Isang Babae ang Nakatuklas ng Kaniyang Lihim; May Lihim din pala Itong Itinatago na Higit na Nakagugulat
“Panalo tayo!” sabay na naghiyawan ang buong grupo at ang mga manonood nang makaiskor na naman ng tatlong puntos si Renzo sa huling sampung segundo ng laro.
“Uy! Big time na talaga si coach, nanlilibre na!” natatawang pang-aasar ni Gino sa kanilang coach nang mag-aya itong lumabas para mag-celebrate.
“Hindi ka kasama, Perez!” ganting buska naman ng coach habang nakangisi sa ngayong nakanguso na na si Gino.
“Joke lang naman po, ‘di naman kayo mabiro,” kinawit agad ni Gino ang braso nito sa braso ng coach nila at nauna ng maglakad palabas.
Napangiti si Renzo habang pinagmamasdan ang kaniyang team. Bilang captain ay ipinagmamalaki niya ang kaniyang mga kagrupo, magagaling kasi ang mga ito.
Isa pa, talaga namang napakaganda ng samahan nilang mga manlalaro.
“Brad, ano ayos ka lang? Todo bigay ka kanina. Wala bang masakit sa’yo?” Naputol ang kaniyang pag-iisip nang sabayan siya maglakad ni Gino, ang itinuturing niyang matalik na kaibigan.
“Ayos lang. Iinom ako ng gamot mamaya pagkatapos kumain,” nginitian niya ang kaibigan. Masayang nag-bonding ang buong team. Maya-maya tumayo si Renzo upang pumunta ng banyo.
Agad na sinundan siya ng matalik na kaibigan. Ito ang nag-iisang nakakaalam ng kaniyang pinakatatagong sikreto.
“Pare! Ang dami naman niyan!” nakangiwing wika ni Gino habang tinitingnan si Renzo na sabay sabay ininom ang hindi bababa sa limang tabletang gamot.
“Gusto ko na gumaling, Gino. Maglalaro pa ‘ko ng basketball. Pupunta pa ako sa kasal mo, pare!” pabirong drama ni Renzo sa kaibigan.
“Gagaling ka din, tiwala lang,” tinapik siya ng kaibigan sa balikat.
Kinabukasan ay hindi dumalo sa practice si Renzo dahil may chemotherapy siya.
Magdadalawang taon niya nang nilalabanan ang sakit na brain tum*r. Si Gino lamang ang nakakaalam nito dahil ayaw niyang kaawaan siya ng iba at ituring na iba. Gusto niyang mamuhay nang normal.
Kaya naman isang araw ay nagulat siya nang isang babae ang makaalam ng kaniyang sikreto.
Muntikan na siyang mabulunan nang biglang sumulpot ang isang babae habang palihim siyang umiinom siya ng gamot sa isang tagong bahagi ng library.
“Saan ka nanggaling? Wala namang tao rito kanina!” nanlalaki ang matang wika ni Renzo habang sapo ang dibdib nito.
Ngunit mas ikinagulat niya ang sumunod na sinabi nito.
“Brain tum*r? Anong stage?” kaswal na tanong ng babae saka nito pinagkrus ang dalawang braso.
Nanlaki ang mga mata ni Renzo dahil sa katanungan ng babae. Sa kakatwang dahilan ay hindi siya nakapagdahilan at nasabi niya dito ang katotohanan.
“S-stage 2. Paano mo nalaman?” kuryosong tanong ni Renzo.
Napaiwas ng tingin ang babae. “K-kaibigan. ‘Y-yung kaibigan ko, may brain tum*r din. P-parehas kayo ng gamot na iniinom,” putol-putol ang sagot ng babae.
Pagkuwa’y nagpanggap itong nagbabasa. Natawa si Renzo dahil nakabaliktad naman ang librong hawak nito.
Naaaliw na tinanong niya ang babae. “Anong pangalan mo?”
Taas kilay na sumagot ang babae. “Amy.”
“Renzo ang pangalan ko,” kaswal na pagpapakilala niya rito.
Kumunot ang noo ng babae. Tila nagtatanong bakit siya nagpapakilala dito.
“Hindi ba dapat maging magkaibigan na tayo? Alam mo na ang pinakatatago kong sikreto. Ikaw lang at ang bestfriend kong si Gino ang nakakaalam,” malawak ang ngiting wika ni Renzo sa babae.
Gusto ni Renzo maging kaibigan ang babae. Sa hindi malamang kadahilanan ay komportable siya rito.
Sumilay ang munting ngiti sa labi ni Amy. Iyon ang naging simula ng magandang pagkakaibigan nila ni Amy.
Madalas sila magkwentuhan ng babae sa may library, kung saan sila unang nagkakilala.
Mukhang marami ang alam ni Amy tungkol sa kaniyang sakit dahil madalas siya nito dalhan ng kung ano-anong masusustansyang pagkain at mga bitamina.
Dahil alam nito ang sikreto niya ay naging mas malalim ang kanilang pagkakaibigan. Kagaya ni Gino, madalas palakasin ng babae ang kaniyang loob. Parati nitong sinasabi na gagaling din siya, at huwag siyang mag-aalala.
