Nainggit sa Bagong Laruan ng Kapitbahay ang Magkapatid; Nakakagulat ang Kanilang Ginawa
Masayang nilalaro ng batang si Harry ang kaniyang bagong biling laruan. Napakaganda n’on at mukha talagang mamahalin.
Samantala, sa ’di kalayuan ay nakamasid naman dito ang magkapatid na Dan-Dan at Nat-Nat. Bakas sa kanilng mga mata ang ngit-ngit at inggit sa kalaro dahil sa hawak nitong maganda at bagong laruang robot.
Alam nilang hindi sila kayang bilhan ng ganoon ng kanilang mga magulang. Mahal kasi iyon at alam naman nilang wala silang pera, kaya naman hindi na sila nag-abala pang humingi ng gan’on sa kanilang ina.
“Alam ko na, Nat! May naiisip akong ideya para magkaroon tayo ng gan’on!” may ngisi sa labi na ani Dan-Dan sa nakababatang kapatid.
“Ano ’yon, kuya?” sabik namang sagot ni Nat sa kaniya.
Ibinulong ni Dan-Dan kay Nat-Nat ang kaniyang plano. Pagkatapos ng ilang sandali ay tinungo nila ang puwesto ng batang si Harry…
“Harry, p’wede ba naming hiramin ang kahon ng laruan mo? Gagayahin lang namin at gagawa kami ng sariling amin para makapaglaro na tayo,” maayos na paalam ni Dan-Dan sa kalaro kaya agad naman itong pumayag. Samantalang si Nat-Nat naman ay naghanap ng mga p’wede nilang magamit sa pagawa ng laruang robot na kawangis ng laruan ni Harrry.
Humingi siya ng mga pinagputulang piraso ng kahoy mula sa pagawaan ng furnitures sa malapit, ganoon din ang glue at mga pangkulay na gamit nila noon sa paggawa ng proyekto sa paaralan. Mayroon din silang mga retaso ng makukulay na papel na kanila ring inipon kahit pa karamihan sa mga iyon ay gamit na. Mga patpat mula sa nahuhulog na sanga ng mga puno sa paligid at iba pang mga basurang maaali nilang magamit.
Tuwang-tuwa si Nat-Nat nang simulan na nila ng kaniyang kuya ang paggawa at pag-iimbento nila ng laruan gamit ang mga bagay na itinapon na ng iba! Inilabas ng magkapatid ang kanilang angking talento sa pagguhit, pag-iisip at pagbuo ng mga bagay at lahat ng makakita sa kanila ay talagang humahanga!
Maging ang kalaro nilang si Harry ay nagulat at namangha nang makita ang tapos na nilang laruan!
“Astig!” gulat na bulalas nito na malaki ang paghanga sa mga mata.
Nakabuo sina Dan-Dan at Nat-Nat ng mas maganda pa sa laruan ni Harry! Makulay ito at matibay. Hindi na rin nito kailangan pa ng battery, dahil mapagagalaw iyon ng magkapatid sa pamamagitan ng manu-manong paglalaro na ‘di hamak namang mas nakaka-enjoy kaysa mga laruang de baterya na tititigan lamang nila dahil kusa naman itong gumagalaw.
Ipinagpatuloy ng magkapatid ang masining nilang pagbuo ng iba’t ibang laruan at iyon na ang naging bonding nila kahit noong hanggang sila’y tumanda na. Naisip din nilang bumuo ng negosyo tungkol pa rin sa mga laruang gawa sa retaso’t basura.
Hinangaan ng marami ang magkapatid dahil bukod sa nagbibigay saya na sa mga bata ang kanilang mga laruan ay nakatutulong pa sila sa paglilinis ng kalikasan sa munti nilang paraan. Dahil doon ay tinangkilik ng maraming Pilipino ang kanilang mga laruang ibinibenta nila sa mura at abot kayang halaga!
Gumanda rin ang buhay ng magkapatid. Unti-unti silang nakaahon sa hirap. Noon, sila’y isang kahig at isang tuka lang ngunit ngayon ay nakadaranas na sila ng masaganang pamumuhay.
“Maraming salamat sa inyo, mga anak, dahil hindi kayo nagdamdam sa amin ng ama n’yo noong mga panahong hindi namin maibigay ang inyong gusto,” maluha-luhang sabi ng kanilang ina kina Dan-Dan at Nat-Nat.
“Mama, ang karanasan po naming iyon ang nagdala sa atin sa buhay kung nasaan tayo ngayon. Isa pa’y naging maganda ho ang mga turo n’yo habang lumalaki kami kaya naman natutunan naming mas maging produktibo kaysa magmukmok dahil wala kami ng mgabagay na gusto namin,” magalang namang sagot ni Nat-Nat sa ina bago ito niyakap.
Ang kanilang talento, pati na rin ang mga pangaral ng kanilang mga magulang ay ipinasa nila sa kanilang mga anak. Ibinuhos nila sa mga ito ang kanilang pagmamahal at pinalaking ayon din sa pagpapalaki sa kanila ng kanilang mga magulang. Nagpatuloy ang paglago ng negosyo ng magkapatid hanggang sa maging sa ibang bansa’y nakilala na rin ang kanilang mga imbentong laruan. Ngayon, halos lahat ng bata sa iba’t ibang panig ng mundo’y nakaranas na ng sayang dulot ng mga laruang inimbento nila mula nang sila’y musmos pa lang.
Isang inspirasyon ang kwentong ito ng buhay ng magkapatid, kaya naman magandang ibahagi ito sa mga bata upang kanilang tularan.