Inday TrendingInday Trending
Pumuslit ang Pulubi sa Loob ng Kainan; Nagulat ang Lahat sa Ginawa ng Isang Crew sa Kaniya

Pumuslit ang Pulubi sa Loob ng Kainan; Nagulat ang Lahat sa Ginawa ng Isang Crew sa Kaniya

Napakunot ang noo ni Leo na isang service crew sa fastfood chain na iyon nang mapansing nakapuslit sa loob ng kanilang kainan ang isang marungis na matandang pulubi. Sinundan niya ito ng tingin at nakita niyang nangangatal nitong sinisimot ang mga tira-tirang pagkain sa mga platong iniwan na ng kanilang mga customers.

Napailing si Leo. Bawal kasi ang ginagawang iyon ng matanda. Siguradong mapapagalitan sila ng kanilang manager kapag nakita nito ang ginagawa ng pulubi. Malilintikan din panigurado ang guwardiyang naka-duty ngayon dahil hindi nit napansing napapasok niya pala ang naturang pulubi.

Naglakad si Leo upang lapitan ito. Ang akala ng mga nakakitang customers, pati na rin ng kaniyang mga kasamahan ay sasawayin ni Leo ang matanda upang paalisin…

Ngunit nagulat sila nang makitang inabutan ni Leo ng menu ang pulubi at pinapili ng pagkaing gusto nito!

“P-pero, hijo, wala akong ibabayad diyan,” naluluhang sabi ng matandang nakahawak na sa kaniyang kumakalam na sikmura.

“Ako po’ng bahala, sir. Pili na ho kayo ng kahit ano. Unang sahod ko ho ngayon,” nakangiti namang sagot ng napakabuting binata!

Tila nagliwanag ang mga mata ng naturang pulubi. Natuwa ito sa kaniyang sinabi at hindi na nakipagtalo pa. Pumili ito ng pagkain at malugod naman iyong tinanguan ni Leo.

“Upo muna po tayo, sir,” magalang pang ani Leo sa matanda na para bang isa rin itong regular customer sa kanilang kainan.

Maluha-luha namang tumango ang matanda at nagsambit ng labis na pasasalamat sa binata.

“Wow, sana all mabait at mapagbigay!” biro ng isang kasamahan ni Leo sa kaniya habang siya’y kumukuha ng pagkain para sa matandang pulubi na kaniya nang binayaran.

Nginitian lang ito ni Leo at madali nang ibinigay sa matanda ang order nito’t masaya itong kinain nang may ngiti sa labi.

Kinabukasan, kinabahan ang lahat nang magpatawag ng meeting para sa lahat ng crew ang kanilang boss. Ayon dito’y tungkol daw sa ginawa ni Leo ang kanilang pag-uusapan.

Pumasok sa kanilang store ang makisig nilang boss. Seryoso ang mukha nitong halata ang pagkaistrikto kaya nama pigil ang paghinga ng mga crew at kinakabahan sila para sa kasamahan nilang si Leo.

“Good morning,” paunang bati ng kanilang boss.

“Good morning, sir!” sabay-sabay namang sagot ng magkakatrabaho, kasama na roon si Leo.

“Alam n’yo naman na siguro kung bakit ako nagpatawag ng meeting, hindi ba?” tanong pa nito na agad namang tinanguan ng kaniyang mga empleyado.

“Leo,” tawag nito sa binata. “Hindi ba’t bago ka pa lang dito? Ano ang naisipan mo’t ginawa mo ang bagay na iyon kahapon?”

“Yes, sir, bago lang po ako. Naisip ko lang pong ibahagi sana ang blessing na natatanggap ko simula nang makapasok ako rito bilang crew n’yo. Unang sahod ko po kasi kahapon,” deretsong sagot naman ng binata.

“Hindi ka man lang ba natakot na baka magalit ako dahil sa ginawa mo? Paano kung tanggalin kita sa trabaho dahil may nag-complaint na customer dahil hindi sila kumportableng may kasabay silang pulubi sa pagkain?” mariing tanong ulit ng kanilang boss.

“No, sir. Alam ko pong hindi n’yo ako tatanggalin sa trabaho, dahil sa kainan po nating ito ay ipinatutupad n’yo ang No Discrimination Policy. Nakasaad po roon na dapat naming tratuhin nang tama ang lahat ng papasok sa ating store, mahirap man o mayaman. Matanda man, may kapansanan, bata, matanda sa kahit anong kasarian. Sa totoo lang po, ginawa ko ’yon, sir, dahil kayo ang idol ko,” mahaba namang sagot ni Leo na noon ay ikinangiti ng kaniyang bossing.

“That’s right! Maraming salamat, Leo, sa pagsasabuhay ng policy ng ating store. Pinatunayan mong hindi nga ako nagkamali na tanggapin ka rito bilang kasapi ng pamilya. At dahil diyan, may bonus ka sa akin sa susunod na cut off, ayos ba?” natutuwa pang sabi ng kanilang mabait ding boss at nagpalakpakan naman ang kaniyang mga empleyado!

Dahil din sa ginawang iyon ni Leo, na nag-viral sa social media, ay mabilis na nakilala ang kanilang kainan at dinayo ng napakaraming customers! Ganoon pa man ay nanatili ang maganda at mabuting patakaran ng kanilang store na nagtuturo sa marami na mahalaga pa rin ang pakikipagkapwa tao, tayo man ay may kaya sa buhay o simpleng tao lang.

Unti-unti ang naging paglago ng kainang iyon at kalaunan ay naging number one fastfood chain pa sa ‘Pinas! Salamat sa mabuting empleyadong si Leo na kalaunan ay na-promote bilang manager, at sa magandang patakaran at pamamalakad ng kanilang mabait at mabuti ring boss.

Advertisement