
Nagawang Maging Alila ng Lalaki Makita Lamang ang Nobyang Inilayo sa Kaniya ng Matapobre Nitong Ina; Saan Hahantong ang Kanilang Pag-Iibigan?
“Yes, I will marry you,” masayang sagot ni Grace sa nobyong si Thomas.
“T-talaga? Naku, pinasaya mo ako, mahal ko,” wika ng lalaki na ‘di napigilang yakapin nang mahigpit ang dalaga.
Isang linggo bago ang nakatakda nilang kasal ay naaksidente si Grace habang nagmamaneho ng kotse. ‘Di sinasadyang nabangga iyon ng isang rumaragasang trak. Magkikita sana sila para puntahan ang simbahan kung saan sila ikakasal. Labis-labis ang kalungkutan ni Thomas sa nangyari sa nobya. Nang puntahan niya ito sa ospital ay hindi pa rin ito nagigising. Galit na galit naman ang ina ni Grace sa nangyari sa anak at sinisisi si Thomas sa sinapit nito. Hindi kasi boto ang ina nito sa kanya.
“Ikaw ang may kasalanan nito, eh! Kung hindi mo inakit ang anak ko, hindi sana siya magkakaganyan. Malas kang lalaki ka!” gigil na sabi ni Donya Mercedes.
“Sorry po. Aksidente po ang nangyari, hindi ko po kagustuhan iyon. Mahal na mahal ko po si Grace. Sana nga ay ako na lamang ang naaksidente at hindi siya,” sabi niya sa mangiyak-ngiyak na tono.
“Alam mo naman na ayoko sa iyo para sa anak ko. Mas gusto kong si Carlito ang makatuluyan ni Grace dahil pareho sila ng estado sa buhay, ‘di gaya mo na isang magsasaka lang, isang hampaslupa. Hindi ka nababagay sa anak ko!”
Puro pangmamata at panlalait ang natanggap niya kay Donya Mercedes. Pagkatapos ay agad siyang pinaalis sa kwarto ng nobya, ipinakaladkad pa siya nito sa dalawang bodyguard na kasama. Wala siyang nagawa kundi ang tumangis sa kalagayan ng kasintahan.
Pagkaraan ng tatlong araw ay nagmulat na ng mga mata si Grace, nagising na ito sa ilang araw na pagkakatulog ngunit wala itong maalala. Ang tangi lamang nitong naaalala ay ang kanyang ina.
“M-mama, nasaan ako? Bakit ako narito?” naguguluhan nitong tanong.
“Salamat naman at nagising ka na, anak. Narito ka sa ospital dahil naaksidente ka habang nagmamaneho,” sagot ng ina.
Maya maya ay biglang pumasok si Thomas sa kwarto habang pinipigilan ng dalawang bodyguard.
“Bitiwan ninyo ako! Gusto ko lamang makita si Grace, nakikiusap ako sa inyo!” sigaw ng binata.
Nang mahagip siya ng tingin ni Grace.
“S-sino ka?”
“G-Grace? Salamat at nagising ka na! Hindi mo ba ako natatandaan? Ako si Thomas, ang fiance mo,” tugon ng binata.
“H-hindi kita natatandaan. W-wala naman akong kilalang Thomas,” wika ni Grace habang hinihimas ang magkabilang sentido.
“Alalahanin mo, Grace. Ako si Thomas, ako ang fiance mo. Ikakasal na nga tayo, eh!”
Biglang tumayo sa pagkakaupo si Donya Mercedes at galit siyang sinaway.
“Tumigil ka, lalaki! Ano’ng ginagawa mo pa rito? Lalo mo lamang ginugulo ang isip ng anak ko! Grace, huwag mo siyang pansinin. Magpahinga ka na at huwag mong pakinggan ang sinasabi ng lalaking ‘yan. At ikaw naman, umalis ka na rito, wala ka nang babalikan pa rito!” galit na sabi ng donya at muling pinagtabuyan ang binata na ipinakaladkad muli sa dalawang bodyguard.
