Dinaya Siya Kaya Hindi Niya Nakuha ang Pinakamataas ng Karangalan; Makalipas ang Ilang Taon ay Makikita Nila Kung Sino ang Tunay na Nagtagumpay

“Regine, ngayon daw iaannounce ni Ma’am kung sino ang mga makakatanggap ng medal!” pagbabalita ni Ariella, ang kaniyang matalik na kaibigan. Humihingal pa ito mula sa pagtakbo papunta sa kaniya.

Agad na kumabog ang kaniyang dibdib dahil sa excitement.

“Talaga? Sana kasama ako.”

Pabirong kinurot nito ang kaniyang tagiliran, “‘Wag ka na magpanggap riyan, alam naman ng lahat na ikaw ang nangunguna sa classroom.”

“Hindi kaya!” sagot niya pabalik na nakangiti.

Palagi nito iyong sinasabi ngunit kahit na kailan ay hindi niya kinonsidera na siya ang pinakamagaling o pinakamatalino sa lahat.

Kung mayroon man siyang katangian na maipagmamalaki ay ang kasipagan. Masipag siya mag-aral dahil alam niya ang importansiya ng edukasyon.

Naniniwala siya na ito ang mag-aahon sa kaniya sa kahirapan balang-araw. Kaya naman simula pagkabata ay masipag na talaga siyang mag-aral.

Advertisement

“Ah, basta! Kung hindi ikaw ang magiging first honor ay sino pa ba? Hindi ka na nga umaalis sa library kakabasa ng kung ano-ano.”

Hindi na siya nagsalita dahil kinakabahan siya nang husto. Sana ay magdilang-anghel ang kaibigan.

Ang magkakamit kasi ng pinakamataas na karangalan ay bibigyan ng scholarship sa pangarap niyang eskuwelahan kaya umaasa rin siya na sana talaga ay siya iyon.

“Class, upo na. Uumpisahan ko na agad ang announcement,” malumanay na sabi ng kanilang guro. Tumalima naman ang lahat.

Nagpunta na ito sa harap at binanggit ang pangalan ng mga may karangalan, mula sa pangsampu.

Kahit kinakabahan ay napangiti pa rin si Regina nang marinig ang pangalan ng kaibigang si Ariella.

Lumala ang pagtahip ng kaniyang dibdib habang lumalapit ang pag-aanunsyo ng pinakataas na karangalan.

“Para sa second honor, Regine Cruz.”

Advertisement

Agad na umiral ang bulungan ng mga kaklase. Halos lahat kasi ay inaasahan na si Regine ang magiging first honor dahil walang hihigit sa husay nito.

Gulat at lungkot ang naramdaman ni Regine nang tinawag ng kanilang teacher ang kaniyang pangalan.

Malungkot man ay tumayo na siya para kuhanin ang sertipikong iniaabot nito. Pilit na ngiti ang isinukli niya sa mga kaklase at sa guro.

“Kung hindi ikaw, sino?” takang takang tanong ni Ariella nang makabalik siya bitbit ang sertipiko.

Hindi siya sumagot at ngumiti rito. Tahimik na lamang siyang nakinig sa anunsyo kahit mabigat ang kaniyang loob. Hindi pala sapat ang pag-aaral niya nang husto.

“First honor, Robin Cuesta.”

Labis ang gulat niya sa narinig. Pinanood niya ang paglapit ng ngiting ngiting si Robin sa kanilang guro.

“Hala, bakit siya? ‘Di ba nagpapaturo pa nga ‘yan lagi sa’yo?” bulong ni Ariella na agad niyang sinaway.

Advertisement

“Magaling naman siya,” mahinang sagot niya kay Ariella.

Ngunit sa loob loob niya ay alam niyang may katotohanan ang paratang nito.

Madalas itong lumapit sa kaniya para mangopya ng mga assignment pero dahil ayaw niya ng nagpapakopya ay tinuturuan na lamang niya ito para maintindihan nito ang mga aralin.

Umingos na lamang si Ariella.  ]“Pero mas magaling ka. Alam ‘yan ng lahat, pakiramdam ko ay nandaya lang siya.”

Muli niyang sinaway ang kaibigan. Ayaw niya rin naman na mapahiya at mahusgahan si Robin. Mabigat ang loob niya sa nangyari ngunit ayaw niya naman na mag-isip ng masama sa kapwa, ‘yun ang laging paalala sa kaniya ng ina.

“Ayos ka lang, Regine?” tanong ng kaniyang ina nang mapansin na matamlay siya habang kumakain sila ng hapunan.

Bumuntong-hininga siya at saka sinabi rito ang totoo.

Ayaw niya na naglilihim sa pamilya kaya kahit alam niyang nakakagulat iyon dahil inaasahan siya ng mga ito na makakuha ng scholarship ay sinabi niya sa mga ito ang malungkot na balita.

Advertisement

“Ayos lang ‘yun, anak. Ginawa mo naman ang lahat, hindi ba?” puno ng pang-unawang ngiti ng kaniyang Tatay Jose.

Tumango siya rito. Nasisiguro niya naman na ginawa niya ang lahat ng kaya niyang gawin.

“Paano ‘yan, Tatay? Mukhang hindi ko na makukuha ang scholarship,” mangiyak-ngiyak na wika niya sa magulang. 

Iyon ang kaniyang inaalala higit sa lahat.

Nagkatinginan ang mga magulang. Kapagkuwa’y nginitian siya. “Gagawan natin ng paraan, ‘wag ka mag-alala.”

Kinabukasan ay napansin niyang iritable si Ariella. Uusisain niya na sana ito nang dumaan si Robin at nang-aasar na tiningnan silang magkaibigan.

