Nagsumikap ang Lalaki para Maibigay sa Kaniyang Mag-Ina ang Magandang Buhay; Hindi Pala Iyon ang Gusto ng Kaniyang Asawa

Nagsumikap ang Lalaki para Maibigay sa Kaniyang Mag-Ina ang Magandang Buhay; Hindi Pala Iyon ang Gusto ng Kaniyang Asawa

FamilyLoveStories

“I now pronounce you man and wife. Congratulations!” wika ng pari.

Sa wakas, ikinasal na rin ang matagal nang magkasintahan na sina Jeffrey at Jessica. Matagal din nilang hinintay at pinaghandaan ang paglagay nila sa tahimik kaya walang pagsidlan ang kanilang kaligayahan sa araw na iyon.

Masipag na empleyado si Jeffrey sa isang pribadong kumpanya, ang asawa niyang si Jessica ay pinatigil na niya sa pagtatrabaho. Maselan daw kasi ang lagay ng kanyang misis kapag nagdalantao kaya naisip niyang sa bahay na lamang ito manatili para hindi na masyadong napapagod sa biyahe.

“Pasensya ka na, sweetheart, ito lang ang nakayanan ko sa ngayon. Hayaan mo, magsisikap ako para sa mas malaking bahay kita ititira,” sabi ni Jeffrey sa misis.

“Okay na sa akin ang ganito, basta’t kasama kita, maligaya na ako,” sagot ni Jessica.

Sa maliit na apartment lang sila nanunuluyan. Iyon lang ang nakayanan ni Jeffrey, naubos ang ipon niya sa kanilang kasal. Siya ang sumagot sa lahat ng gastos kaya ang pambili sana ng bungalow na bahay para sa kanilang mag-asawa ay hindi na niya nagawa. Ngunit isinubsob pa rin niya ang sarili sa pagtatrabaho nang maigi upang ibigay sa kanyang misis ang ipinangako niyang bahay at mas maayos na buhay.

Mula noon ay mas sinipagan pa ni Jeffrey ang pagtatrabaho. Ginagawa niyang araw ang gabi para matupad ang mga pangarap niya para sa kanilang mag-asawa.

“Alas dose ka na naman umuwi kagabi, sweetheart, tapos ay maaga ka pang nagising. Ilang araw ka nang puyat dahil sa kaka-overtime mo sa opisina. Baka magkasakit ka na niyan sa ginagawa mo,” nag-aalalang sabi ni Jessica.

“Wala ito, sweetheart. Huwag mo akong intindihin. Ginagawa ko ito para sa ating dalawa at para sa magiging anak natin,” sagot naman ni Jeffrey.

Dininig nga ng langit ang panalangin nila dahil ilang araw lang ay may natanggap silang magandang balita.

“Talaga? Magkaka-baby na tayo? Yahooo!” tuwang-tuwa sabi ni Jeffrey nang malamang nagdadalantao na si Jessica.

“Shhh…hinaaan mo ang boses mo! Baka magalit ang mga kapitbahay,” tugon ng kanyang misis.

Dahil malapit na siyang maging ama ay mas lalong nagsikap si Jeffrey. Mas lalo niyang isinubsob ang sarili sa trabaho.

Makalipas ang dalawang buwan ay masayang umuwi siyang umuwi at may mga dalang pasalubong para kay Jesica.

“Ang dami naman nito, baka wala nang matira sa sahod mo, sweetheart,” gulat na sabi ng misis.

“Huwag mong intindihin ‘yon. Basta para sa iyo at kay baby ang mga pinamili kong iyan,” aniya.

“Teka, bakit masayang-masaya ka yata ngayon? Ano bang meron at marami kang pinamili?” tanong pa ni Jessica.

“Tumama kasi ako, sweetheart, tumama ako sa trabaho, na-promote ang mister mo,” sagot ni Jeffrey sa masayang tono.

“Congratulations! You deserve it. Halika, kumain na tayo. Nagluto ako ng masarap,” yaya sa kanya ng asawa.

“No, sa labas tayo kakain ngayon, kasama si baby. Iseselebra natin ang biyayang dumating sa atin,” tugon niya.

Buhat noon ay sunud-sunod na ang dumating na suwerte sa kanila, lumaki ang sahod ni Jeffrey kaya halos araw-araw ay may pasalubong siya kay Jessica at mas ikinatuwa pa ng kanyang misis ang isang napakagandang regalong handog niya para rito.

