
Nagsinungaling ang Ginang Upang Makahingi ng Pera sa Anak na OFW; Bandang Huli’y Nagkatotoo ang mga Kalokohan Niya
“Anak, kailan ka ba ulit magpapadala ng pera sa akin? Ang daming gastusin kasi dito sa bahay. Hindi pa ako makabayad ng mga bayarin. Ito pang kapatid mo, may kailangan din daw bayaran sa eskwela. Pasensiya ka na at ayoko namang mangutang dito baka kung ano pa ang sabihin ng kapitbahay,” wika ni Marites sa kaniyang anak na si Ryan.
“Paanong nangyari ‘yun, ‘nay? Hindi po ba kakapadala ko lang po sa inyo?” pagtataka ng binata.
“Naaalala mo ba ‘yung sinabi ko sa’yong ipapagawa sa bubong? Inuna ko na muna ‘yun baka kasi biglang bumagyo. Kaya magpadala ka na sa akin, anak. Hindi ko na alam kung saan ako kukuha ng pera, e,” saad pa ng ginang.
“Sige po, ‘nay. Hahanap lang ako ng paraan at magpapadala po ako kaagad sa inyo para hindi na kayo mahirapan pa,” tugon naman ni Ryan.
Limang taon na si Ryan sa pagtatrabaho sa ibang bansa bilang isang barista. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakakapag-ipon. Ipinapadala kasi niya ang lahat ng kaniyang kita sa kaniyang ina sa Pilipinas. Siya rin ang nagpapaaral sa kaniyang kapatid. Bilang wala na ang kaniyang ama ay si Ryan na ang tumayo bilang padre de pamilya.
Nangutang lamang si Ryan sa kaniyang kasamahan para ipadala sa kaniyang ina upang hindi na ito mag-abala pang humanap ng pera. Ang hindi alam ni Ryan ay nalululong sa mahjong itong si Aling Marites. Ang lahat ng kaniyang ipinapadala ay inuubos ng ginang sa kaniyang pagsusugal.
“Tara, mga kumare, at magmahjong! Nagpadala na ulit ang anak ko. Hindi talaga ako matitiis nun, e. Kahit malakasang laban ay handa ako riyan!” pagmamalaki pa ni Aling Marites.
“Malaki na naman ang ipapatalo mo niyan, Marites! Maswerte ka talaga diyan sa anak mong si Ryan dahil isang salita mo lamang ay bigay agad. Hindi tulad ng anak ko!” sambit naman ng kalaro ng ginang.
Kinagabihan ay umuwing talunan itong si Aling Marites. Sinalubong siya agad ng isa pa niyang anak na si Joseph.
“Nagsugal na naman kayo, ‘nay! Alam ba ni kuya ‘yang ginagawa niyo?” sita ng binata.
“Huwag mo nga akong pinakikialaman. Kung ano man ang gusto kong gawin sa padala ng kuya mo ay wala ka nang kinalaman dun! Atupagin mo ‘yang pag-aaral mo!” sambit pa ng ina.
“Tumabi ka nga riyan. Pagtimpla mo ako ng kape dahil mainit ang ulo ko! Talo na naman ako! Malas talaga itong araw na ito!” dagdag pa ng ginang.
Patuloy sa pagsusugal itong si Aling Marites. Kapag natatalo ay agad siyang hihingi sa kaniyang anak. Napansin naman na ni Ryan ang palagiang paghingi ng ina kaya agad niya itong kinumpronta.
“Nanay, baka akala niyo ay madaling kumita ng pera rito? Hindi ko naman sinabi na huwag kayong manghingi sa akin. Ang sinasabi ko lang ay baka pwede po kayong magtipid. Nagkakautang na po kasi ako sa mga kasamahan ko rito. Nakakahiya rin sa kanila dahil mayroon din silang pamilyang kailangan padalhan,” saad ng ina.
Dahil dito ay hindi na nagpadala pa si Ryan. Umisip naman ng paraan si Aling Marites upang hindi matigil ang pagpapadala ng anak at mapagbigyan ang kaniyang bisyong pagsusugal.
“Nagpadoktor kasi ako, anak. Noong isang araw kasi ay bigla na lamang akong hinimat@y. Ang sabi ng doktor ay may mga kailangan daw akong inuming gamot. Kapag hindi raw tuloy-tuloy ang pag-inom ko ng gamot ay baka ma-istroke ako. Nang makita ko naman kung gaano kamahal ay parang aatakihin ako sa puso,” wika ni Aling Marites kay Ryan.