Gayunpaman, napansin ni Renzo na hindi mahilig magkwento tungkol sa sarili nito ang babae, malihim ito.
Madalas din na tila may malalim na iniisip ang babae at tulala.
Isang araw, napansin ni Renzo na mukhang pagod ang dalaga dahil hindi ito nagbabasa at nakapikit lamang habang nakasandal ang ulo sa pader.
“Ayos ka lang ba, Amy?” nag-aalalang tanong niya rito.
“Anemic kasi ako kaya ganito. Ayos lang,” maagap na paliwanag ni Amy.
Pilit ang ngiti sa labi ito, bagay na ipinag-alala ni Renzo.
“Sigurado ka ba?” paniniguro ni Renzo.
“Ayos nga lang ako!” pasigaw na sagot ni Amy.
Nang makabawi ang dalaga ay agad na bumalot sa mukha nito ang pagsisisi.
“Sorry, Renzo. P-puyat lang kasi ako kagabi,” malungkot na wika ng babae bago nagmamadaling umalis.
Naiwan namang nag-iisip si Renzo.
Nang sumunod na araw ay hindi niya nakita ang babae. Hanggang sa umabot ng isang linggo na hindi niya ito nakikita.
Nagsimula nang mag-aalala si Renzo.
Kaya naman nagtanong tanong sila ni Gino sa mga kaklase ni Amy. Subalit kagaya nila, bukod sa number ni Amy ay wala nang alam ang mga ito tungkol sa babae.
Walang ibang magawa si Renzo kundi muling mag-text kay Amy. Hindi naman ito sumasagot sa mga tawag niya.
“Amy, bukas na ang operasyon ko. Nag-aalala ako sa’yo, isang linggo ka nang hindi pumapasok, ayos ka lang ba?”
Kagaya ng dati ay wala siyang nakuhang sagot sa babae.
Maggagabi na nang makatanggap siya ng mensahe mula sa babae. Walang ibang laman ang mensahe kundi isang address.
Dali-dali siyang umalis upang puntahan ang kaibigan.
“Renzo, saan ka pupunta? Kailangan na nating umalis papuntang ospital para sa operasyon mo bukas!” sigaw ng kaniyang ina.
“‘Ma, babalik ako kaagad!” wika niya bago tuluyang umalis.
Nahirapan siyang tuntunin ang bahay ni Amy kaya ganoon na lamang ang kaniyang tuwa nang sa wakas ay mahanap niya ang maliit na bahay.
Isang matanda ang bumungad sa kaniya.
“Dito po ba nakatira si Amy?” walang pasakalyeng tanong niya.
Pinapasok siya ng matanda.
Nanlaki ang mata niya nang makita ang kaibigang nakahiga sa kama. Maputla ito at mahimbing na natutulog.
Tila pinagsakluban siya ng langit at lupa nang mamataan ang mga botelya ng gamot na pamilyar na pamilyar sa kaniya. Kagaya kasi iyon ng mga gamot na iniinom niya.
Nagtatanong ang mga matang bumaling siya sa matanda.
“Ikaw ba si Renzo, hijo? Madalas kang ikwento ng apo ko. Sayang nga lang at hindi na natin siya makakasama nang matagal,” lumuluhang wika ng matanda.
“Stage 4, brain tum*r,” pagkumpirma nito sa bagay na ikinatatakot niya.
Naluluhang minasdan niya ang kaibigan. Parati nitong pinalalakas ang loob niya samantalang may iniinda din pala itong sakit. Mahigpit niyang hinawakan ang kamay nito.
“Renzo?” nanghihinang pagtawag ni Amy. Naramdaman niya ang maghigpit na hawak nito sa kaniyang palad.
“Salamat, salamat sa pagkakaibigan. Magpagaling ka, ha? Hihilingin ko sa Diyos na maging matagumpay ang operasyon mo…” namumungay ang matang wika ng babae.
“Antok na antok na ako, gusto ko nang matulog…” mahinang wika ng babae bago unti unting pumikit ang mga mata nito. Ang mahigpit nitong kapit sa kaniyang kamay ay unti-unting lumuwag.
Humahagulhol na niyakap ni Renzo ang kaibigan. Hanggang sa huling sandali nito ay siya pa rin ang iniisip nito.
“Ikaw na lang pala ang hinihintay ni Amy, Renzo. Maraming salamat at sinamahan mo siya sa kaniyang huling sandali,” umiyak na tinapik ng lola ni Amy ang kaniyang balikat.
Gusto man ni Renzo na samahan pa ang kaibigan ay hindi maari. Kailangan niyang magpaopera upang tuluyan na siyang gumaling. At alam niyang ‘yun din ang gusto ni Amy.
Naging matagumpay ang kaniyang operasyon. Marahil ay kinausap nga ni Amy ang Diyos sa langit na tuluyan na siyang gumaling.
Sa araw ng kaniyang paglabas ay dinalaw niya ang puntod ng babae. Nagsindi siya ng kandila. Nangingilid ang luhang tumingala siya sa bughaw na kalangitan.
“Salamat sa pagkakaibigan, Amy. Hinding hindi kita kalilimutan.”