Inday TrendingInday Trending
Kahit Nakakulong ay Nagagawa pa rin ng Isang Amang Turuan ang Kaniyang Anak; Sa Loob Lamang Ito ng Trenta Minuto

Kahit Nakakulong ay Nagagawa pa rin ng Isang Amang Turuan ang Kaniyang Anak; Sa Loob Lamang Ito ng Trenta Minuto

“Limuel, oras na ng iyong e-dalaw. Maaari mo ng tawagan ang pamilya mo,” wika ni BJMP Velasco.

“Salamat po sir,” natutuwang pagpapasalamat ni Limuel sa butihing BJMP ng kanilang selda.

Agad namang minani-obra ni Limuel ang computer upang makipag-video call sa kaniyang asawang si Olivia. Dahil sa nangyaring pandemya kaya ipinagbawal na ang pagdalaw ng mga laya sa kanila.

Ang magagawa na lamang nila ay makipag-video call sa mga ito ng kalahating oras. Iyon lamang ang limitadong oras ng kanilang e-dalaw.

“Olivia, kumusta na ang mga anak natin?” Tanong agad ni Limuel sa asawa ng sagutin nito ang kaniyang tawag.

“Ayos lang naman sila, Limuel. Kanina ka pa iniintay ni Cheska, magpapaturo raw kasi siya sa kaniyang module.” ani Olivia.

“Nasaan na siya? Tawagin mo na’t trenta minutos lang ang ibinigay na oras sa’kin,” malungkot na wika ni Limuel.

Kung tutuusin ay kulang ang trenta minutos upang makausap niya ang kaniyang pamilya, ngunit mas pipiliin na lamang niya iyon kaysa ang hindi niya makumusta at makita ang mga ito.

Dalawang taon na rin mula noong nakulong siya rito sa bilibid, sa kasong Frustrated M*rder, muntik na kasi niyang map*tay ang kapatid ng kaniyang asawa noon.

Pinagsisihan niya ang kapusukang nagawa. kung maibabalik man niya ang nakaraan ay mas ipagkakatiwala na niya ang lahat sa batas. Kung hindi niya inilagay ang batas sa kaniyang mga kamay, sana’y kasama niya pa rin ang kaniyang pamilya.

“Papa, ito po kasi ang sasagutan namin ngayon. Sa Biyernes na po ang pasahan nito,” ani Cheska na ngayon ay nasa harapan na ng kamera.

“Sige anak, simulan na natin ang pagsagot. Kapag hind natin ‘yan matapos ngayon ay magpaturo ka na lang kay mama ah,” ani Limuel. Agad namang tumango si Cheska, bilang pagtugon sa sinabi ng ama.

Lingid sa kaalaman ni Limuel ay kanina pa pala siya pinagmamasdan si BJMP Pablo. Tahimik lamang siyang pinagmamasdan nito habang nakakaramdam ng pagkahabag sa amang kahit nasa loob ng piitan ay pinipilit pa ring maging mabuting ama para sa mga anak.

Makalipas ang trenta minutos ay natapos na ang oras ni Limuel, kaya kinailangan na niyang magpaalam kay Cheska at sa kaniyang asawa pati na rin sa dalawa pa niyang mga anak.

“Bukas na lang ulit, Cheska ah. Bukas kapag tatawag na ako’y ihanda mo na kaagad ang mga sasagutan natin kasi trenta minutos lamang ang ibinigay kay papa. Mag-iingat kayo riyan at huwag niyong pahihirapan si mama ninyo ah,” bilin ni Limuel sa tatlong anak.

“Opo papa,” sang-ayon naman ng kaniyang tatlong anak.

“Pasensiya ka na Olivia kung hindi kita natutulungan. Babawi ako kapag nakalaya na ako,” malungkot na wika ni Limuel.

Agad namang ngumiti ang asawa sa kabilang linya. “Ang mahalaga lang naman Limuel, ay ingatan mo ang sarili mo d’yan. Alam kong balang araw magkakasama rin tayong lima,” ani Olivia.

Nang matapos ang kaniyang e-dalaw ay kinabahan pa siya ng harangin siya ni BJMP Pablo. May kasalanan ba siyang nagawa?

“Limuel, nakita ko kaninang tinuturuan mo ang anak mo sa module nila,” ani Pablo.

Agad namang ngumiti si Limuel. “O-opo sir. Dalawa na po kasi ang tinuturuan ng asawa ko, kaya sa’kin na nagpapaturo ang bunso kong anak. Minsan nga po’y nabibitin kasi trenta minutos lang, pero ayos na po iyon sa’kin sir ang mahalaga’y naturuan ko ang anak ko kahit sa maiksing oras lang. Nararamdaman ko pa ring ama ako sa kanila,” malungkot na ngumiti si Limuel.

“Hayaan mo at magrerequest akong habaan ang e-dalaw mo Limuel,” ani Pablo na ikinabigla ni Limuel. “Nakikita kong isa kang mabuting ama, sa kabila ng pagkakulong mo. Mabigat ang kaso mo ngunit, hindi ibig sabihin no’n ay masamang tao ka.

Pinabilib mo ako kanina kasi kahit nandito ka sa loob ay ginagampanan mo pa rin ang obligasyon mo sa kanila bilang ama kahit sa gano’n kaliit lamang na bagay. Magpakabait ka lang Limuel, at baka mas mapaaga ang paglaya mo,” anito sabay tapik sa kaniyang balikat.

Mangiyak-ngiyak na tumango si Limuel. “Salamat po sir. Malaking bagay na po sa’king madagdagan ang oras ng e-dalaw ko. Pinagsisihan ko na po ang kapusukan ko noon. Dahil doon kaya naparito akp ngayon, malayo sa pamilya ko. Ipagpapasalamat ko po ng malaki kung mangyari mang mabigyan ako ng parol.”

“Basta manalig ka lang Limuel. May Amang nakikinig sa’yo. Bukas dadagdagan ko ang oras ng iyong e-dalaw,” ani BJMP Pablo, saka nagpaalam.

Bumalik naman si Limuel sa kaniyang selda na may ngiti sa labi. Wala siyang ibang inaasam na sana lumakad ng mabilis ang panahon upang muli na niyang makasama ang kaniyang pamilya.

Kinabukasan gaya ng ipinangako ni BJMP Pablo ay dinagdagan nga nito ang oras ng kaniyang e-dalaw. Mula sa trenta minuto ay ginawa nito iyong dalawang oras, upang mas maging sapat ang pagtulong niya sa kaniyang mga anak sa module ng mga ito at para kahit papaano’y makausap niya pa at makamusta ang mga ito ng hindi nagmamadali.

Matagal pa ang kaniyang paglaya, dahil pitong taon ang hatol sa kaniya. Ngunit gaya ng sinabi ni BJMP na magpakabait lamang siya’t baka may mangyaring himala. Iyon ang pinanghahawakan niya araw-araw.

Darating ang araw na makakalaya siya at makakasama na niya ang kaniyang pamilya. At sa mga oras na iyon ay hindi na limitado ang oras niya. Pangako niyang sa pagdating ng araw na iyon ay lubusan siyang babawi sa lahat ng panahong nagkawalay sila ng kaniyang pamilya.

Advertisement