Lugmok na lugmok si Thomas sa ginawang pagpapalayas sa kanya ni Donya Mercedes lalung-lalo na ang pagkalimot ni Grace sa pagmamahalan nila. Tuluyan na ba talaga siya nitong nakalimutan?
‘Di nagtagal si Grace sa ospital, pinalabas na rin ito ng doktor at sinabing sa bahay na lamang magpagaling. Ginamit ni Donya Mercedes ang kalagayan ng anak upang tuluyan itong mailayo kay Thomas. Gaya ng inasahan ay hindi na nakita pa ng binata ang nobya nang lumabas ito sa ospital. Nabalitaan na lamang niya na malapit na itong ikasal kay Carlito, ang binatang gustung-gusto ni Donya Mercedes na mapangasawa ng anak. Mayaman din kasi ang pamilya nito. Dahil sa natuklasan ay parang nadurog ang puso ni Thomas ngunit handa niyang gawin ang lahat para mapalapit man lang sa babaeng pinaka-iibig niya. Nilakasan niya ang loob at kinausap si Donya Mercedes. Muli siyang nakiusap rito.
“Parang awa niyo na po, handa po akong maglingkod sa inyo bilang alipin. Kahit hindi niyo ako bayaran sa aking gagawing pagsisilbi. Makita ko lang po si Grace,” pakiusap niya sa donya habang nakaluhod sa harap nito.
Napahalakhak si Donya Mercedes sa sinabi niya.
“Ngayon ko nalaman na ganyan ka pala kadesperado? Sige, pagbibigyan kita sa hiling mo. Baka kasi sabihin mong napakasama kong tao. Sige, papayagan kitang magsilbi sa akin bilang muchacho. Maaari mong makita si Grace, pero hinding-hindi mo siya maaaring lapitan Ialung-lalong hindi mo siya puwedeng kausapin, naiintindihan mo ba, hampaslupa?”
“Opo, Donya Mercedes. Naiintindihan ko po.”
Nagsilbi siya sa mansyon ni Donya Mercedes nang walang bayad. Makita lamang niya si Grace ay masayang-masaya na siya ngunit kapag nakikita niya ang dalaga na yakap-yakap ni Carlito ay nakakaramdam siya ng matinding selos. Sa tuwing dumadalaw roon ang binata ay wala itong ginawa kundi ang lumingkis kay Grace. Kahit hirap na hirap na ang kalooban ay nagawa pa ring magtiis ni Thomas. Mapagmasdan at mapagsilbihan lang niya ang nobya ay malaking bagay na para sa kanya. Alam niya na wala siyang laban kay Carlito at kay Donya Mercedes. Ano nga bang laban ng isang hampaslupan na gaya niya sa mga ito?
“Mahal na mahal kita, Grace. Kahit masakit na makita kang kapiling ng iba’y kakayanin ko, dahil hindi ko kayang iwan ka, mahal ko,” bulong niya sa isip.
Nang sumunod na araw ay tinawag siya ni Grace at inutusan siya na ipagtimpla ito ng gatas. Hindi siya nakatanggi sa utos ng dalaga kaya agad niyang sinunod ang utos nito at dinala sa kwarto.
“Heto na po ang gatas, senyorita,” wika ni Thomas sa magalang na boses.
“Salamat. Ano nga ulit ang pangalan mo?” tanong ng dalaga.
“A, eh, T-Thomas, Thomas po ang pangalan ko.”
“T-Thomas? Teka, parang pamilyar sa akin ang pangalang iyan.”
Nang biglang pumasok sa kwarto si Carlito at nakita nitong kausap niya si Grace. Napakaseloso pa naman ng binata kaya hindi nito napigilang magalit nang makita siya. Alam nito na siya ang tunay na nobyo ni Grace. Malaki rin ang inggit sa kanya ni Carlito dahil kahit noon pa ay may pagtingin na ito sa dalaga.