Nahabag si Ryan sa kaniyang ina.
“Huwag niyo na pong intindihin ‘yan, ‘nay, at baka mapano pa kayo lalo. Gagawan ko po ng paaran upang hindi matigil ang pag-inom niyo ng gamot,” pag-aalala ng binata.
Upang suportahan ang pagpapagamot ng kaniyang ina ay humanap pa ng isang trabaho itong si Ryan. Kahit na pagod na pagod na siya ay pilit siyang umeekstra sa paglilinis ng bahay ng iba upang kumita at kahit paano ay may maipandagdag sa kaniyang ipapadala.
Samantala, habang nagpapakapagod ang binata ay tuwang-tuwa naman si Aling Marites dahil wala nang makakahadlang pa sa kaniyang pagsusugal.
“‘Nay, gumawa pa kayo ng sakit kay Kuya Ryan para lang makapagsugal. Kapag nalaman niya iyan ay magagalit talaga iyan sa inyo!” saad pa ni Joseph sa ina.
“Huwag kang makialam. Tingnan mo nga, nang malaman niyang may sakit ako’y magpapadala agad. Hirap din kasing hingan niyang kuya mo! Napakadamot! Kulang pa ang lahat ng ipinapadala niya sa hirap ko sa inyong magkapatid. Kung hindi rin naman dahil sa akin ay hindi makakapagtrabaho ‘yang kuya mo sa ibang bansa. Itikom mo ang bibig mo at bibigyan na lang kita!” pahayag ni Aling Marites.
Dahil nakikinabang din si Joseph ay hindi na niya pinigilan pa ang pagsisinungaling ng kaniyang ina. Naging kasangga pa ito ni Aling Marites para lalong humingi kay Ryan.
Walang ginawa itong si Aling Marites kung hindi tumambay buong araw sa sugalan. Madalas itong mapuyat at nalilipasan na rin ito ng gutom dahil sa pagkalulong sa sugal.
Isang araw, habang nasa sugalan ay biglang nahilo si Aling Marites. Nakakaramdam na rin ito ng pananakit ng dibdib ngunit hindi niya ito pinansin. Nagpatuloy siya sa paglalaro hanggang sa nanigas na ang mga daliri nito at namamanhid na rin ang ilang parte ng kaniyang mukha.
Tuluyang bumagsak at nawalan na nga ng malay ang ginang.
Nagising na lamang siya na nasa ospital na at hindi na maikilos ang kanang bahagi ng kaniyang katawan.
“Na-istroke ang nanay mo. P@t@y na ang kalahating katawan niya. Hindi na rin siya makakatayo pa at makakakain kaya kinailangan siyang tubuhan para doon padaanin ang pagkain. Hindi maganda ang kaniyang kalagayan. Kung hindi pa ito maagapan ay baka tuluyan nang bumigay ang katawan niya,” pahayag ng doktor kay Joseph.
Agad niya itong sinabi sa kaniyang kuya. Ngunit dahil sa nangyaring ito ay nakarating na rin ang balitang inatake ang kaniyang ina habang nasa sugalan.
“Ano ang gagawin ko ngayon, Joseph? Baon na rin ako sa utang dito sa ibang bansa dahil sa palaging paghingi ni nanay sa akin. Ang buong akala ko nama’y may sakit talaga siya. Bakit hindi mo sinabi sa akin ang totoo?” saad ni Ryan sa kapatid.
Hindi na nakapagsalita pa si Joseph. Nahihiya na rin siya sa nagawa nilang mag-ina sa kaniyang Kuya Ryan. Wala namang magawa pa si Ryan kung hindi ipagpatuloy ang pagsuporta sa kaniyang ina.
Hindi man makapagsalita ay labis ang pagsisisi ni Aling Marites sa kaniyang pagpapanggap. Ngayon ay nagkatotoo na kasi ang gawa-gawa lamang niyang sakit.
Hindi na bumuti pa ang kalagayan ni Aling Marites. Nakaratay na lamang siya sa higaan at tuluyan nang naging alagain.
Hindi maiwasan ni Aling Marites ang maiyak dahil sa nangyari sa kaniya. Huli na kasi ang lahat para sa kaniyang pagsisisi. Kung maibabalik lang niya ang panahon ay itatama na niya ang kaniyang mga nagawang mali.