“Nagustuhan mo ba ito, sweetheart?”

“Yes, sweertheart! Ang ganda nito at ang laki-laki ng loob. Thank you, I love you!” tuwang-tuwang sabi ni Jessica nang ipakita niya ang bagong biling bahay at lupa.

Tinupad ni Jeffrey ang pangako na mabigyan ng malaki at maayos na tirahan ang kanyang asawa at magiging anak nila. Nabigyan na rin niya ng mas magandang buhay ang mag-ina niya ngunit hindi pa roon natatapos ang pagsusumikap niya, mas lalo pa niyang sinipagan at nagpakasubsob sa trabaho.

“Maghahatinggabi na, wala pa rin siya,” bulong ni Jessica sa sarili, hindi pa kasi umuuwi ang mister galing sa opisina.

Nang dumating si Jeffrey ay pagod na pagod na ito. Hindi man lang siya nito niyakap o hinalikan man lang na palagi nitong ginagawa sa tuwing umuuwi. Ni hindi sila nagkuwentuhan tungkol sa araw na iyon.

Lumipas pa ang mga araw ay palaging ganoon ang eksena, ang dating masayang tahanan ay naging hungkag sa pagmamahal at kaligayahan.

“Magpapasama sana ako sa OB para sa check up ni baby,” wika ni Jessica sa mister.

“Puwede ba, pagod ako, marami akong trabaho sa opisina. Bukas na lang tayo mag-usap,” sagot ni Jefferey na humiga na sa kama at tuluyan nang natulog sa sobrang pagod.

Hanggang sa makapanganak siya ay palaging abala ang kanyang mister sa pagkayod para sa kanila. Mas nakatutok na si Jeffrey sa pagpapayaman, bukod kasi sa mataas na ang posisyon sa opisina ay nakapagpatayo na rin ang lalaki ng maliit na negosyo kaya mas lalo nitong napabayaan silang mag-ina.

“Balewala na kami sa kanya ni baby. Dekorasyon na lamang kami sa bahay na ito,” malungkot na sabi ni Jessica na ‘di na napigilang maluha.

Napagtanto niya na hindi iyon ang hangad niyang kaligayahan. Binubusog nga silang mag-ina ng kanyang asawa sa karangyaan ngunit unti-unti namang nasisira ang pagsasama nila bilang isang pamilya.

Isang gabi ay nakahalata na si Jeffrey.

“Wala na naman siyang kibo. Malalim na naman ang kanyang iniisip,” bulong ng lalaki sa isip.

Kinausap na niya ang misis.

“Galit ka ba sa akin, sweetheart? Hindi ka ba maligaya sa tinatamasa natin ngayon?” tanong niya.

“Hindi ko kailanman pinangarap ang ganitong klaseng buhay, Jeffrey,” sagot niya.

Ikinagulat ni Jeffrey ang kanyang tinuran.

“Ngunit ang lahat ng ito’y para sa inyo ni baby. Nais kong maibigay ang lahat ng inyong naisin,” tugon ng mister.

“Pero simple lamang ang pangarap ko, ang makasama ka at bumuo ng masayang pamilyang binubuklod ng pag-ibig. Iyon lang ang tanging hangad ko,” makahulugang sagot ni Jessica.

Napaluha si Jeffrey at agad na niyakap ang kabiyak.

“Patawad, sweetheart. Kung sa kabila ng karangyaang ito ay mawawala kayo ni baby sa akin, hindi ko na aabutin pa ang langit. Ikaw at si baby ang pinakamahalagang kayamanan sa buhay ko,” sambit ni Jeffrey na mas hinigpitan pa ang yakap sa pinakamamahal na asawa.

Naiyak na rin si Jessica at tinugon ang yakap na iyon ng mister.

“O, sweetheart, salamat at naunawaan mo ako,” aniya.

Buhat noon ay mas pinahalagahan na ni Jeffrey ang kanyang mag-ina. ‘Di nagtagal ay nasundan pa ang kanilang anak, muling nagdalantao si Jessica. Kung lalaki ang kanilang panganay ay babae naman ang ipinagkaloob sa kanila.

Ipinakita sa kuwento na hindi nasusukat sa materyal na bagay ang tunay na kaligayahan, ang mas mahalaga ay ang pagmamahalan sa isa’t isa na kahit kailan ay hindi matutumbasan ng anumang yaman.

More Stories