
Tinalikuran ng Dalaga ang Kaibigan at ang Pagiging Kasambahay Upang Magbenta ng Aliw; Pagsisihan Niya Ito sa Muling Pagkikita Nila ng Kaibigan
Matagal nang magkaibigan sina Julia at Anna. Bata pa lamang sila ay pangarap na nilang makarating ng Maynila upang doon magtrabaho. Malaki kasi ang paniniwala nilang nasa lugar na ito ang swerte. Bilang mga panganay kasing anak ay batid ng dalawa na may nakaatang na responsibilidad sa kanila upang pagandahin ang buhay ng kanilang pamilya.
Kaya nang makatapos ng hayskul ay agad na sinunggaban ng dalawa ang pagkakataong makapagtrabaho sa Maynila bilang kasambahay. Lumuwas ang magkaibigan na puno ng pag-asa na sa kanilang pagbabalik ay maiiba na ang takbo ng buhay ng kani-kaniyang pamilya. Ngunit napagtanto nilang hindi madali ang kanilang tatahakin upang marating ang pangarap.
“Nais kong makapag-ipon nang sa gayon ay makapagtuloy ako sa kolehiyo. Kapag nakatapos na ako ng pag-aaral ay tiyak kong makakakuha ako ng mas magandang trabaho upang matulungan ko ang pamilya ko. Hindi habang panahon ay narito ako sa Maynila upang maging isang kasambahay,” saad ni Anna sa kaibigang si Julia.
“Ako man, kung may ibang trabaho pang ibibigay sa akin na mas malaki ang sahod ay agad kong kukuhain. Kulang pa rin kasi ang kinikita ko para sa mga gastusin ng pamilya ko sa probinsya,” wika naman ng kaibigan.
“Gusto mo, kausapin natin ang mga amo natin na mag-aaral tayo sa kolehiyo. Alam ko may paaralan na pwede tayong pumasok ng gabi,” sambit pa ni Anna.
“Ikaw ang bahala. Pero kung may mas madaling paraan para yumaman ay doon ako,” tugon naman ni Julia.
Kinabukasan, habang nililinis ng dalawa ang bakuran ay natanaw nila ang kapitbahay na si Amor na papasok ng bahay nito.
“Napakaganda at napakayaman talaga niyang si Amor, ano? Mantakin mo iba’t ibang sasakyan ang naghahatid sa kaniya pauwi,” wika ni Julia.
“Alam mo ba, sabi ng may-ari ng tindahan diyan sa kanto, dati din daw kasambahay iyang si Amor. Kaya naging mayaman daw ‘yan dahil binebenta daw ang katawan sa iba’t ibang lalaki. Ayaw ko naman ng ganun,” kwento ni Anna sa kaibigan.
“Pero isipin mo, ginamit pa rin niya ang utak niya para marating niya ang kinalalagyan niya ngayon,” tugon naman ni Julia.
“Marami pang ibang paraan, Julia. Siya nga pala, nagsabi na ako sa amo natin tungkol sa plano nating mag-aral ng kolehiyo. Ang sabi niya’y pag-iisipan daw niya. Sana pumayag talaga silang mag-asawa, ano? May naisip ka na bang kurso kung sakali? Ako gusto kong kumuha ng accountancy,” pahayag ni Anna.
Ngunit hindi na nakikinig pa si Julia sa mga sinasabi ng kaniyang kaibigan. Lumilipad na ang isip nito tungkol sa kapitbahay na si Amor.
Ilang araw na tinityempuhan ni Julia ang kanilang kapitbahay upang makausap. Alam niyang si Amor na ang susi para makuha ang kaniyang matagal nang inaasam na pagyaman.
Hanggang sa isang araw ay napansin siya nito. Ang mga sandaling kwentuhan nila ay nauwi sa pagkakaibigan. Napapadalas na ang kanilang pagkukwentuhan. Madalas pa ngang bigyan ng pinaglumaang damit ni Amor itong si Julia.
“Anong klaseng damit ba iyan, Julia, parang kinulang sa tela? Naku! Kung narito ang inang mo ay kanina ka pa non nakurot sa singit,” saad ni Anna nang makita niyang sinusukat ni Julia ang bago nitong damit.
“Bigay lang ito ni Amor sa akin. Maiksi nga at masyadong kita ang dibdib. Pero aminin mo, Anna, bagay sa akin ang ganitong damit!” wika naman ng dalaga.
“Ayos lang. Pero mas gusto ko pa rin ‘yung simple lang at kagalang-galang,” tugon pa ni Anna.
“Napapansin ko napapadalas ang pakikipagkaibigan mo riyan kay Amor. Ingat ka, Julia, dahil alam mo naman ang ginagawa ng babaeng iyan,” paalala ni Anna.
“Mabait naman siya sa akin. Siguro ay natutuwa lang dahil nga wala siyang kasama diyan sa bahay nila. Ang sabi niya’y para daw akong nakababata niyang kapatid,” wika pa ni Julia.
“Basta, mag-ingat ka sa kaniya. Muntik ko na palang makalimutan, may ibabalita nga pala ako sa’yo. Alam mo pumayag na ang mga amo nating mag-aral tayo sa gabi. Ang maganda pa roon ay sasagutin daw nila ang pag-aaral natin! Paghandaan na daw natin ang mga entrance exam para makapasok tayo sa magandang unibersidad!” pahayag ni Anna.
Napansin ni Anna na tila hindi nakikinig si Julia at tinitignan lamang nito ang hubog ng kaniyang katawan mula sa damit na ibinigay ng kanilang kapitbahay.
