Inday TrendingInday Trending
Galit na Galit na Sinita ng Babae ang Isang Binatilyo na Walang Habas Kung Magtapon ng Basura sa Kalsada; May Malalim Pala Itong Pinaghuhugutan

Galit na Galit na Sinita ng Babae ang Isang Binatilyo na Walang Habas Kung Magtapon ng Basura sa Kalsada; May Malalim Pala Itong Pinaghuhugutan

Tahimik na nakasakay si Adeline sa jeepney na rutang pa-San Jose Del Monte sa Bulacan mula sa Novaliches, mga bandang 5:00 nang hapon. Pauwi na siya mula sa trabaho.

Medyo maluwag pa ang loob ng sasakyan dahil tiyak na mapupuno ito pagdating sa isang sikat na mall kung saan marami ang mga pasahero. Kagaya ng nakagawian, isinaksak ni Adeline sa kaniyang magkabilang mga tainga ang earphone na nakakonekta sa kaniyang cellphone. Sanay siyang makinig ng musika habang nasa byahe.

Isang lalaking nasa edad 17 taong gulang ang sumakay. May dala itong isang plastik na punumpuno ng mga prutas kagaya ng poncan, lansones, mansanas, at bayabas. Mukhang namalengke ito. May malaking headphone naman ito sa magkabilang tainga.

Maya-maya, naamoy ni Adeline ang maasim na amoy na nagmumula sa poncan. Pagsulyap niya sa lalaki, kumakain ito ng prutas. Subalit ang napansin ni Adeline, itinatapon nito sa labas ng bintana ang mga balat. Nakaramdam ng pagkairita si Adeline.

Sumunod, may bitbit din pala itong bote ng mineral water. Uminom ito at sinaid ang lahat. Nang maubos, walang habas nitong itinapon ang plastik na basyo. Tumalbog pa ang plastik na bote bago magpagulong-gulong sa kalsada. Dito na hindi nakatiis si Adeline.

“Excuse me, kuya…”

Subalit dahil naka-headphone ito at nakatutok sa cellphone, hindi siya nito napansin. Kaya ang ginawa ni Adeline. tinapatan niya ito at kinawayan. Saka lamang ito nagtanggal ng headphone at nagtapon ng sulyap sa kaniya.

“Bakit miss?”

“Anong bakit miss? Wala ka bang urbanidad? Tapon ka nang tapon ng pinagkainan mo ng prutas sa kalsada. Hindi ko na lang pinansin kasi nabubulok naman iyan, pero sana sa lupa bumagsak para maging pataba. Pero ang hindi ko na kinakaya kuya, pati ba naman plastik na bote itatapon mo sa kalsada? Alam mo ba kung bakit bumabaha ngayon? Dahil sa mga plastik na bote na tinatapon ng mga kagaya mong walang disiplina sa pagtatapon ng basura!” tuloy-tuloy na pangaral ni Adeline sa binatilyo.

Hindi naman kumibo ang binatilyo. Pulang-pula ang mukha nito. Tumingin ito sa iba pang mga kapwa nila pasahero na nakatingin na rin sa kanila.

“Wala kang pakialam miss…” sabi ng binatilyo.

Dito lalong nagpanting ang mga tainga ni Adeline.

“Iyan… iyan ang madalas na sinasabi ng mga taong walang malasakit sa kalikasan. Kaya tayo napapahamak dahil sa ganiyang mentalidad ng mga tao. Magkaroon ka naman ng disiplina sa katawan, kuya. May plastik ka namang bitbit, bakit hindi mo na lang muna ilagay riyan ang plastik na bote at saka mo itapon sa tamang basurahan? Mahiya ka naman sa mga naglilinis ng kalat mo!”

Hiyang-hiya ang binatilyo dahil wala siyang kakampi sa mga kapwa pasahero na iba na rin ang pagtingin sa kaniya. Mabuti na lamang at malapit na itong bumaba. Nakatungo itong pumara at tuloy-tuloy na naglakad.

“Tama lang iyang ginawa mo miss. Ganiyan na talaga ang mga tao ngayon. Minsan kailangang blunt para mas maintindihan nilang hindi tama ang ginagawa nila,” sabi ng isang ginang na pasahero.

Masaya si Adeline sapagkat muli siyang nabigyan ng pagkakataon upang maipagtanggol ang kalikasan. Siya, ultimo balat ng kendi ay ibinubulsa pa niya o kaya naman ay inilalagay muna sa loob ng bag, saka niya itatapon sa madaraanang basurahan.

Pagkauwi sa bahay…

“Mabuti naman anak at dumating ka na. Nakaluto na ako. Kain na tayo,” bati ni Aling Ludy sa kaniyang anak. Nagmano si Adeline sa kaniyang ina.

“Nasaan po ang Tatay? Overtime pa rin?” tanong ni Adeline.

“Oo yata. Marami silang nilinis sa palengke. Oh hayan na pala ang Tatay mo, kababanggit ko pa lamang,” sansala ni Aling Ludy.

Dumating na nga si Mang Ambet na kagaya ng dati ay pagod na pagod mula sa trabaho.

“Naaamoy ko na ang masarap na ulam. Parang paborito ko yata iyon ah, adobong adidas ng manok,” nakangiting sabi ni Mang Ambet. Sa kabila ng pagod ay nagagawa pa rin nitong ngumiti.

Si Mang Ambet ay isang street sweeper. Bukod sa pagmamahal sa kalikasan, kaya ganoon na lamang ang galit na nararamdaman ni Adeline sa mga taong walang habas kung magtapon ng basura kung saan-saan, dahil alam niya ang pagod na nararanasan ng mga street sweepers at janitors na naglilinis ng paligid at nag-aayos ng pagkasalaula ng mga tao sa kawalan ng disiplina. Kagaya ng pagod na nararanasan ng kaniyang ama.

Para kay Adeline, marangal at malinis na hanapbuhay ang pagiging street sweeper kaya hindi niya ikinahihiya ang trabaho nito.

Advertisement