“Ano’ng ginagawa mo rito sa kwarto ng fiance ko?” galit na sabi ng binata.
“Ipinagtimpla ko lang po ng gatas si Senyorita Grace,” sagot niya.
Nilapitan siya nito at dinuro-duro.
“Hoy g*go, akala mo siguro ay hindi ko alam ang balak mo, ano? Kunwari ka pa na nagpapanggap na alila dito sa mansyon, pero ang totoo ay gusto mo lang agawin sa akin si Grace! Wala kang karapatan sa kanya, hindi ka gusto ni Tita Meredes para kay Grace!” sigaw ni Carlito sabay tulal nang malakas sa kanya.
“A-anong ibig mong sabihin, Carlito?” nagtatakang tanong ng dalaga.
Pagkatapos na insultuhin si Thomas ay walang awa siyang pinagsusuntok ni Carlito at kinaladkad palabas sa mansyon. Gustong lumaban ni Thomas ngunit natatakot siya na kapag nalaman iyon ng mama ni Grace ay tuluyan na nitong ilayo sa kanya ang dalaga. Kaya handa siyang magpabugb*g para sa babaeng minamahal niya.
“Tumigil ka na, Carlito! Huwag mo siyang saktan, maawa ka sa kanya!”
Hindi malaman ni Grace kung bakit siya nakaramdam ng kakaiba habang sinasaktan ni Carlito si Thomas. Magkahalong galit at pagkamuhi ang naramdaman niya sa binata.
Bigla na lamang bumunot ng baril si Carlito at pinaputukan sa dibdib si Thomas. Matapos ang ginawa ay wala ito sa sariling nagtatakbo palayo.
Ikinagimbal ni Grace ang nasaksihan. Biglang bumalik sa kanyang alaala ang lahat. Nang makita na nakahandusay sa semento ang sugatang kasintahan ay dali-dali niya itong nilapitan.
“Thomas, Thomas, gumising ka, mahal ko!” anito sa nag-aalalang tono.
Nang imulat ni Thomas ang mga mata ay nasilayan niya ang nag-aalalang mukha ni Grace.
“N-naaalala mo na ako, mahal ko?”
“Oo, naaalala ko na ang lahat. Hinding-hindi ako papayag na may masamang mangyari sa iyo, dadalhin kita sa ospital!”
Isinugod ni Grace sa ospital ang pinakamamahal na kasintahan. Mabuti na lamang at hindi malala ang kundisyon nito kaya naging mabilis din ang paggaling ng binata. Umatras ang dalaga sa kasal nila ni Carlito. Sinampahan niya ito ng reklamo sa mga awtoridad dahil sa ginawa nito kay Thomas na ‘di nagtagal ay pinagdusahan ang kasalanan sa piitan. Kahit kailan ay hindi naman niya minahal ang binata. Ang mama lamang niya ang may gustong maikasal siya rito. Humingi naman ng tawad si Donya Mercedes kay Thomas sa lahat ng ginawa nito. Pumayag na rin ito sa relasyon nila ni Grace. Desidido na si Thomas na ituloy na ang naudlot nilang kasal.
“Salamat, Thomas, sa pagmamahal. ‘Di ko akalain na nagawa mong manilbihan kay mama para lamang sa akin,” wika ni Grace nang malaman ang ginawang pagsisilbi ni Thomas sa mansyon.
“Dahil ganoon kita kamahal, Grace,” sinserong sabi ng binata.
“Ngayong wala nang hadlang pa sa pagmamahalan natin ay tatanungin kitang muli, will you marry me, mahal ko?” tanong ni Thomas sa ikalawang pagkakataon sabay suot ng singsing sa daliri ng nobya.
“Kahit kailan ay hindi magbabago ang sagot ko, Thomas. Yes, I will marry you,” tugon ni Grace at masuyong hinalikan sa labi ang lalaking pinaka-iibig niya.