Inday TrendingInday Trending
Tinuligsa Niya ang mga Kapitbahay na Tsismosa; Ikinagulat Niya na Hindi lang pala sa Tsismis Magaling ang mga Ito

Tinuligsa Niya ang mga Kapitbahay na Tsismosa; Ikinagulat Niya na Hindi lang pala sa Tsismis Magaling ang mga Ito

“‘Nay, anong ulam?” sigaw ni Anette na kalalabas lang mula sa kaniyang silid.

Nang walang sumagot ay siya na mismo ang nagtungo sa kusina upang maghanap ng makakakain. Nakita niya ang nakahandang pagkain sa mesa subalit hindi niya nakita ang ina sa loob ng bahay.

“Nasaan si mama?” tanong niya sa kapatid na nanonood sa sala.

“Lumabas, mukhang nakikipag-kwentuhan na naman sa mga kapitbahay,” sagot nito. Tutok na tutok pa rin ang mata nito sa pinapanood.

Umismid siya bago sumilip sa bintana. Natanaw niya ang ina na abala nga sa pakikipagtawanan kasama ang iba pa nilang kapitbahay.

Napailing na lang si Anette. Kay aga aga.

“Tsismis na naman kamo,” inis na bulong niya bago bumalik sa kwarto dala ang pagkaing nakuha mula sa kusina.

Sanay na siya sa kaniyang ina na mukhang katuwaan yata ang tumambay sa labas ng bahay kasama ang mga kumare nitong mga tsismosa.

Pinagpipiyestahan ng mga ito ang buhay ng halos lahat. Lahat ng bagay at usap-usapan ay nasasagap ng mga ito.

“Anak! May kwento ako sa’yo.”

Pumasok ang kaniyang ina sa kwarto. Dahil siya ang panganay ay sa kaniya nito sinasabi ang lahat ng nalalaman nito kahit na hindi naman siya interesadong malaman ang buhay ng iba.

“‘Nay, sabi ko naman sa’yo, tigilan mo na yang kaka-chismis mo diyan at baka ikaw na ang sumunod kay Aling Nora,” pigil ang inis na saway niya sa ina.

Si Aling Nora ay ang kapitbahay nila na pina-barangay dahil nagpakalat na buntis daw ang isang dalaga sa kanila, ‘yun pala ay may sakit kaya lumalaki ang tiyan.

“Hindi naman siguro, Anette. Hindi naman ako gumagawa ng tsismis, nakikinig lang ako saka sa’yo ko lang naman sinasabi. Alam ko namang hindi mo ipagkakalat ‘yan.”

Umiling siya, “Kahit na, ‘Nay. Ang tingin naman ng mga tao sa’yo, ganun na rin kasi palagi mong kasama ‘yang sila Aling Betty. Ginawa n’yo na yatang talk show ang bakuran.”

“Ano ka ba, Anette! Kahit ganun ang mga ‘yun, mababait sila at matulungin. Sila nga ang palaging nagbibigay sa atin ng pagkain. Saka ni minsan ay wala naman kaming naagrabyadong tao dahil kami kami lang din ang nag-uusap tungkol sa mga bagay bagay,” agad na depensa ng kaniyang ina sa mga kaibigan nito.

Ayaw talagang magpatalo ng kaniyang ina pagdating sa mga ito. Kahit pa sabihin nito na mababait ang mga kapitbahay, ayaw na ayaw pa rin talaga niya sa mga tsismosa.

Nakakasira kasi ng buhay ang tsismis. Para sa kaniya ay mahalaga pa rin ang pagiging pribado.

Kahit ilang beses yata niyang pagsabihan ng ina ay talagang hindi ito makikinig dahil matapos ang usapang iyon ay wala namang nabago.

Minsan nga ay naabutan niya pa ang mga ito na nakatambay sa kanilang bahay at nag-aalmusal.

“Kain?” alok ng ina nang makita siya.

Nakasimangot na umiling siya at bumalik sa kwarto.

Narinig niya pa ang huling sinabi ng isa sa kanila tungkol sa naluging negosyo ng isang kakilala. Mukhang may panibago na naman usapan ng bayan.

Bumalik si Anette sa pagtulog, medyo puyat kasi siya dahil sa panggabing trabaho ngunit nagising siya nang marinig ang malakas na sigaw ng kapatid na si Anna.

“Ate! Ate! Dalian mo, si Nanay!”

Natataranta siyang bumangon, bago mabilis siyang tumakbo palabas ng kwarto para daluhan ang kaniyang ina na hawak hawak ang dibdib nito at nahihirapang huminga. Yakap-yakap ito ng kaniyang kapatid na umiiyak sa takot.

“Anong nangyari?” bulalas niya.

“Ewan ko, bigla na lang natumba! Buti na lang at nahawakan ko agad!”

Inutusan niya agad ito na magtawag ng ambulansiya na sa kabutihang palad ay agad namang dumating.

Isinugod nila ang ina sa pinakamalapit na ospital at doon ay ipinaliwanag ng doktor kung ano’ng nangyari.

“Normal na iyon sa mga taong may sakit sa puso,” wika ng doktor.

Alam naman niya ang tungkol sa sakit nito ngunit talagang natakot sila ngayon dahil biglaan at dahil matagal na simula noong huling beses itong atakihin kaya akala nila ay ayos na ito.