“Julia, bukas ay susubukan kong manghiram ng reviewer sa anak ng amo natin para kahit paano ay makapag-aral tayo at pumasa tayo sa entrance exam. Magtulungan tayo, ha!” dagdag pa ng dalaga.
“Sige, sige. Bahala na, Anna,” tanging naging tugon ni Julia habang tinititigan ang sarili sa salamin.
Kahit na may mga gawain itong si Anna ay patuloy ang kaniyang pagrereview. Samantalang sa mga libreng oras naman ni Julia ay wala siyang ginawa kung hindi makipagkwentuhan kay Amor. Madalas din niya itong nakakatext.
“Dalawang linggo na lang ay pagsusulit na natin, Julia. Napapansin ko ay hindi ka man lamang nagbabasa ng aralin,” wika ni Anna.
“Sa totoo lang kasi ay wala na akong balak pang mag-aral sa kolehiyo, Anna. May inaalok na trabaho sa akin si Julia at tiyak daw na malaki ang sweldo. Pagkakataon ko na ito para makaalis sa trabaho natin at makapagbigay ako ng malaki sa pamilya ko!” tugon naman ni Julia.
“Huwag mong sabihing sasama ka riyan kay Amor. Hindi ba sinabi ko na sa iyo ang ginagawa ng babaeng iyan. Dapat noon pa lang ay iniwasan mo na siya,” saad naman ng kaibigan.
“Mag-aral na lang tayo at tapusin nating sabay ang kolehiyo. Tutulungan kita sa mga aralin. Huwag mo nang ituloy ang binabalak mo,” dagdag pa nI Anna.
“Nakapagdesisyon na ako, Anna. Sa isang linggo ay aalis na ako sa trabahong ito. Kung nais mong sumama sa akin ay sasabihin ko kay Amor,” pahayag naman ni Julia.
“Hindi na, Julia. Mananatili na lang ako dito. Sayang din ang inaalok na pag-aaral sa kolehiyo ng mga amo natin,” sambit pa ni Anna.
“Bahala ka, Anna. Habang buhay kang magiging kasambahay. Narito na nga ang pinakamadaling paraan ng pagyaman, ayaw mo pa!” giit ni Julia sa kaibigan.
Tuluyan nang hindi nagpapigil si Julia sa pagsama niya kay Amor. Katulad ng kaniyang kapitbahay ay nagtrabaho siya sa isang club kung saan naging isa siyang babaeng bayaran. Umayos ang buhay ni Julia at nabibili na niya ang lahat ng kaniyang gusto.
Sa tuwing nakikita niya ang kaibigang si Anna na isang pa ring kasambahay ay lagi niya itong inaaya sa trabaho niya. Ngunit lagi siya nitong tinatanggihan dahilan upang maputol na ang kanilang pagkakaibigan.
Lumipas ang mga taon at hindi na nagkita pa sina Anna at Julia. Dahil sa pagsisikap ay nakapagtapos ng pag-aaral itong si Anna. Nang makahanap ng trabaho ay hindi siya tumigil upang mapabuti ang sarili.
Sino ang mag-aakala na ang isang kasambahay dati ay isa nang manager ng bangko sa ibang bansa?
Tuluyan na ngang nagbago ang takbo ng buhay ni Anna. Ngunit kung ano ang ganda ng kinahinatnan ng buhay ng dalaga ay salungat sa kaniyang kaibigan.
Nakipagkita siya dito upang kausapin at malaman ang tunay nitong sitwasyon.
“Sa una ay naging maayos naman ang buhay ko. Nakakapagpadala ako sa amin ng mas malaking pera. Naipagawa ko pa nga ang bahay nila sa probinsya. Nakakilala ako ng isang lalaking akala ko ay mag-aahon sa akin sa kahirapan at tuluyang mag-aalis sa akin sa maruming trabaho ko. Ngunit lalong naging masalimuot ang buhay ko, Anna. Nalulong ako sa masamang bisyo at kung anu-ano ang nangyari sa akin. Hanggang sa pinagpalit din niya ako at iniwan. Wala na akong mapuntahan kasi sino ba naman ang tatanggap sa akin sa ganitong hitsura ko. Iyon lang naman ang trabaho na alam ko,” pahayag ni Julia.
Nalungkot si Anna sa sinapit ng kaniyang kaibigan. Labis naman ang inggit ni Julia nang makitang tuluyan nang naging asensado itong si Anna.
“Hanggang ngayon ay iniisip ko pa rin paano kaya kung itinuloy na lang natin ang planong pag-aaral? Marahil ay pareho na tayong nakakaangat sa buhay. Nagsisisi ako, Anna. Sana pala ay nakinig na lang ako sa iyo noon,” umiiyak na wika ni Julia.
“Hindi pa huli ang lahat, Anna. Tutulungan kita para makabangon ka. Kaibigan mo pa rin naman ako. Handa akong tumulong sa abot ng makakaya ko,” saad ng dalaga.
Napaluha na lamang si Julia sa sinabi ng kaibigan.
Tinupad ni Anna ang pangakong tutulungan niya si Julia. Bilang kapalit naman ay hindi na bumalik pa sa masamang gawain itong si Julia at tuluyan nang nagbago. Naging inspirasyon niya si Anna upang baguhin ang takbo ng kaniyang buhay.
Hindi man agad makuha ni Julia ang buhay na inaasam ay malaki ang kaniyang pag-asa na isang araw ay maaabot din niya ito sa tulong na rin ng butihin niyang kaibigang si Anna.