Inday TrendingInday Trending
Natuwa ang Dalaga Dahil May Nakilala Siyang Lalaki sa Isang Dating App; Ito na ba ang “Right Person” na Maninigurado sa Kaniyang Magandang “Future?”

Natuwa ang Dalaga Dahil May Nakilala Siyang Lalaki sa Isang Dating App; Ito na ba ang “Right Person” na Maninigurado sa Kaniyang Magandang “Future?”

Hindi mahilig sa pakikipagkilala online ang dalagang si Beth, 24 taong gulang. Buong buhay niya, isinubsob niya sa pag-aaral, at nang makatapos ay agad na naghanap ng trabaho upang makatulong sa pamilya. May malalang karamdaman kasi ang kaniyang lola kaya siya lamang ang inaasahan ng kaniyang Inay na tutulong sa kaniya. Nakaligtaan niyang may sarili rin naman siyang buhay na kailangang pagtuunan ng pansin. Mas gusto pa niyang magbasa kaysa makipagkilala at makipag-date sa mga lalaki.

“Alam mo friend dapat sa iyo nagde-dating app! Alam mo, sa dating app ko nakilala si Rory. Okay naman kami. Going strong pa rin naman ang relasyon namin. Mabait naman siya at mapagkakatiwalaan. Huwag kang matakot sa sinasabi ng iba na may dulot na panganib ang pakikipagkilala online. May mga matitino pa rin talaga. Go lang nang go,” payo sa kaniya ng kaibigang si Teresa na may tatlong taon nang karelasyon na nakilala nito sa dating app.

“Sige huwag kang mag-alala, gagawin ko iyan. Turuan mo nga ako,” sabi na lamang ni Beth. Tinuruan siya ni Teresa na i-download ang dating app at kung paano gumawa ng account.

“Enjoy, friend! Don’t forget ah? Swipe left kapag hindi bet, kapag okay at pasok sa taste, swipe right!” bilin ni Teresa sabay kindat sa kaibigan.

Kinagabihan, sinubukan na ni Beth ang sinabi ng kaniyang kaibigan. Mas maraming swipe left, at dalawa naman ang kaniyang natipuhan at na-swipe right. Ang ikalawang lalaki, na may maamong mukha, at tantiya niya ay nasa 27 taong gulang, ay agad na nagbigay ng mensahe sa kaniya.

Hanggang sa makapalagayang-loob na niya ito. Siya si Michael. Hanggang sa inaya na siya nitong magkita. Pinaghandaan ito ni Beth. Nagpaganda siya upang humanga sa kaniya ang lalaki.

“You look so beautiful…” papuri sa kaniya ni Michael nang magkita na sila. Lihim na kinilig naman si Beth sa papuri sa kaniya ni Michael.

Umorder na sila ng pagkain. Binasag ni Michael ang katahimikan.

“So Beth, siguro hindi ka masyadong stressed sa work mo dahil ang fresh mo eh. Blooming ka. May I just know kung ano ang work mo?” tanong ni Michael.

“Sa isang opisina sa Makati. Alam mo na… sanay na laging naka-aircon,” biro ni Beth. Natawa naman si Michael.

“Tell me about yourself naman…” tanong ni Michael.

“Sige… parang slambook pala ang gusto mo ah. I’m Beth, 24 years old. Breadwinner ako ngayon ng family namin. Nagwowork pa naman ang mother ko, pero siyempre, may edad na rin siya, kaya ako ngayon ang talagang lumalagari. May chronic illness kasi ang lola ko. Alam mo na, pamilya muna…” sagot ni Beth.

“That’s good. Ganiyan tayong mga Pilipino eh. Hindi tayo papayag na mapapabayaan natin ang pamilya natin. Kailangan nasesecure natin ang future nila. So talagang saludo ako sa mga young professionals like you na talagang ginagawa ang lahat para lang sa mga mahal nila sa buhay, kahit minsan… o madalas, nasasakripisyo na ang sarili nila,” sang-ayon naman ni Michael.

“Bakit ikaw? Breadwinner ka rin ba? Ang lalim naman ng hugot mo,” pabirong usisa ni Beth.

“Ah yes. Tama. I’m also a breadwinner. Kaya naiintindihan kita. Kaya ako, hindi lang ako bigay nang bigay. Inihahanda ko rin siyempre ang future ko, lalo na kapag nakilala ko na ang ‘the one.’ Sana malapit na,” sabi ni Michael sabay titig kay Beth. Namula naman si Beth.

“Wow. Ang suwerte naman niyang ‘the one’ na iyan. Secure na secure na siya sa iyo,” sabi ni Beth.

“Oo naman. Gusto mo bang maging secure ang future mo?” tanong ni Michael kay Beth.

Kinilig si Beth sa tanong ni Michael. Alam niyang pabiro ito, subalit parang tinatanong na nito kung papayag siyang maging sila, at maging kasintahan ito, sa malapit na hinaharap. At ayaw na niyang magpakipot pa. Mukhang matino naman si Michael.

“Of course. Sino ba naman ang ayaw sa secured na future?” nakatitig na sagot ni Beth kay Michael. Ubod-tamis na ngumiti si Michael. May inilabas itong tablet sa loob ng bag.

“Sige, dahil iyan ang sagot mo… may i-offer ako sa iyong tiyak na magiging secured ang future mo. I have insurance, life plan here. Let me discuss. Open-minded ka ba?”

Biglang nawala ang matamis na ngiti ni Beth. Pakiramdam niya, lumagapak siya sa lupa na kanina lamang, pakiramdam niya’y nasa alapaap siya sa kilig. Patuloy sa pagpapaliwanag si Michael sa mga plans na ibinebenta nito. Insurance plan agent pala ito, at kaya pala nakipagkita sa kaniya, upang bentahan siya.

Pagkauwi ni Beth, natawa na lamang siya sa kaniyang sarili. Buong akala niya, interesado sa kaniya si Michael na maging kasintahan; iyon pala, interesado itong bentahan siya ng plan. Sa susunod, pag-iigihan na niya ang pag-swipe left at pag-swipe right para talagang “the right one” na ang makilala niya.

Advertisement