“Hija, tatapatin kita. Hindi maganda ang lagay ng nanay mo ngayon, hindi kagaya dati na nadadala ng gamutan. Sa tingin ko kasi ay matagal na niyang nararamdaman ang sakit sa kaniyang dibdib pero hindi niya lang pinapansin kaya bigla siyang inatake,” tuloy-tuloy na paliwanag nito.

“Kung ganon, ano po ang gagawin ko, Dok?” nag-aalala niyang tanong. Ayaw niyang lumala ang lagay ng kaniyang ina.

Bumuntong-hininga naman ito. “Sa ngayon, manatili muna kayo rito para ma-monitor namin siya, bibigyan namin siya ng gamot pero kung hindi bubuti ang kanyang kalagayan, kailangan na niyang sumailalim sa operasyon.”

Namomroblema siyang pumasok sa kwarto.

“Anong sabi ng doktor, Ate?” usisa ng kanyang kapatid.

“Kailangan niyang operahan sabi ni Dok,” bagsak ang balikat na pagbabalita niya dito.

“Ate, hindi ba mahal ‘yun? Paano tayo magbabayad?”

Umiling siya sa kapatid, ayaw niyang mamroblema ito. Nag-aalala na nga ito sa ina ay iisipin pa ba nito kung saan kukuha ng pera?

“Ako na ang bahala,” pilit ang ngiting sagot niya sa nakababatang kapatid. Lumabas siya sa kwarto ng ina upang mag-isip isip.

Iniisip niya kung saan siya hahanap ng pera. Mayroon naman siyang kaunting ipon ngunit hindi iyon sapat.

Naisip niya na kausapin ang kanyang boss at ilang kakilala at magbenta ng mga gamit upang makaipon kahit papaano.

Kaya iyon ang inatupag niya maghapon, kinausap niya ang mga kakilala na maaring makatulong. May iilang gamit din siyang naibenta ngunit kung pagsusumahin ang lahat ay kulang pa rin.

“Ate, may bisita si mama.”

Binuksan ng kapatid ang pinto at nagulat nang pumasok sina Aling Betty, Delia at Cora. Ang mga madalas ay ka-tsismisan ng kanyang ina.

Dumiretso sina Aling Delia at Cora sa kaniyang natutulog na ina habang si Aling Betty ay lumapit sa kaniya at nag-abot ng isang sobre.

Nang buksan niya ay tumambad sa kaniya ang ilang libong pera, marami-rami iyon at tingin niya ay aabot sa limampung libo.

“Para saan po ito?” gulat at nagtatakang tanong niya.

“Pandagdag sa operasyon ng nanay mo. Nabalitaan namin kay Anna.”

Nilingon niya ang kapatid.

“Naku, ‘wag na po. Nakakahiya naman. Kaya ko na po ito,” magalang na tanggi niya bago ibinalik dito ang sobre.

Umiling ang babae at pilit na ipinanatili sa kaniyang kamay ang makapal na sobre.

“Tanggapin mo na ‘yan Anette, kailangan niyo ‘yan ngayon.”

“Pero ang laking halaga ho nito! Wala ho kaming ipapambayad dito,” patuloy na pagtanggi niya dahil lubha siyang nahihiya sa mga ito.

Kung iisipin ay tamang tama iyon para makumpleto ang perang kailangan bunuin para sa nanay.

“Ano ka ba! Hindi ‘yan utang. Tulong namin ‘yan sa inyo. Hindi lang naman ako ang nagbigay niyan lahat. Galing din ‘yan sa kanila.” Itinuro nito ang dalawang kasama. “Pati na rin sa iba pa nating kapitbahay. Tulong-tulong. Sino pa ba ang magtutulungan kundi tayo ring magkakapitbahay hindi ba?” ngiti nito.

“Isa pa, malapit na kaibigan namin ang nanay mo. Gusto namin na bumuti siya,” wika nito bago nilingon ang kanyang ina.

Masaya siya sa narinig ngunit mas nangingibabaw ang hiya dahil hinusgahan niya ang mga ito ngunit ngayon, heto at ang mga ito pa ang tumutulong sa kanila kahit hindi naman siya humingi ng tulong.

“Maraming salamat po,” sinserong pasasalamat niya sa mga kaibigan ng kanyang ina.

“Wala iyon, Basta’t sabihin mo sa mama mo ay magpagaling siya dahil marami pa kaming pagkukwentuhan!” biro pa Aling Cora.

Napuno ang silid ng tawanan.

Sa tulong ng perang bigay ng mga ito ay sumailalim ang kaniyang ina sa operasyon at naging matagumpay naman ito kaya ilang linggo lang ay nakauwi na ang kanyang ina sa kanila.

Dahil hindi pa ito maaaring lumabas, ang mga kaibigan na lamang ang bumibisita rito at may bitbit pa na kung ano anong pagkain para sa kanilang ina.

Kung noon ay naiinis at umiiwas sa mga ito, nang lumaon ay malugod niya nang tinatanggap ang presensiya ng mga ito sa kanilang bahay.

Naisip niya na wala naman talagang perpektong tao. Totoo ang sinabi ng kaniyang ina. Tsismosa man, mababait at matulungin ang mga kapitbahay nila. Hinding hindi niya makakalimutan na ang mga ito ang kusang lumapit sa kanila upang mag-alok ng tulong sa panahong lugmok sila.

Advertisement