Nagalit ang Hipag ng Misis Dahil Sa Paniningil Daw Niya ng Utang Nito at Sinugod Pa Siya sa Kanilang Bahay; Sino Kaya ang Papanigan ng Mister, Ang Kaniyang Ate o Kaniyang Misis?

Nagalit ang Hipag ng Misis Dahil Sa Paniningil Daw Niya ng Utang Nito at Sinugod Pa Siya sa Kanilang Bahay; Sino Kaya ang Papanigan ng Mister, Ang Kaniyang Ate o Kaniyang Misis?

FunKarmaStories

Pinaghandaan ni Janet ang anumang sasabihin ng mister na si Mike, na alam niyang galit dahil sambakol ang mukha nito. Hindi nga siya nagkamali. Inaya siya nito sa kanilang kuwarto upang hindi marinig ng kanilang mga anak ang pagtatalo nila. 

“Nag-text sa akin kanina si Ate Lotlot. Umiiyak. Nagsumbong din sa Mama at Papa. Bakit daw ang aga-aga mong maningil sa kaniya? Bakit nga ba? Hindi mo man lang ako tinanong tungkol sa bagay na iyan.”

Heto na naman sila. Nag-aaway na naman sila hindi dahil sa mga personal nilang isyu, kundi dahil sa hipag ni Janet na si Lotlot. Nakatatandang kapatid ito ng asawang si Mike, na siyang nag-alaga raw sa kapatid noong medyo nagkakalabuan ang relasyon ng kanilang mga magulang. Umutang kasi ito ng malaking halaga sa kapatid, at mag-iisang taon na, hindi pa rin ito nakakapagbayad. 

young couple arguing on living room sofa - asian couple fighting stock pictures, royalty-free photos & images

Simula nang maging mag-asawa sila ng kapatid nito, wala na itong ginawa kundi manghimasok sa buhay-mag-asawa nila. Mabuti na lamang at pumayag si Mike na bumukod na sila ng tirahan, kung hindi ay araw-araw na pagtitiis ang gagawin ni Janet. 

“Eh kaysa naman sa ako lagi ang nakakarinig sa mga litanya mo at pag-iisip kung kailan siya magbabayad ng utang niyang 10,000 piso, eh ‘di siningil ko na siya? Huwag kang mag-alala. Hindi ko naman dinawit ang pangalan mo. Ang sabi ko sa kaniya, kailangan ko na rin. Na totoo naman. Kailangan naman natin, ‘di ba? Bayaran na naman ng matrikula ng mga bata. Masama bang maningil sa utang na isang taon na, at sa malas ay hindi natin alam kung babayaran pa?”

“Janet naman… alam mo namang si Ate Lotlot iyon. Tumatanaw ako ng utang na loob kay ate…”

“Mike, hindi ko naman inaalis sa iyo ang pagiging magkapatid ninyo. Ate mo siya at iginagalang ko siya. Pero sino ba sa ating dalawa ang laging bukambibig ang utang niya? Hindi ba ikaw? Pero hindi mo siya masingil-singil. Bakit? Kasi nahihiya ka sa kaniya, dahil sa lintik na utang na loob na ‘yan!” 

“Totoo naman iyan pero sana hinayaan mo na lang ako. Sana ako na lang ang magsasabi sa kaniya,” giit naman ni Mike. 

Natawa naman nang pagak si Janet. 

“Mike, kung hihintayin pa kitang maningil sa kaniya, baka gawin mo nang kawanggawa iyan. Baka libre na lang. Kilala mo ako, Mike. Ang usapan ay usapan. Kapag sinabing hiram, ibabalik. Kapag sinabing bigay, wala nang sumbatan. Ang sabi niya, utang. Ang utang ay binabayaran.”

Sa mga ganoong pagkakataon, sumusuko na si Mike. Sa totoo lang, hindi kaya ni Mike ang tumagal sa mga komprontasyon. Masyado kasi itong mabait. Hangga’t kayang pagpasensiyahan, pagpapasensiyahan na, kahit na minsan ay naaabuso na. Siya, si Janet, ay talakera at palaban. Kaya sabi ng mga kakilala nila, bagay na bagay raw sila dahil they compliment each other

Ngunit talakera at palaban din si Lotlot. Sumugod ito sa kanilang bahay upang bayaran ang utang. Pagkapasok na pagkapasok pa lamang sa bahay nila, inihagis na nito sa mesa ang isang sobreng naglalaman ng 10,000 piso. 

brown envelope on wooden background - brown envelope on the table stock pictures, royalty-free photos & images

“Nasaan ang magaling mong asawa?! Nakakahiya naman eh. Atat na ata maningil. O hayan!” galit na sabi ni Lotlot sa kapatid na si Mike. 

Inutusan naman ni Janet ang mga anak na magtungo sa kanilang kuwarto upang hindi marinig ang magiging pagtatalo nila. 

“Ate, wala naman po akong masamang intensyon sa ginawa ko. Sorry po kung nasaktan kayo, pero kailangan na rin po kasi namin ang perang iyan. Kung hindi po ninyo maitatanong, kalahati po niyan ay mula sa perang pinagpaguran ko,” mahinahong paliwanag ni Janet. 

At naglatang na ang galit ni Lotlot. Dinuro na nito si Janet. Umawat naman si Mike. 

“Ang kapal ng mukha mong babae ka! Hoy, para sabihin ko sa iyo, ate ako ni Mike, dugo’t laman. Ako ang nag-alaga sa kaniya noong araw kaya tumanaw kayo ng utang na loob sa akin ha!”

businesswoman frowning - mad asian woman stock pictures, royalty-free photos & images

“Ate, kapatid ka, tama naman po. Dugo’t laman. Pero asawa ako. Legal, kahit saang dokumento. Kung anuman ang pag-aari ni Mike, pag-aari ko rin. Iyang utang na loob na iyan, kung tutuusin ay bayad na siya sa lahat ng mga pabor na ginawa niya sa iyo. At excuse me po, ayoko po nang maingay sa bahay namin. Huwag ninyo akong duduruin sa loob ng pamamahay ko!” galit na saad ni Janet sa kaniyang hipag. 

Nabigla sina Mike at Lotlot sa ipinakitang tapang ni Janet, na matagal na niyang tinitimpi. Hindi nakahuma si Lotlot. Walang lingon-likod na umalis na ito ng kanilang bahay at muling sumakay sa taxi na sinakyan nito patungo sa kanilang bahay. 

“Ikaw Mike… mamili ka… sinong pakikisamahan mo, ang ate mo o ako na asawa mo?”

Nilapitan siya ni Mike. Niyakap. 

“Sorry sa inasal ng ate. Kakausapin ko siya.”

Ayon kay Mike, humingi ng patawad si Lotlot sa kaniyang mga nagawa at nasabi subalit hindi ito nakipag-usap kay Janet. Doon na nagtapos ang pangingialam ni Lotlot sa buhay nilang mag-asawa. Sa tuwing nagkikita sina Lotlot at Janet sa mga family gathering, kaswal lamang ang kanilang pag-uusap. 

Minsan sa buhay, kailangan mo lamang humanap ng katapat. Katapat na makapagpapatiklop sa iyo. 

More Stories