“Kung ako sa’yo, tatanggapin ko na lamang na pangalawa lang ako para hindi na pikon na pikon itong kaibigan mo,” nang-aasar na wika ng lalaki kay Regine.

Ang kaibigan niya ang sumagot.

Advertisement

“Ang yabang mo! Samantalang alam naman ng lahat na nangongopya ka lang at kaya ka lang naman naging first honor ay dahil sipsip ka at ang pamilya mo sa principal at mga teacher. Puro regalo at donasyon lang ang puhunan mo! Proud ka?” galit na akusa ni Ariella sa lalaki.

Napikon ito sa sinabi ng kaibigan at nagulat siya nang akmang susuntukin nito sa Ariella kaya natataranta siyang pumagitna siya para umawat.

“Mananakit ka talaga ng babae? Umalis ka nga rito!” inis na taboy niya kay Robin na masama pa rin ang tingin sa kanilang dalawa. 

Dinuro pa silang dalawa nito bago galit na umalis.

Hindi niya maalis sa isipan na baka may katotohanan nga ang paratang ni Ariella kaya ganun na lamang ang galit nito.

“Hindi naman siguro ganoon,” sa isip-isip niya. 

Ngunit tila makumpirma ang kaniyang hinala nang makita nila ni Ariella ang mga magulang ni Robin kasama ang kanilang principal at ilang guro na nag-uusap.

Ang usap-usapan ay magpapatayo ang mga ito ng bagong building.

Advertisement

“Kung nandaya man sila ay babalik rin sa kanila ang karma. Hayaan mo na, sabi mo nga, matalino ako. Magtatagumpay ako dahil dito. Magsisikap ako at hindi ito ang magiging dahilan para hindi ko maabot ang aking mga pangarap,” wika niya sa kaibigan.

Iginapang ng kaniyang mga magulang ang kaniyang pagkokolehiyo.

Nag-aral siya at nagtrabaho nang sabay para matustusan ang pag-aaral hanggang sa makatapos siya sa kursong Abogasya.

Waang pagsidlan ang kaniyang saya nang makatapos siya na may pinakamataas na parangal. Kinuha siya agad ng isang malaking law firm at hindi nagtagal ay naging isa siya sa mga abogado na pinakamagaling at pinakamaganda ang reputasyon.

“May bagong kliyente, sa iyo ko ibibigay. VIP. Si Angeleen Cuesta, naghihintay na siya sa opisina mo,” isang araw ay pagbabalita ng kaniyang boss.

Hindi niya maiwasang balikan ang alaala. Pamilyar ang apelyido. Hinding hindi niya makakalimutan si Robin Cuesta na inagaw sa kaniya ang unang karangalan.

Pumasok siya sa opisina at naabutan niya niya ang isang babae na naghihintay doon. Maganda ito subalit halata sa mukha nito ang mabigat na dinadala.

“Magandang umaga,” bati niya rito.

Advertisement

Bumati naman ito at pabalik at pormal na nagpakilala. Doon ay nalaman niya na asawa pala ito ni Robin Cuesta, ang dati niyang kaklase.

“Kaklase ko siya noon. Kamusta siya?” tanong niya kahit na hindi maganda ang naging paghihiwalay nila nang magtapos sila ng high school.

“Attorney, tulungan mo ako na makipaghiwalay sa kaniya,” walang patumpik tumpik na wika ng babae.

Nilabas nito ang cellphone at pinakita ang mga litrato nito na panay latay sa katawan dahil ayon dito ay sinasaktan ito ng asawa at nag-aalala ito para sa mga anak. Marami itong ebidensya, mukhang pinaghandaan talaga nito nang husto ang paglaban.

Hindi niya maiwasang maawa sa babae. Halatang-halata ang takot nito subalit pinipilit nito maging matapang para sa mga anak. 

“Sinabi ko na ito sa mga magulang ko pero hindi ngayon lang kami nagkaroon ng kumpiyansa makapagsampa ng kaso dahil nasa pulitika ang kaniyang mga magulang. Natatakot ako,” naiiyak na wika ng babae.

Naalala niya tuloy na muntik na nitong saktan si Ariella noon kung hindi niya ito napigilan kaya alam niyang hindi malayo na gagawin talaga ni Robin ang bagay na iyon.

Hinawakan niya ang kamay ng kliyente. “‘Wag kang mag-alala, tutulungan kita. Siguradong may kapupuntahan ang lahat ng ebidensiyang ito. Lalaban tayo.”

Advertisement

Dumaan sila sa mahabang proseso para tuluyan na makuha nito ang kustodiya ng mga anak at managot ito sa ginawa.

Hindi niya akalain nasa korte sila muling magkikita ng dating kaklase. Siya bilang abogado. At ang lalaki bilang ang akusado.

“Ang liit ng mundo at totoo ang karma. Tingnan mo nga naman kung saan ka dinala ng pandaraya mo,” naiiling na wika niya sa dating kaklase.

Nagtagumpay sila sa kaso at nakulong si Robin dahil sa ginawa nito.

Kinailangan din nitong magbayad ng malaking halaga sa asawa dahil sa pinsalang idinulot bukod pa sa sustento nito sa mga anak.

“Maraming salamat, Attorney,” niyakap siya ng kliyenteng napalapit na rin sa kaniya.

“Walang anuman iyon. Lagi nating ipaglalaban ang tama. Salamat at naging matapang ka na itama ang mali,” nakangiting wika niya sa babae.

Masaya siya dahil nanalo man si Robin noon ay hindi pa rin naitago ng kahit na anong medalya o huwad na karangalan ang bulok na pagkatao nito.

Advertisement

Totoo ngang hindi kailanman nababayaran ng pera ang isa sa pinakamahalagang bagay sa mundo – ang dangal.