Binilhan ng Anak ng Regalo ang Inang Nawalan ng Trabaho; May Suwerteng Hatid ang Ibinigay Niya Rito

Binilhan ng Anak ng Regalo ang Inang Nawalan ng Trabaho; May Suwerteng Hatid ang Ibinigay Niya Rito

FamilyInspiringStories

Malungkot si Abbie sa nangyari sa kanyang inang si Norma dahil nawalan ito ng trabaho sa pinapasukang pabrika.

Natapos na kasi ang kontrata nito roon kaya aligaga ito sa paghahanap ng bagong trabaho. Magdiriwang pa naman sa susunod na araw ang ina ng kaarawan nito saka pa ito nawalan ng hanapbuhay. Para mapasaya kahit kaunti ay naisipan ni Abbie na bilhan ito ng regalo.

“Tamang-tama, pupunta ako sa ukay-ukay, maraming mura doon. Ano kaya ang puwede kong bilhin para kay nanay?”

Pumasok siya sa loob ng ukay-ukay at tumingin-tingin.

“Ang daming maaaring ipangregalo kaso hindi sapat ang dala kong pera. Pipili na lang ako ng siguradong magugustuhan niya na mura lang,” sabi pa niya sa isip.

Tinawag niya ang isang lalaking nag-e-estima ng mga kustomer.

“Kuya, kuya, magkano ang isang ito?” tanong niya sa tindero at ipinakita ang isang shoulder bag.

“Three hundred pesos, miss!” sagot nito.

Sandaling sinipat ni Abbie ang bag. Sinigurong magugustuhan iyon ng kanyang ina.

“Sige, kuya, bibilhin ko na ito!”

Pag-uwi sa kanila ay agad niyang kinuha sa tokador ang lumang gift wrapper. Imbes na bumili pa ay iyon na lamang ang gagamitin niyang pambalot sa binili niyang pangregalo. Naisip niyang buksan ang shoulder bag at tingnan ang loob niyon, laking gulat niya nang may makapa siya roon.

“Aba, a-ano kaya ito?!”

Nang tingnan niya iyon…

“P-pitaka? May kasamang pitaka ang nabili kong bag. Hindi ko ito napansin kanina, a!”

Binuksan niya ang pitaka at may laman itong pera na nagkakahalaga ng sampung libong piso. Bukod sa pera ay may mga ID din na nakasuksok sa loob niyon. Tiningnan niya ang isa sa mga ID na naroon. Mayroong pangalan ng may-ari, address at contact number. Agad niyang tinawagan ang numero at may sumagot naman.

“Hello, maaari po bang makausap si Mrs. Agnes Perez?” tanong niya sa babaeng nasa kabilang linya.

“Ako nga si Agnes Perez. Sino ito?”

“Ako po si Abbie. May nakuha po kasi akong pitaka sa nabili kong shoulder bag sa ukay-ukay. May laman pong pera at mga ID na sa inyo nakapangalan. Tumawag po ako para isauli ito sa inyo.”

“Naku, ilang linggo ko nang hinahanap iyang pitaka ko! ‘Di ko sinasadyang maiwan iyan sa bag na ibinenta ko sa ukay-ukay. ‘Di ko akalaing may magsasauli pa niyan sa akin. Hindi naman mahalaga ang perang laman ng pitaka, ang mahalaga ay ang mga ID na nasa loob dahil sa panahon ngayon ay napakahirap kumuha uli ng panibagong mga ID kapag nawala ang mga ‘yan. May mga papel ding nakasuksok diyan na may nakasulat na mga importanteng numero na ginagamit ko sa trabaho kaya hiling ko noon na kahit ang mga iyan na lamang ang maibalik sa akin. Mabuti at ikaw ang nakakuha, maraming salamat! Saan ba ang address mo at personal kitang pupuntahan upang mapasalamatan?”

Pinuntahan nga ng babae ang bahay nina Abbie. Isinauli ng dalaga ang pitaka sa totoong namamay-ari nito.

“Maraming salamat. Ang akala ko’y hindi ito maibabalik sa akin. Napakabuti mo, hija,” wika ng ginang.

“Wala pong anuman, ma’am. Ginawa ko lang naman po kung ano ang tama,” sagot ni Abbie.

Ikinagulat naman ng kanyang inang si Norma ang nangyari at nagpasalamat din ito sa regalong ibinigay ng nag-iisang anak.

“Thank you, anak! Nag-abala ka pa. Sana ay inipon mo na lang ang perang ipinambili mo ng regalo. Kailangan nating magtipid ngayon hangga’t hindi pa ako nakakahanap ng bagong trabaho,” wika ng ina.

Biglang nagsalita ang may-ari ng pitaka na si Mrs. Perez.

“Ano kamo? Wala kang trabaho, misis? Huwag kang mag-alala, bibigyan kita ng trabaho sa pabrika ng tela na ako ang may-ari. Tamang-tama dahil nangangailangan ako ng mga bagong staff doon. Kung gusto mo ay maaari ka nang magsimula bukas,” sabi ng babae.

“Naku, maraming salamat po, Mrs. Perez!” gulat na sabi ni Abbie.

“Nakakahiya naman po, pero maraming salamat, ma’am, sa trabahong iniaalok niyo sa akin!” masayang wika ni Norma.

“Ibinabalik ko lang naman ang kabutihang ginawa ng iyong anak. Napakasuwerte mo dahil nagkaroon ka ng mabait at matapat na anak na gaya nitong si Abbie,” tugon ni Mrs Perez.

Hindi inakala ni Abbie na sa pagsasauli niya ng bagay na hindi sa kanya ay may kapalit palang mas magandang regalo para sa kanyang pinakamamahal na ina at iyon ay ang pagkakaroon uli nito ng trabaho.

Sadya talagang may balik na gantimpala ang paggawa ng kabutihan lalo na sa paggawa nito sa hindi inaasahang pagkakataon.

More Stories