Ayaw na Ayaw ng Ginoong Ito sa mga Alagang Aso ng Kaniyang Misis; Ngunit sa Huli, Magpapasalamat Siya sa mga Ito

Ayaw na Ayaw ng Ginoong Ito sa mga Alagang Aso ng Kaniyang Misis; Ngunit sa Huli, Magpapasalamat Siya sa mga Ito

HeartbreakingInspiringStories

“Ano ba ‘yan! Bakit may dalawang tuta rito?”

Inis na inis si Mang Dado nang pag-uwi niya sa bahay mula sa trabaho ay madatnan niya ang dalawang tutang mahimbing na natutulog sa terasa ng kanilang bahay.

“Eh, gusto ko kasing mag-alaga ng tuta. Naiinip kasi ako rito sa bahay. Sila na lang ang gagawin kong babies,” nakangiting sagot naman ni Aling Nelia na kaniyang misis. Sa loob ng 20 taon nilang pagsasama ay hindi na sila biniyayaan ng mga anak.

Tanggap naman ni Mang Dado na siya ang may diperensya kaya hindi niya mabigyan ng anak ang misis. Mahal na mahal naman siya ng misis niya kaya walang problema rito kung dalawa lamang sila sa buhay.

“Alam mo namang ayokong-ayoko sa mga aso eh… mainam na ang pusa huwag lang aso!” muling pahayag ni Mang Dado.

“Eh wala naman akong mahanap na pusa, hayaan mo kapag may nakita akong pusang kalye, kukunin ko at aalagaan din para patas na tayo,” inis na sabi ni Aling Nelia habang nagsasandok siya ng kanin at ulam para makakain na sila.

Malalim ang pagkadisgusto ni Mang Dado sa mga aso at tuta.

Noong bata kasi siya, madalas siyang habulin ng mga asong kalye kapag naglalaro at naghahabulan sila ng mga kalaro niya.

Isang beses, kumaripas siya nang takbo nang habulin siya ng isang malaking dobberman. Nadapa siya, nangudngod sa lupa, at natanggal ang isa niyang ngipin sa harapan.

Bukod sa palong natanggap niya mula sa mga magulang dahil pinagbabawalan siya ng mga ito na makipaglaro sa lansangan, masakit din ang kaniyang ngipin at tuhod dahil sa pagkakadapa.

Kaya kapag nakakakita siya ng mga aso ay nagsisiklab ang kaniyang kalooban.

Wala na ngang magawa si Mang Dado nang alagaan at palakihin ni Aling Nelia ang dalawang tuta, na pinangalanan nitong Uno at Dos. Pawang malalambing sila at talaga namang tiniyaga ni Aling Nelia na turuan kung paano dumumi, umihi, at mahiga sa tamang lugar.

Ayaw niya kasing mapagsabihan ng mister na ‘Sabi ko naman sa ‘yo eh!’

Kapag tumatahol ang mga aso at kumakawag ang mga buntot sa tuwing dumarating si Mang Dado mula sa labas, sisigaw na ito na para bang takot na takot.

“Nelia, yung mga aso mo! Kunin mo nga muna at hindi ako makapasok!” sasabihin ni Mang Dado.

Lalabas naman si Aling Nelia at sasawayin ang mga alaga.

“Uno, Dos, tahimik!”

At parang mga taong nakauunawa na tatabi naman ang mga ito at tatahimik.

“Ikaw naman… tawagin mo lang mga pangalan nila, tatahimik na ‘yang mga ‘yan. Mababait iyang sina Uno at Dos!”

“Ah basta ayoko pa rin sa kanila!” wika ni Mang Dado.

Makalipas ang sampung buwan at ang lalaki at tataba na nina Uno at Dos. Minsan, umalis si Aling Nelia at ipinagbilin niya sa mister na noon ay walang pasok, ang pag-aalaga at pagpapakain sa mga aso. Dadalawin nito ang nanay niya na nasa kabilang bayan dahil may sakit.

“Painumin mo rin kung nauuhaw, bigyan mo ng yelo kasi gustong-gusto nilang dilaan iyon, mainit ang panahon,” bilin ni Aling Nelia.

Walang nagawa si Mang Dado kundi pakainin at painumin sina Uno at Dos. Matapos niyang pakainin, nagsilapitan ang mga ito sa kaniya at dinila-dilaan siya habang kumakawag-kawag ang mga buntot.

Sa halip na matakot, hinimas-himas ni Mang Dado ang ulo ng dalawang aso. Natuwa at nasiyahan naman siya sa kaniyang ginawa.

Sa loob ng tatlong araw na wala si Aling Nelia, nabuo ang magandang ugnayan sa pagitan nina Mang Dado, Uno at Dos.

Isang gabi, naalimpungatan si Mang Dado sa ingay at pagkalabit sa kaniya ng dalawang aso.

Napabangon siya nang makita niyang nasusunog ang kanilang bahay! Mabuti na lamang at ginising siya nina Uno at Dos dahil sa pagkahol ng mga ito at pagkalabit sa kaniya.

Dali-dali siyang lumabas ng bahay. Nasusunog na pala ang hilera ng kanilang kabahayan. Wala man lamang siyang naisalba o nabitbit na kahit na anong gamit!

Saka niya naalala na hindi pala niya nabitbit sina Uno at Dos.

“Teka muna, yung mga aso, babalik ako—-”

Subalit bumagsak na ang bubungan na kanina pa pala natutupok.

Nadaganan na ang mga aso.

Nanghina si Mang Dado. Sa ilang buwang pagsasama-sama nila, napamahal na rin sa kaniya ang mga asong sina Uno at Dos na siyang naging tagapagligtas niya.

Halos maglupasay naman sa iyak si Aling Nelia nang makita niya ang naabong bahay.

Wala silang naisalba ni isa.

Lalo siyang nanggipuspos nang makita ang sunod na katawan ng kaniyang mga alaga, na nagligtas ng buhay ni Mang Dado.

“Sinakripisyo nila ang buhay nila para sa iyo, Dado…” nakayakap at umiiyak na sabi ni Aling Nelia sa kaniyang asawa.

“Minahal ko na rin sila, lalo na sa tatlong araw na magkakasama kami. Maraming salamat, Uno at Dos! Hinding-hindi ko kayo makalilimutan habambuhay!” usal ni Mang Dado.

Gamit ang kanilang munting impok sa bangko, nagsimulang muli sina Mang Dado at Aling Nelia para sa kanilang panibagong buhay.

Panibagong bahay.

Panibagong mga alaga!

Tuluyan nang nawala ang takot ni Mang Dado sa mga aso; siya mismo ang nag-aalaga sa tatlo nilang fur babies—sina Tres, Kuwatro, at Singko!

Naiiyak man kapag tinitingnan niya ang mga larawan nina Uno at Dos sa kaniyang cellphone, bumabawi na lamang siya sa pag-aalaga ng kanilang mga bagong ‘anak’.

More Stories