Inday TrendingInday Trending
Nahihiya na ang Babaeng Ito na Dumagdag pa sa mga Nakasandal sa Kaniyang Hipag, Hindi Niya Akalain ang Tunay na Saloobin ng Babae

Nahihiya na ang Babaeng Ito na Dumagdag pa sa mga Nakasandal sa Kaniyang Hipag, Hindi Niya Akalain ang Tunay na Saloobin ng Babae

“Hanggang kailan ba tayo aasa sa ate mo, Cris? T@ng !n@ng buhay naman ‘to! Hindi pa ba tayo bubukod?” baling ni Isabel sa kaniyang mister na kakauwi lamang galing sa trabaho.

“Alam mo naman na ako lang ang kumikita sa atin at alam mo kung gaano kaliit ang sahod ko na kulang na kulang pa nga para sa tatlong anak natin. Hindi ka ba nagpapasalamat na pinapatira tayo rito nila ate at mama ng libre? Ano bang problema?” inis na sagot ng lalaki sa kaniya.

“Ayon na nga ‘yung problema, nakasandal tayo sa pamilya mo! Kaya naman natin dati, nagkataon lang na nasunugan tayo pero hindi ba pwedeng bumalik ulit sa ganun? ‘Yung nakabukod tayo, hindi ‘yung ganito na pati pambili ng napkin ay hihingin ko pa sa nanay mo! Kapag may gusto akong bilhin para sa mga bata ay kailangan ko pang hingin lahat iyon. Wala man lang akong madukot sa sarili kong bulsa!” sigaw pang muli ni Isabel sa kaniyang asawa.

“Hindi ko pa nga kaya!” galit na sigaw din ni Cris saka ito lumabas ng kanilang kwarto.

Nagtakip naman ng unan si Isabel sa kaniyang mukha saka roon sumigaw. Alam niyang wala ang kaniyang biyenan sa bahay ngunit kahit ganoon pa man ay hindi na talaga siya makagalaw nang maayos doon. Simula kasi nang masunugan sila ng bahay ay roon sa kaniyang biyenan na siya nanuluyan na siyang sinusuportahan naman ng kapatid nitong panganay. Maayos naman ang relasyon niya sa mga kamag-anak ni Cris ngunit aminado siyang kinakain siya ng kaniyang hiya dahil halos lahat sila ngayon ay sa panganay na kapatid ni Cris nakasandal na siyang may negosyo at para sa lahat ay may limpak-limpak na salapi.

“Ate, kanina ka pa ba nandiyan? Sorry, pero nasa labas si mama, may birthday kasi sa kapitbahay. Tutulong daw siya roon magluto,” gulat na sabi ni Isabel nang maabutan niya ang kapatid ni Cris na nasa salas nila.

“Medyo kanina pa, nag grocery kasi ako para sa inyo. Nag-away ba kayo ni Cris?” ngiting sabi ni Rica, ang ate ng asawa niya.

Saglit na natahimik at napayuko na lamang si Isabel at hindi malaman kung ano ang isasagot sa babae.

“Alam mo, huwag ka nang mahiya sa akin. Isa pa, hindi ko naman kayo sinisingil sa mga tulong ko at hinding-hindi ko iyon gagawin. Kaya huwag kang mahiyang humingi ng pera o kung anumang kailangan mo kasi pamilya ka na rin namin at lalo na ang mga anak niyo, mga pamangkin ko,” malambing pang sabing muli ni Rica sa kaniya na siyang lalo pang ikinahiya ni Isabel.

“Ate, sorry, pero hindi ko lang talaga maintindihan. Hindi ka ba nahihirapan kasi halos lahat sila nakasandal sa’yo. Kaya nga dati pinipilit kong bumukod kasi ayaw ko na dumagdag pa sa ganitong sitwasyon pero ito pa rin kami, ate, sorry,” iyak ni Isabel kay Rica.

Napangiti at tumahimik lamang ang dalawa sandali saka nagsalitang muli si Rica.

“Alam mo, lahat naman kami walang tinapos kasi hindi talaga kaya nina mama at papa noon pero sinuwerte ako kasi ang lakas ko sa negosyo. Ewan ko ba, mayroon daw talagang taong katulad ko na magaling sa diskarte ng buhay. Alam mo ba na noong nasa tuktok ako ng suwerte na ito ay kinalimutan ko silang lahat?” sabi ni Rica sa kaniya na siyang ikinagulat ni Isabel at kaagad itong humarap sa babae upang makinig.

“Sabi ko noon ay matuto silang magbanat ng buto dahil ganoon ang ginawa ko at nagkaniya-kaniya kami. Maging ang nanay at tatay ko ay hindi ko pinapansin sa tuwing manghihingi sila ng pera para sa gamot daw ni papa kasi iniisip ko noon na ginagawa na lang nilang dahilan iyon para makahingi sila sa akin. Kaya naman naghigpit talaga ako ng sinturon at tanging luho ko lamang ang pinapansin ko,” dagdag pa ni Rica sa kaniya.

“Hanggang sa dumating ‘yung oras na isinugod si papa sa ospital at parang bula ay nawala na lang siyang bigla. Tinanong ko si mama kung bakit naging ganun kalala ang sakit ni papa, sabi niya sa akin dahil wala na silang pera pambili ng gamot at ayaw na nila akong abalahin pa. Noong mga oras na iyon, ‘yung pera na nagpapagaan sa araw-araw ko ay siya ring nagpabigat ng buhay ko. Nawalan ako ng tatay dahil sa karamutan ko,” mahinang sabi ni Rica at kasabay noon ang pag-agos ng luha ng babae habang nakatingin lamang ito sa malayo.

“Hindi mo naman ‘yun kasalanan, ate,” pabulong na sambit ni Isabel.

“Alam ko, pero simula noon ay napagtanto ko na aanhin ko ang pera kung hindi ko naman matulungan ang sarili kong pamilya. Sa tingin ng ibang tao nakasandal sa akin ang lahat pero sa totoo lang, hindi naman. Kasi lahat naman kayo nagtratrabaho at hindi naman tambay lang na pinapalamon ko. Si mama na nasa handaan paniguradong kinuha ‘yun siya para maging tagaluto at alam kong raket niya na iyon. Mayroon siguro talaga sa isang pamilya ang mas malaki ang sakripisyo, mas malaki ang ambag. Pero sa totoo lang, sa isang pamilya, walang mas malaki, walang mas lamang dahil pantay lang ang pagtingin ko sa mga taong mahal ko. Kaya sa akin, wala itong tulong ko, kaya huwag niyo na sanang pag-awayan pa ni Cris ang pera kasi kilala ko ang asawa mo, maniwala ka, may plano siya,” sagot muli ni Rica at nginitian siya nito.

Hindi naman nakapagsalita pa si Isabel at labis na lamang na humanga sa babae. Marami pa siyang gustong sabihin sa babae na makakapaglinaw na wala siyang kasalanan sa kung ano mang trahedya na dumating sa pamilya nila ngunit mas pinili niyang huwag na lamang magsalita. Dahil iba-iba rin talaga ang konsepto at pananaw ng isang tao pagdating sa aspeto ng pagmamahal sa pamilya. Mahirap man ang kanilang sitwasyon ngunit ngayon niya napagtanto na kahit gaano man maging kahirap ito ay may pamilyang laging sasalo sa kanila. Ang tanging dasal na lamang niya ngayon ay dumating ang araw na masuklian niya ang kabutihan nito sa kaniya at sa kaniyang pamilya.

Advertisement