Nalaman Niyang Palihim na Kinuha ng Katulong ang Kaniyang Paboritong Bag; Anong Parusa nga ba ang Nararapat Rito
“Daddy, nakita mo ba ang kulay pula kong bag?” Nagtatakang tanong ni Sabrina sa asawang si Gabriel.
“Ano naman ang gagawin ko sa mga bag mo?” Ani Gabriel.
“Alam ko dito ko lang iyon nilagay e,” naiinis ng wika ni Sabrina.
Nasaan na ba ang kaniyang pulang bag? Isang beses lamang niya iyong nagamit at ngayon ay nawawala na sa kaniyang pinaglagyan. Imposibleng mawala ang bag na iyon kung walang gumamit.
“Hi Ate Sabrina,” masiglang bati ni Annie sa among si Sabrina.
“Hello Annie, kumusta ang bakasyon mo?” Masayang bati rin ni Sabrina sa katulong.
Bata si Annie sa kaniya ng halos tatong taon, kaya kapag kinakausapniya ito’y kaswal lamang na tila ba magkaibigan lang silang dalawa. Ayaw niya rin kasi ‘yong tipong kinakatakutan siya ng mga kasama nila sa bahay por que siya ang amo. Gusto niya na magaan lang ang lahat.
“Ayos lang naman po. Masaya kasi siyempre kasama ko ang pamilya ko. Ang totoo nga po’y namimiss ko na kaagad sila,” anito na bahagyang may lungkot sa tinig.
“Hayaan mo na Annie, mabilis lang namang lumipas ang araw. Hindi mo namamalayan na bukas, uuwi ka na naman sa pamilya mo,” ani Sabrina. Pinapagaan ang pakiramdam ni Annie.
Tatlo ang katulong niya sa bahay at lahat ay may kaniya-kaniyang trabaho. Ayaw niya rin kasing sagarin ang pagod ng kaniyang mga katulong kaya mas maiging may mga kaniya-kaniyang trabaho, upang mas magiging maayos ang lahat at wala siyang maringgan na reklamo.
“Ate Sabrina,” natatarantang tawag sa kaniya ni Jhea, isa sa kaniyang katulong. “Hindi ba’t ito ang bag mong nawawala?” Anito.
Bigla namang naintriga si Sabrina sa narinig. Oo nga’t ikinalungkot niya ang pagkawala ng kaniyang paboritong bag.
“Halaka! Ibig sabihin si Annie lang pala ang kumuha no’n?” Gulat na wika namanni Den-den, isa sa kaniyang katulong. Si Den-den ang kaniyang taga-luto.
Hindi mapigilan ni Sabrina na titigan ang litratong ipinost ni Annie sa social media nito.
“Ang lakas ng loob niyang gamitin ang bag mo Ate Sabrina, saka ipinost pa talaga sa social media. Gusto niyo ate mag-comment ako? Tsk! Hindi nahiya, ninakaw lang naman niya ang bag na ito,” nanggigigil na wika ni Jhea.
“Huwag kayong magkokomento ng masama sa post na iyan,” ani Sabrina. “Kakausapin ko na lang siya nang masinsinan. Mas maigi iyon kaysa ipahiya siya sa taong bayan.”
“Tama si Ate Sabrina, Jhea.” Sang-ayon ni Den-den, kaya walang nagawa si Jhea kung ‘di itikom ang bibig.
Gaya ng nais gawin ni Sabrina ay ipinatawag niya si Annie at masinsinang kinausap. Kasama sina Jhea at Den-den ay kinausap niya si Annie.
“Sorry po talaga Ate Sabrina, nagustuhan ko rin kasi ang bag na iyon. Ang totoo po ay gusto kong hiramin ang bag na iyon sa inyo bago pa ako umuwi. Kaso naisip ko baka hindi niyo ako payagan,” nakayuko at mangiyak-ngiyak na wika ni Annie.
“Kaya ang ginawa mo’y kunin na lamang iyon ng palihim?” ani Sabrina, agad namang tumango si Annie. “Annie, alam na alam mo na ayaw ko sa mga taong hindi mapagkakatiwalaan. Ayoko sa mga taong may malilikot na kamay. Kung tutuusin ay maaari kitang ipa-pulis dahil sa ginawa mo pero hindi ko gagawin,” ani Sabrina na may inis sa boses.
“Sorry po,” nakayuko pa ring wika ni Annie.
“Annie, iniisip kong sibakin ka dahil sa ginawa mong ito. Hindi ko alam kung dapat pa ba kitang pagkatiwalaan sa ginawa mong pagkuha ng palihim sa bag ko. Hindi ko alam kung ilang gamit ko na ang kinuha mo—”
“Ate, promise, ‘yong bag mo lang ang hiniram ko. Pagkauwi ko naman ay binalik ko naman kaagad sa lagayan mo. Sorry po kung naglihim ako. Sorry kung ginamit ko ang gamit mo ng walang paalam,” mangiyak-ngiyak na wika ni Annie.
“Annie, alam mong hindi ako masamang tao. Patas din akong tumingin sa kapwa ko. Hindi por que nagkamali ka ngayon ay buburahin ko na ang mga nagawa mong kabutihan noon.
Sana Annie, mangako kang hindi mo na uulitin ang ginawa mong pagkuha ng gamit ko. Mas mabuting magpaalam ka sa’kin Annie, hindi lang ikaw kung ‘di kayong lahat na kasama ko sa bahay.
Kung positibo o negatibo man ang matatanggap niyong sagot ko’y kailangan niyo iyong tanggapin. Basta ang mahalaga’y alam ko kung ano ang ginawa at kinuha niyo sa’kin. Ayoko nang maulit ang nangyaring ito!” mariing wika ni Sabrina.
“O-opo ate,” sabay na wika ng tatlo.
“Bibigyan pa kita ng pangalawang pagkakataon, Annie at inaasahan kong hindi mo na ako bibiguin pa kagaya ng ginawa mo ngayon sa’kin,” puno ng emosyong wika ni Sabrina.
“Sorry po ate. Pangako hinding-hindi ko na po uulitin. Salamat sa pagkakataong ibinigay mo,” umiiyak na wika ni Annie.
Madalas sa sampung kabutihang nagawa ng isang tao’y isang pagkakamali lamang ay nahuhusgahan na agad sila at nakakalimutan na ang kabutihang nagawa dahil natabunan na ito ng pagkakamaling kaniyang nagawa.
Sana lahat ng tao’y kagaya ni Sabrina, na marunong magbigay ng pangalawang pagkakataon at mas iniisip ang pinagsamahan nila sa mahabang panahon.
Hindi niya hinayaang tabunan ng isang pagkakamali ni Annie ang kabutihang ginawa nito sa nakaraan.