
Inggit ang Namayani sa Dalagang Ito Para sa Kaniyang Step Sister Simula Noong mga Bata Pa Lamang Sila; Ano ang Kaya Niyang Gawin Upang Pasakitan Ito?
Bata pa lamang, inggit na inggit na si Laura sa kaniyang step sister na si Abigail.
Hindi niya tunay na kadugo si Abigail dahil una pa lamang, ipinabatid na sa kaniya ng amang si Nestor na ipinaampon lamang siya noon. Nang mawala sa daigdig ang asawa ni Nestor na siyang kinilala niyang ama, muli itong nag-asawa, ang kaniyang Tita Celeste, at biniyayaan sila ng anak. Ito nga ay si Abigail.
Pakiramdam ni Laura, wala siyang lugar sa pamilyang iyon. Hindi siya kadugo. Pakiramdam niya, kahit anong gawin niya, hinding-hindi niya mapapantayan ang natatanging pagmamahal nina Celeste at Nestor para kay Abigail. Sino nga ba ang magmamahal sa isang gaya niyang hindi naman laman at dugo?
Simula pagkabata, wala nang hinangad si Laura kundi makuha ang atensyon nina Celeste at Nestor. Ginawa niya ang lahat upang mas mapasaya niya ang mga ito. Ginalingan niya sa paaralan at tinalbugan si Abigail. Kaya lang, laging first honor si Abigail. Paano naman niya mahihigitan iyon? Madalas ay third o second honor naman siya paaralan.
“Hindi puwede ito… kailangang maipakita ko kina Daddy at Mommy Celeste na worth it din akong maging anak.”
Laging ganoon ang kinasayan ni Laura. Gutom siya sa atensyon. Ayaw niyang maramdamang hindi siya kabilang sa pamilya dahil hindi siya tunay na anak ni Nestor. Magmula sa mga laruan, damit, at mamahaling mga gadget, tinitiyak ni Laura na mayroon din siya.
Dahil mahilig si Abigail sa pagpipinta, tinapatan din ito ni Laura. Subalit hindi siya marunong sa pagpipinta, ni hindi nga siya marunong gumuhit.
“Kailangang mapantayan ko ito,” naisaloob ni Laura.
Kaya ang ginawa niya, humanap siya ng isang kakilalang mahusay magpinta. Ito ang nagpipinta para sa kaniya, at ito naman ang ipinakikita niya kina Celeste at Nestor.
“Ang galing naman, Laura! Good job!” nakangiting papuri ni Celeste.
“Thank you po, Mommy,” sasabihin ni Laura.
“Magkasinggaling talaga kayo ng kapatid mong si Abigail. Sa susunod, kailangang turuan ninyo kami kung paano ginagawa ‘yan.”
Kapag ganoong naisasama na ang pangalan ni Abigail, nawawala ang ngiti at kasiyahan sa puso ni Laura at napapalitan ito ng inggit at galit, dahil lagi na lamang ikinakabit ang kaniyang pangalan sa “hilaw” na step sister.
Iyan ang dala-dalang ugali ni Laura hanggang sa kaniyang paglaki. Wala na siyang ginawa kundi bantayan ang mga galaw ni Abigail, upang makaisip nang paraan kung paano ito tatapatan o hihigitan.
Matuling lumipas ang panahon. Dalaga na sila.
“Mom, Dad… I want you to meet Ernest. My boyfriend. Ernest, my Mom, Dad. Magkakilala na kayo ni Laura, right?”
Magalang na nagmano si Ernest kina Nestor at Celeste at nakipagkamay naman kay Laura. Nakaramdam na naman ng inggit si Laura dahil guwapo at nagmula sa may sinasabing pamilya ang kasintahan ni Abigail. Unang nagkakilala sina Laura at Ernest sa isang event na dinaluhan nilang magpamilya, ngunit ang napansin ni Ernest ay si Abigail.
Palihim niyang pinagmamasdan ang bawat galaw ni Ernest. Labis na nakaramdam ng inggit at selos si Laura dahil pakiramdam niya, nalamangan na naman siya ni Abigail. Pakiramdam niya, inahas ni Abigail si Ernest. Nauna siya kay Ernest, nauna siya nitong makilala, at hindi ito matanggap ni Laura.
Isang balak ang nabuo sa isipan ni Laura. Kailangan niyang makaganti kay Abigail. Kailangan niyang maagaw si Ernest. Gagawin niya ang lahat upang matiyak na mapapasa-kaniya ang binata.
Dahil alam ni Laura kung saan nakatira si Ernest, sinadya niya ito isang araw ng Sabado. Takang-taka naman si Ernest kung bakit biglang napasugod sa kaniyang bahay si Laura. May dala-dala itong alak.
“Gusto ko lang makilatis kung karapat-dapat ka para sa kapatid ko. Bonding,” pasimpleng sabi ni Laura.
