Nagmamahalan ang Dalawang Ito Subalit Mortal na Magkalaban ang Kani-Kanilang Pamilya; Maghihiwalay na Lamang Ba Sila o Susundin ang Hiyaw ng Damdamin?

Nagmamahalan ang Dalawang Ito Subalit Mortal na Magkalaban ang Kani-Kanilang Pamilya; Maghihiwalay na Lamang Ba Sila o Susundin ang Hiyaw ng Damdamin?

FamilyLoveStories

Masayang-masaya sina Digna at Paulo dahil matapos ang kanilang mga pinagdaanan sa usaping pag-ibig, sa wakas ay magsasama na rin sila bilang mag-asawa.

Tandang-tanda pa ni Paulo kung paano siya halos itakin ng tatay ni Digna, nang humarap siya rito at umakyat ng ligaw.

“Huwag na huwag kang magpapakita sa akin, ungas ka! Hindi kita tanggap para sa anak ko!” natatandaang sabi ng tatay ni Digna sa kaniya noon.

“Malinis po ang intensyon ko sa anak ninyo, sir… huwag naman po ninyong masamain. Kaya po ako narito para ipaglaban ang pag-ibig ko sa anak ninyo. Hinding-hindi ko po siya lolokohin. Ibibigay ko po sa kaniya ang lahat ng mga gusto niya—-”

Hindi na niya natapos ang kaniyang mga sasabihin nang habulin na siya ng taga ng tatay nito.

“Ayaw sa akin ng tatay mo. Anong gagawin natin? Ipagpapatuloy pa ba natin ang pagmamahalan natin?” tanong ni Paulo kay Digna, isang gabing palihim silang nagkita.

“Isama mo na ako. Itanan mo na ako. Hindi na rin naman ako masaya sa bahay. Si Tatay… napakahigpit. Nakakasakal siya. Tara na at nasa hustong gulang na naman na ako, kaya ko nang magdesisyon para sa sarili ko.”

Hindi na sila nagpatumpik-tumpik pa. Nang gabing iyon, biglaang napagplanuhan at biglaan lamang din ang kanilang aksyon. Wala silang ibang naisip na lugar na puwedeng puntahan kundi Maynila.

Matagal nang may alitan ang kani-kanilang mga pamilya; alitan dahil sa lupang sakahan. Mortal na magkaaway ang mga tatay nila, na dati umanong magkaibigan subalit nagkaroon umano ng ‘onsehan’ sa hatian ng ani.

Alam nina Digna at Paulo na mas may posibilidad pang pumuti ang uwak at umitim ang tagak kaysa magkaayos ang kani-kanilang mga pamilya, at sa palagay nila ay hindi naman sila damay rito. Walang kinalaman sa kanilang mga sigalot ang hinihiyaw ng kanilang puso.

Sa Maynila, masaya silang nagsama. Wala silang pinagsabihang sinuman kung nasaan sila. Kahit ang kanilang malalapit na kaibigan, hindi alam kung saan sila nagpunta.

“Paglayuin man tayo ng tadhana mahal ko, lalabanan natin ito,” masuyong wika ni Paulo habang hinahagkan-hagkan ang buhok ng kaniyang kasintahang si Digna. Pareho silang nakahiga sa kama at katatapos lamang maabot ang rurok ng kaligayahang magkasama.

“Ipangako mo sa akin na lalaban tayo hanggang dulo, mahal… sa kabila ng mga pagsubok na kinahaharap ng ating pagmamahalan,” sabi naman ni Digna.

“Oo mahal… walang sukuan hanggang dulo. Napaglabanan na nga natin, ‘di ba?”

Makalipas ang apat na buwan, nabalitaan na lamang ng dalawa na lalong tumindi ang away ng kani-kanilang mga tatay.

“Huwag na tayong bumalik doon sa atin. Lalo lang gugulo,” sabi ni Digna kay Paulo.

“Oo. Ayoko na ring bumalik doon.”

Akala nina Digna at Paulo ay tuluyan na silang maninirahan nang tahimik subalit may nakaaway si Paulo na kanilang kapitbahay. Kaya minabuti na lamang nilang lumipat ng ibang matutuluyan.

Sa paglipat nila ng panibagong matutuluyan, si Digna naman ang may nakaalitang kapitbahay dahil lamang sa kaniyang mga sinampay na naiharang niya sa bintana ng inuupahan nitong kuwarto.

Humanap ulit sila ng ibang matutuluyan.

“Mukhang minamalas yata tayo ah. Isinumpa kaya tayo ng mga magulang natin dahil sa ginawa natin? Dahil ba walang basbas mula sa kanila ang ginawa natin, at sama ng loob ang dinala natin sa kanila?” sabi ni Paulo.

“Alam mo naiisip ko rin ‘yan. Mabuti pa kaya, umuwi na tayo at makipag-usap tayo nang maayos sa kanila? Malay mo, tayo pala ang susi para magkaayos ang mga pamilya natin,” pahayag naman ni Digna.

Kaya lakas-loob na muling bumalik ang magkasintahan sa kanilang baryo. Magkahawak-kamay silang muling nagpakita sa kani-kanilang mga pamilya, at nakiusap sila na mag-usap-usap sila alang-alang sa kanila.

“Parang awa na po ninyo. Magkaayos na po tayo bilang isang pamilya. Maiksi lang po ang buhay. Huwag nating sayangin dahil lamang sa mga hindi pagkakaunawaan. Tapusin na po natin ang mga hidwaan at sa halip ay magkaisa,” wika ni Paulo.

“Tama po si Paulo. Mahal namin ang isa’t isa. At sana po, maging instrumento ang pagmamahalan namin upang maghilom na ang sugat ng kahapon. Patawarin na po natin ang isa’t isa. Buntis na po ako,” umiiyak na sabi naman ni Digna.

Nang malaman ng mga tatay nila na nagdadalantao na si Digna, minabuti nilang huwag nang magparunggitan. Tama naman ang mga anak nila.

Panahon na rin siguro upang magkaayos sila. Matatanda na rin sila. Alang-alang sa kanilang mga anak, at sa magiging apo nila.

Hindi man naibalik sa dati ang samahan ng magkaibigan, hindi na naman sila nag-aaway at nagpapang-abot. Minabuti nilang tuluyang magkapatawaran at igalang ang isa’t isa.

Masayang-masaya sina Digna at Paulo. Ngayon, masaya na silang magsasama na walang agam-agam, dahil may basbas na mula sa kanilang mga magulang ang kanilang pagmamahalan.

More Stories