kita tinuturuan! Ulitin mo nga itong report!” naiinis sa bulyaw ng dalaga.
“Pasinsya ka na. Kanina’y tinatanong kasi kita –” magpapaliwanag sana si Aurora ngunit binara na agad siya ni Gretchen.
“Boba ka talaga! Dapat sa iyo ay bumalik na sa probinsyang pinanggalingan mo! Tandaan mo, Aurora, isang mali mo pa ay humanda ka talaga sa akin. Hindi magiging madali ang buhay mo dito sa opisina,” pananakot pa ni Gretchen.
Kahit na nasasaktan itong si Aurora ay tinitiis na lamang niya ang panghahamak na ginagawa sa kaniya ng mga katrabaho. Lalo na ang pang-aalipusta sa kaniya ni Gretchen.
“Sis, parang sobra naman ata ang ginagawa mo kay Aurora. Baka naman ikaw ang mapahamak sa ginagawa mo. Baka makarating ‘yan sa pamunuan,” saad ni Karen.
“Hindi ‘yan! Takot lang niya sa akin. Saka ang gusto ko lang naman ay umalis na dito ang babaeng iyan kasi sakit ng ulo! Nakakairita pa ang mga ginagawa at sinusuot, lalo kapag nagsalita!” pahayag pa ni Gretchen.
Hanggang sa isang araw ay bigla na lamang hindi pumasok si Aurora. Labis itong pinagtak’han ng magkaibigan.
“Anong nangyari kaya kay Aurora?” tanong ni Karen.“Aba’y malay ko! Yaya ba ako nung probinsyanang ‘yun? Mabuti nga at huwag na talaga siyang pumasok dahil sakit siya sa ulo. Hindi na masisira ang araw ko!” wika pa ni Gretchen.
Napag-alaman nila na nagpasa na ng resignation letter itong si Aurora. Tuwang-tuwa naman si Gretchen dahil wala na rin siyang kaagaw sa promotion.
Tulad ng inaasahan ay nakuha ni Gretchen ang inaasam-asam niyang promotion.
“May meeting daw kami mamaya kasama ‘yung mga ibang investor dito sa kompanya. Ito na talaga ang simula ng lahat ng pinapangarap ko. Sa wakas ay hindi na ako basta empleyado na lang. Gagawin ko ang lahat para magustuhan ako ng mga boss,” saad ni Gretchen kay Karen.
Labis ang paghahandang ginawa niya. Nang makarating siya sa silid kung saan gaganapin ang naturang meeting ay laking gulat niya nang makita si Aurora doon.
“Alam kong magkakilala na kayo ni Ms. Aurora. Dati natin siyang tauhan dito. Pero malaki ang pasasalamat natin sa kaniya dahil siya ang nagsalba nitong kompanya sa pagkalugi,” saad ng may-ari ng kompanya.
Doon nalaman ni Gretchen na anak pala ng isa sa pinakamayaman sa probinsya nila itong si Aurora. Tagapagmana ito ng ekta-ektaryang lupain at mayroon din silang maraming negosyo. Naglayas lamang ito sa kanila dahil nagkaalitan sila ng kaniyang ama. Napilitang pumunta ng Maynila upang patunayan na kaya niyang mabuhay na wala ang mga magulang. Nang magkabati si Aurora at kaniyang ama ay agad itong bumalik sa kanilang mansyon.
“Malaki ang utang na loob ko sa kumpanyang ito. Kaya nang mabalitaan kong palubog na ito’y sinabi ko sa papa ko at agad siyang naglabas ng pera para sagipin ito mula sa pagkalugi. Ngayong isa na ako sa may-ari nito ay sinisigurado kong mapupunuan ko ang kompanya nang maayos. Uumpisahan ko ang pagtuturo ng tamang asal sa mga empleyado natin,” saad ni Aurora sa lahat.
Napalunok na lamang si Gretchen. Alam niyang sa puntong iyon ay siya ang pinapahagingan ng dalaga.
Mula noon ay hindi naging madali para kay Gretchen ang kaniyang pagtatrabaho sa opisina. Laging pinapansin ni Aurora ang kaniyang mga gawa. Pinaramdam ng ngayong amo nang si Aurora ang lahat ng ginagawa sa kaniya ni Gretchen.
Nang hindi na ito kayanin pa ni Gretchen ay tuluyan na rin itong umalis sa kompanyang iyon.
Samantala, sa pamumuno ni Aurora sa naturang kompanya ay tuluyan na itong nasagip sa pagkalugi. Hinikayat niya ang lahat ng empleyado na umpisahan sa kanilang sarili ang tamang pakikitungo sa kanilang kapwa. Dahil dito ay lalong umunlad ang kompanyang kaniyang pinamumunuan. Nakilala si Aurora bilang isang magaling at pinakabatang boss sa kaniyang larangan.