Bagama’t nagtataka pa rin, pumayag at nagpaunlak naman si Ernest. Nag-inuman sila, kuwentuhan. Hanggang sa hindi na nila namalayang pitong basyong bote ng alak ang nakonsumo na nila. Lasing na lasing na si Ernest. At iyon na ang sinamantala ni Laura. Sinunggaban niya ng halik sa labi si Ernest.
Noong una ay tumanggi si Ernest ngunit dulot na rin ng kalasingan at pagka-wild ni Laura, nagpatianod na rin ito.
Kinabukasan, laking gulat ni Ernest nang makitang katabi niya sa sahig ng kaniyang condo si Abigail, at pareho silang hubo’t hubad.
“Pareho nating ginusto ito, Ernest…” saad ni Laura.
“Huwag mong sabihin kay Abigail, please… baka hiwalayan niya ako. It was just an accident, one night stand!” pagsusumamo ni Ernest.
“Sige… payag ako pero may kondisyon…” saad ni Laura.
“Ano?”
“Itatago ko ang nangyari sa atin ngayon, pero kailangang hindi matatapos dito ang lahat. I mean, gagawin pa rin natin ito, lalo na kapag gusto ko…”
Pumayag naman si Ernest sa kondisyong sinabi ni Laura. Kaya madalas, nagtutungo si Laura sa tinutuluyan ni Ernest upang makip@gtal*k. Wala namang magawa si Ernest kundi ang pagbigyan ito. Takot na takot siyang mawala sa kaniyang buhay si Abigail.
Hanggang sa hindi inaasahang anunsyo ang isiniwalat ni Laura sa kaniyang pamilya, lalo na sa harapan ni Abigail.
“I’m pregnant, at ang ama ay si Ernest. Sorry Abigail, nagmamahalan kami ni Ernest.”
Galit na galit sina Nestor at Celeste kay Ernest. Una, dahil nagawa nitong lokohin si Abigail. Pangalawa, dahil ang napili nitong buntisin ay ang mismong step sister nito.
Lalo namang nagkaroon ng lamat sa pagitan nina Laura at Abigail dahil sa mga nangyari.
Hindi nila alam, planado ito ni Laura. Nagbanta sina Nestor at Celeste na kakasuhan nila si Ernest kapag hindi nito pinanagutan ang pagbubuntis ni Laura. Sa ayaw man niya o sa hindi, walang nagawa si Ernest kundi pakasalan si Laura, kahit si Abigail ang nilalaman ng kaniyang puso, ngunit hiniwalayan na siya nito.
Araw ng kasal. Malungkot si Ernest na nakaabang sa altar subalit masayang-masaya naman si Laura. Tagumpay ang kaniyang balak. Nakuha niya ang taong nagpapasaya kay Abigail.
Habang naglalakad patungo sa altar, nagkamali siya ng paghakbang. Natapakan niya ang mahabang gown, na naging dahilan upang madapa siya. Nagulat ang lahat. Agad siyang dinaluhan ng mga mga panauhing nakaupo, malapit sa kaniyang pinagbagsakan.
“Ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong ng matanda.
“Ayos lang ako…” nangingiwing sabi ni Laura. May nararamdaman siyang kirot sa kaniyang sinapupunan, at pakiramdam niya ay may umaagos na mainit na likido. Hindi niya pinansin. Ipinagpatuloy niya ang paglalakad hanggang sa makarating kay Ernest.
Ngunit nagdilim na ang lahat sa kaniya. Nawalan siya ng malay. Huling mga pahayag na narinig niya ay “May dugo! May dugo!”
Pagdilat ng kaniyang mga mata, nasa ospital si Laura.
“I’m sorry misis… wala na po ang dinadala ninyo… you just had a miscarriage…”
Hindi napigilan ni Laura ang kaniyang pagluha. Wala na ang kaniyang anak. Nasa kaniyang tabi sina Nestor at Celeste.
“Narito lamang kami sa iyong tabi, anak. Hindi ka namin pababayaan. Mahal na mahal ka namin,” saad ni Nestor.
Hinaplos-haplos naman ni Celeste ang noo ni Laura.
“You are a strong, independent woman kaya alam kong malalagpasan mo rin ang lahat ng ito. Kahit hindi ako ang nagluwal sa iyo, mahal na mahal kita at tunay na anak ang turing ko sa iyo,” saad naman ni Celeste.
At tuluyang napahagulhol si Laura. Naibsan ng mga pahayag na iyon ang matagal na niyang kinikimkim na inggit para kay Abigail. Ang totoo, insecure lamang siya sa kaniyang sarili. Nasundot ang kaniyang konsensya sa kaniyang mga ginawa.
Pagkauwi sa bahay, agad na ipinagtapat ni Laura kay Abigail ang kaniyang ginawa, at humingi ng tawad dito. Bagama’t hindi niya kaagad nakuha ang kapatawaran ng kapatid, tatanggapin niya ito, dahil kasalanan naman niya talaga ang lahat. Hindi naman natuloy ang pagpapakasal ni Ernest sa kaniya, na nagpakalayo-layo na rin upang makalimot at magsimula ng panibagong buhay.