Inday TrendingInday Trending
Kinapanayam ng mga Mag-aaral ang Pinakasikat at Award-Winning na Social Worker sa Pilipinas; May Matutuklasan Sila Ukol sa Buhay Nito

Kinapanayam ng mga Mag-aaral ang Pinakasikat at Award-Winning na Social Worker sa Pilipinas; May Matutuklasan Sila Ukol sa Buhay Nito

“Sige upo kayo ha. Huwag kayong mahihiya. Feel at home.”

Malugod na inestima ni Arthur ang kaniyang mga panauhing mag-aaral sa kolehiyo na nakatakdang magsagawa ng panayam sa kaniya. Si Arthur ay pinarangalan bilang pinakamahusay na social worker ng taon, dahil sa kontribusyon nito sa pagkakawanggawa.

Naupo naman ang mga mag-aaral at sinimulan nang buksan ang kanilang mga cellphones upang mairecord ang kanilang panayam kay Arthur, na sinadya pa nila sa malaking bahay nito sa Taguig.

“Okay, so let us start this interview,” sabi ni Arthur. Hawak niya ang isang tablet upang sagutin din ang ilang mahahalagang mensahe sa kaniyang trabaho habang sumasagot siya sa mga tanong.

“Sir, puwede pong malaman ang full name ninyo, saka kung saan po kayo ipinanganak, and paano po nagsimula ang journey ninyo bilang social worker?” pagsisimula ng isang mag-aaral.

“Sure. My full name is Arthur Pagtulingan. Tubong Marinduque ako, at napadpad lang dito sa Maynila when I graduated in college. Alam ninyo na, cliche mang sabihin, para hanapin ang kapalaran. Pangarap ko talagang makarating ng Maynila noon pa man,” sagot ni Arthur.

“Mayaman na po ba talaga kayo noon pa man? Saka nasa puso na po ba ninyo ang pagtulong sa kapwa, noong bata pa kayo?” tanong naman ng isa.

Ngumiti si Arthur.

“Mahirap lamang kami noon. Magsasaka ang Itang ko. Ang Inang ko ay isang simpleng maybahay. Noon, ni hindi ako mabilhan ng tsinelas sa palengke ng mga magulang ko kaya madalas ay nakayapak lang ako. Natuto lang akong magsuot ng sapin sa paa noong nag-aral na ako sa elementarya. Mahirap ang naging kalagayan ko noon, baka akala ninyo. Sampu kaming magkakapatid.”

Nagulat ang mga mag-aaral sa sinabi niyang sampu silang magkakapatid.

“Hanggang isang araw, isang nakalulungkot na sandali ang dumating sa aming pamilya, at hindi lang sa pamilya namin kundi maging sa buong baryo. Hinagupit kami ng malakas na bagyo, at tumaas ang tubig-baha nang lagpas-tao. Nagkahiwa-hiwalay kaming magkakapatid dahil tinangay ang barong-barong namin ng rumaragasang tubig mula sa baha at pagtaas ng ilog. Maniniwala ba kayong hindi ko na alam kung nasaan na ang mga magulang at kapatid ko? Kung nasaan man sila ngayon hindi ko na alam. Hindi ko alam kung buhay pa sila o nasa langit na.”

Nakata*nga lamang ang mga mag-aaral. Ipinagpatuloy ni Arthur ang kaniyang pagkukuwento.

“Nagpalaboy-laboy ako sa bayan para mabuhay. Naranasan kong sumama sa mga rugby boys. Natuto lamang akong gawin ang mga gawain nila upang mabuhay katulad ng pagnanakaw. Naging snatcher ako. Iyon ang naging paraan ko noon para makakain. Hanggang sa mahuli ako ng isang pulis. Siya pala ang nakuhanan ko ng bag. Sa halip na ipakulong niya ako, kinupkop niya ako at pinag-aral. Siya ang tumayong magulang sa akin. Tinuruan niya akong magbagong buhay. Ayaw niyang maging magnanakaw ako nang tuluyan.”

“Mula noon, nagdesisyon akong muling ayusin ang buhay ko. Kinalimutan ko ang pagnanakaw, kahit na minsan ay nasa sistema ko na noon. Hanggang sa napaglabanan ko naman sa tulong ng pulis na kumupkop sa akin. Wala kasi siyang anak at asawa kaya ako na ang itinuring niyang anak,” pagpapatuloy ni Arthur. Inginuso niya ang kuwadrong nakasabit sa dingding; ang retiradong pulis na nag-aruga sa kaniya, na nagpapahinga sa kuwarto nito nang mga sandaling iyon.

“Hindi ko sinayang ang pagkakataon para mag-aral. Nang makatapos ako, naghanap ako ng trabaho upang maibalik naman ang utang na loob sa kumupkop sa akin. Pagkatapos, nang magkarooon na ako ng sariling pera, naisipan kong tulungan na ang mga batang lansangan na maaaring kagaya ko ay naging biktima rin ng lipunan. Naging biktima lamang ng pagkakataon. Yung mga rugby boys na nasa lansangan, alam kong hindi naman talaga sila masama. Mabigyan lang sila ng pagkakataong magbago at maparamdaman ng pagmamahal, tiyak na muli silang babalik sa direksyon kung saan sila dapat naroon,” paliwanag ni Arthur.

“Kaya pala kayo po ang kinikilalang Ama ng mga Batang Lansangan sa Pilipinas. Dati rin po pala kayong batang lansangan!” tugon ng isang mag-aaral.

“Tama ka riyan. Lubos na makauugnay ka lamang sa isang bagay kapag naranasan mo na ito. Malambot ang puso ko sa mga gaya ninyong kabataan dahil tunay nga ang sinambit ni Dr. Jose Rizal na kayo ang pag-asa ng bayan. Kaya, kailangan kayong pangalagaan dahil kayo ang mag-aangat sa susunod na henerasyon,” pagdidiin ni Arthur.

Matapos ang ilan pang tanungan, nagpaalam na rin ang mga mag-aaral na may bitbit na mga inspirasyon at paghanga sa naging kuwento ng buhay ni Arthur.

Tumanaw si Arthur sa durungawan ng kaniyang bahay. Hinatid ng tanaw ang mga mag-aaral. Nakangiti niyang tiningnan ang langit. Isa pa sa mga dahilan kung bakit niya tinutulungan ang mga batang lansangan, gayundin ang mga nakatatanda, ay dahil bumabawi siya sa mga panahong nawalay ang kaniyang mga magulang at kapatid sa kaniya dahil sa matinding pagbaha. Sa simple ngunit ekstra-ordinaryong paraan ng pagtulong, pakiramdam niya ay naipararamdam na rin niya sa kaniyang pamilya ang walang hanggang pagmamahal.

Advertisement